Saturday, March 29, 2008

Pangamba

Multo ang anino ng kahapon
Na pumupukaw sa pusong
Inilugso ng karupukang
Dumurog sa magapok na dibdib
Ibig kong ituring kang iba
Sa gitna ng bula ng alak
Na lumalasing sa gunam-gunam
Lasing nga ba akong tumatagay
mag-isa sa baso ng kawalang-pag-asa?
Makirot ang gunitang ibig
kong malimot
Ibig kong makulong sa boteng
may pampamanhid na dulot,
Lumalayo sa altar ng karimlan
Na idinadalit ay puro kapighatiang
Dumudungis
sa dalisay na panalangin
Waring mga lagas at bulok
na dahong ipinadpad ng panahon
Bakit kailangan pang iugnay
ang nakaraan?
Sa pagsakop ng kasalukuyang
Ibig itatwa ng 'yong kariktan
Marahil ang diwa lang ay nahihibang
Dahil sa isang tulad mong
Nagsaboy ng binhi ng paniniwala
Na sa katauhan ko'y naipunla
Nasaan na ang aking kaluluwa't
Espiritu kundi na sa iyo
Idinuduyan ng pagkaliyo
Gan'to nga ba ang pag-ibig
Samu't saring kataga ang sumasanib?
Nang dahil sa pangangamba
Katahimikan ko'y nagagambala
Sana'y pawiin mo't palitan ng ligaya
Ang dibdib kong kakaba-kaba.

Tunay na Mundo

Ito nga ba ang buhay
ang managinip at magising
sa mapaglarong katotohanang
tumatampal sa ating mukha
Sabay bayo sa nagdurugong diwa,
Maantak na gunita
sa pagbalong ng nilulumot
na ugat na nagpapanggap
na sariwa.

Nabubuhay tayo sa pantasya
Mga oras na naaksaya
Tulad ng huwad na ligaya't
Paghimas sa papaya
Nag-aaliw nga ba o nababaliw
Sa paghawan ng imbing sagwil
O ito'y bunga ng masining
na pagbiti
Upang umaapak sa baling istribo't
Mabagok ang ating ulo,
Walang tigil sa katatakbo
Habang habol ng 'di nakikitang
kabayo.
Tinatakasan natin ang oras
Upang tayo lamang ay madupilas
Hinahamon natin ang panahon
Habang tayo'y unti-unting gumugulong
Ay, tayo pala'y sanrekwang buhong!
Ayoko ng mabuhay pa sa alamat
Habang nadarama ko ang latay ng sugat
Mga mata ko ay inyong imulat
Hampasin ng nangangalit na habagat
Habang ang sariling dila'y kagat-kagat
Upang lasapin ang tunay na buhay
Sa silong ng nandidilat na araw
Bagama't katauhan ay nalulusaw
Ibig kong mabuhay sa totoong mundo
Huwag nang ituring na isang dayo
Estranghero kung kanilang ituring
Sumususo sa dibdib ng mga bituin
Nawa'y maging matatag itong pandama
'Pagkat tunay na mundo'y sala-salabat

na pakikibaka.

Friday, March 28, 2008

Ang pag-usbong ng musikang Bisaya



1017 band

Kapansin-pansin ang biglang pag-usbong ng mga musikang ang liriko ay may halo o purong bisaya. Kung dati-rati ay hindi ito pinapansin siyempre iba na ngayon. Dahil lagi nang naririnig sa mga FM radio station ang ganitong uri ng musika. Ito lang ay nagpapatunay na nakapasok na nga sila sa mainstream. Ipinapakita lang nito na maging sila a hindi pahuhuli kung musika lang an gpag-uusapan. Bukod pa rito ay nariyan ang pagnanasang ibahagi sa mga hindi Bisaya ang kanilang diyalekto. Hindi rin naman maiaalis na marami tayong mga kababayan na nagmula sa Visayas kaya't pumatok ang ganitong uri ng awitin.
Ihalimbawa natin ang grupong 1017, na mula sa Davao, sila ang nagpasikat sa awiting "Dodong Charing." Ito ay tungkol sa ka-text mate na inaakalang babae. Subali't huli na nang malaman na ito rin pala ay isa ring lalake nang maubos na ang pera sa kabibigay sa charing na ito. Pinili nilang maging novelty ang istilo para maging catchy sa mga taga-pakinig at hindi nga naman sila nagkamali dahil pumatok ang kanta nilang ito. Ang grupong ito ay binubuo nina Jam-Jam Ruiz( lead vocals), Beam-Bam Lungakit( bass guitar), Chokoi Pasaquie(lead gutiar,vocals),Mckoy Al-ag,(rhythm guitar, vocals) at janpoy Fortich(drums).

Kasalukuyan ring umuusbong ng tinatawag na Bisrock o Visaya Rock na kinabibilangan ng grupong Smooth Friction, Blood of The Stone, Enchi, atbp. Ngunit nauna nang umeksena sa mga ito ang bandang Urban Dub at Cueshe na parehong nagmula sa Cebu na nakikipagsabayan sa mga banda rito sa Maynila. Bagama't hindi bisaya ang kanilang ginagamit sa kanilang kanta ay ipinagmamalaki nilang sila ay mga probinsyano.
Ayon sa isang sociologist, ang pag-usbong ng musikang bisaya raw ay isang anyo ng pagpapanatili ng kanilang sariling lengguwahe at sariling identidad. Kadalasan kasi ay baduy ang tingin ng iba sa ganitong klase ng musika. Ngunit nilansag nila ito dahil sa rami ng tumatangkilik sa ganito. Mabuti raw ang ganito dahil ito rin naman ay sakop ng wikang Filipino. Hindi ito nangangahulugang para 'di sila maintindihan ng mga 'di Bisaya. Bakit naman daw ang mga lirikong Intsik, Mexicano atbp. ay pinakikinggan ng mga tao kahit 'di nila naiintindihan? Bakit ang wikang Bisaya na sariling atin ay hindi? Maganda diumano ang ganitong senaryo dahil nagiging bukas na tayo sa ibang dayalekto sa atin. Sana sa sunod ay 'di lang musikang Visaya ang umusbong kundi maging ang sa mga Ilokano, Capampangan, Hilagaynon atbp.

Wednesday, March 19, 2008

Babae






Ano ang buhay sa mundo kung wala ka?
Ang lahat ng bagay ay walang halaga
Hindi dadami ang lahi ng tao sa lupa
Kami ay magsusupling ng pangungulila
Walang aalimbukay at aapaw na tuwa,
Walang ligaya sa dumaratal na umaga
Aanhin pa ang buhay dito sa lupa?
Kung uhaw lagi sa pag-ibig ang kaluluwa.

Sino pa ang aalayan nitong bulaklak?
Walang saysay ang halimuyak na malalanghap
Sino pang susuyuin ng wikang maririlag?
Ang aawitan ng kantang matitimyas
Walang tula o palabas na maisusulat
Kundi pawang lumbay at mga alamat
Sino pa ang makakapiling sa magdamag?
Ang lalambingin ng masusuyong halik at yakap.

Kung wala ka ay sino'ng mamahalin nang husto?
Sa mga sarili na lang ba magkakagusto
Sa mga tulad naming lalake na kabalahibo
O sa mga nilikhang hayop na naririto
At sa taga-ibang planeta't dagdig ng espiritu?
Kay pangit isipin ang mga bagay na ito
'Di ko malirip ang kalagayan ng tao
Kung walang mga babae rito sa mundo.

Ang pasasalamat ko ay walang hanggan
Doon sa Maykapal na nasa kaitaas-taasan
Mabuti na lang at ikaw ay Kanyang nilalang
Hinugot mula sa tadyang ng nunong si Adan
Kaya naman ang mabuhay ay kay inam
Tila langit kapag nasa iyong kandungan
Ako ay nalulugod at nasisiyahan
Masilayan lang ang ngiti mo at kagandahan.

Huwag kang maging Ebang madaling malinlang
Nang matukso ng ahas na ang prutas ay tikman
O kaya'y maging Delilang nagbigay kapahamakan
Kay Samson nang lihim niya ay binuksan
Huwag ding maging Reyna Jezebel ang kalupitan
Ni maging Maria Magdalenang nasa putikan
Bagkus tumulad kay Mariang tapat ang kalooban
Na naging ina ni Cristong labis ang kaamuan.
(Mula sa librong Pagtatalik ng Bolpen at Papel)

Buhay-Pulitika

Marumi ang daigdig ng pulitika sabi nila
Pakapalan ng mukha at patapangan ng sikmura
Kung hindi ka ganito ay talo ka na sa simula
Pasikatan ang labanan at paramihan ng pera
Siyempre, kailangan ay magaling ka ring magsalita
Sa entablado kailangang maging kahanga-hanga
Kung matindi ang kalaban puwedeng ipalikida
Kung ayaw ipatira ay daanin na lang sa daya,
Kapag malapit na itong halalan ay nagbibida
Samut saring balangkas ang nasa plataporma
Magagandang pangako na hitik sa pambobola
Sa totoo lang mayroon silang itim na ahenda
Pinag-uuto ng pulitiko ang kawawang masa
Mga walang kaalaman nilalansi lang nila
Sinisilaw sa kaunting pera at mga de lata
Gayung kapalit nito ay matagal na pagdurusa
Nagpapapogi sa mga tao sa tulong ng media
Maraming padrino itong si mayor at kongresista
Sa likod nitoy may mga taong sumusuporta
Mga lider-relihiyon, negosyantet mga elitista
May kanya-kanyang interes na gustong makuha
Dibaleng gumugol ng malaking halaga ng pera
Kapag nanalo naman ay mababawi ang pinanggasta
Puede ring mangupit sa pondo nang di nahahalata
O kayay magninong sa mga sindikato sa bansa
Di bat mas mabuti para lumaki ang kita?
Kapag may kumontra kayoy lalabas na kontrabida
Sa lipunan natin sadyang malakas ang impluwensiya
Saanmang distrito pangalan nilay kinikilala
Lahat ng bagay napaiikot lang sa kamay nila
Para silang mga buwayang parating nakanganga
Mga huwad na lider puro wala namang kuwenta
Di dapat ganito ang asal sa buhay-pulitika!

Tuesday, March 18, 2008

Ibon at Tuyong Dahon

"Huwag kang lumipad na parang ibon
Baka bumagsak ka na tuyong dahon."

Lipad ng lipad tila walang pagkapagal
Kayat tumutubong pakpak halos matanggal
Lahat sa paligid ay ibig mong matawid
Inaring maiksing daan ang himpapawid.

Huwag kang magpanggap na isang agila
Gayung batang kapos sa dunong, 'sang mulala
Hanggang ngayon diway nakakulong sa hawla
Inililipad ka sa taas ng akala.

Huwag mong sasaklawan ang lahat ng bagay
Baka malasap lang ay pait ng tagumpay
Maraming nalalaglag sa pagtutumayog
Kahalintulad moy marupok na bantayog.

Ibig makipagtagisan gayung sugatan
Di mo mapaglanggas lalim ng baluntukan
Mistula ka na lamang ibong nakadapa
Animoy lasing, lugmok sa pagkasugapa.

Kulay ng kalawakan di lalaging bughaw
Kayat pinto ng kalangitan di matanaw
Minsan nagmamaramot din ang Haring Araw
Ipinagdadamot init ng pag-ulayaw.

Masdan mo at sa lupa may tuyong dahon
Sa pagbagsak mo may sasabihing himaton
Marupok mong katawan sa ganyan din hahantong
Sa tayog ng lipad sasapitin ay kabaong!

Gawin Natin Ang 'Di Natin Gusto

Gawin natin ang di natin gusto
Tulad ng pakikipagtipan sa di natin iniibig
At pagsampalataya sa mga hidwang pananalig
Di bat matagal nang baliktad ang takbo ng daigdig?

Yakapin natin at hagkan ang dating ayaw
Sa ating kairalan dapat makaulayaw
Mababatid mong lahat sa silong ng araw
Labusaw man sa bandang huliy lumilinaw.

Mabigat man sa loob ay dapat gawin
Tulad ng pagkapit natin sa patalim
Masugatan man ito rin ay gagaling
May liwanag na sisilay sa gitna ng dilim.

Masupil man natin ang ating mga sarili
Tatak ito na waring nagsisilbi
Hindi kamatayan ang ating maaani
Sa pagkabansot ng ipinunlang binhi.

Pagsanibin ang ating mga katauhan
Pag-isahin ang anumang kasalimuotan
Saglit na umiwas sa salungatan
At ariin nating ito'y ating kagustuhan.

Ito rin ay isang masining na paglikha
Kung saan lalawak ang ating pang-unawa
Di tayo sasalungat sa agos bagkus sasalunga
Bagama't ang daloy ay sadyang balintuna.

Pagka't maging ito ay dakilang pagtuklas
Iba't ibang pintig at galaw mamamalas
Bagong simulain sa tulad nating pangahas
Yamang lahat ng itoy isa lamang palabas.

Saturday, March 15, 2008

Virgilio S. Almario: Pambansang Alagad ng Sining


Ang pambansang makata na si Rio Alma
Kuha ni William M. Rodriguez II


Si Rio bilang makataNasa unang baitang pa lang sa elementarya ay marunong ng magsulat ng ttula si Virgilio Almario o Rio Alma, Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura. Madalas daw kasi siyang makapanuod ng dupluhan, balagtasan, huwego de prenda at iba pang pagtatanghalan na may kinalaman sa pagtula. Idagdag pa rito na siya ay tubong San Miguel, Bulacan. Ang Bulacan ay kinikilalang bayan ng mga makata. Hindi na nga mabilang sa dami ang kanyang mga tulang naisulat dahil sa sobrang dami.

Para sa kanya ang pagsusulat ay itinuturing niyang bisyo. Ito ang dahilan kung ba't wala siyang kapaguran sa pagsusulat ng tula sa gulang na 64. Kung bibilangin mahigit limampung taon na siyang tumutula. Tila siya balon na 'di nauubusan ng tubig ang bukal. Kung siya ay balon, siya ay malalim. Subali't hindi siya madamot ipaunawa sa masa ang kanyang mga tula sa masa dahil malapit ang mga ito sa kanyang puso. Malalim kasi siyang managalog pero gumagamit din ng mga simpleng salita para madaling maunawaan.

Kahit beterano na ay wala pa rin siyang tigil sa paghahanap ngg bagong maisusulat. Mas gusto pa nga raw niyang kaussap ang mga kabataan kaysa matatanda. Dahil mas may natutunan daw siya sa mga ito kumpara sa matatanda. Nagpapakita lang ito na hindi mahirap abutin si Rio kahit National Artist pa siya. Ang totoo n'yan ay palabiro rin siya kaya't magaan kausap.

Si Rio Alma ang tipo ng makata na pinaghalo ang modernismo at pagiging tradisyunal sa kanyang mga komposisyon. Modernismo sa kaisipan subali't tradisyunal sa pamamaraan ng pagsusulat dahil mahilig siyang gumamit ng sukat at tugma sa tula. Ang katangian daw ng isang mahusay na makata ay marunong sa lahat ng aspeto sa sining ng pagtula. Marami kasing mga makatang nag-aangking modernista subali't 'di marunong gumawa ngg tulang may sukat at tugma. Dahil mismong si Alejandro G. Abadilla, ama ng malayang taludturan sa Pilipinas ay nagsabing dapat ay mahusay ka ring magsukat at magtugma.. Dahil paano ka maghihimagsik kung 'di mo naman alam ang iyong pinaghihimagsikan ?

Dahil sa pagmamahal sa panulaan ay itinayo ni Rio Alma ang Galian, Arte at Tula (GAT) noong taong 1973 at Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo(LIRA) noong taong 1985 para makatulong sa mga nais matutong magsulat ng tula. Dahil sa dedikasyon sa larangan ng sining ay naging taga-pamuno siya ng National Commision on Culture and Arts (NCCA) mula 1997-2001. At pagsapit ng taong 2003 ay narating niya ang pinakamatas na luklukan para sa mga alagad ng sining anupa't ang pagiging National Artist! Kasalukuyan siyang dekano ng Arte at Literatura sa UP, Diliman.

Kritiko at makabayan
Hindi lang basta makata si Rio kundi isa rin siyang iginagalang na kritiko sa panitikan. Marami na rin siyang librong nailathala hinggil sa pagsusuri sa panulaang Pilipino tulad ng Balgatismo Vs. Modernismo, Taludtod at Talinghaga, Sining ng Pagtula atbp. Gumawa na rin siya ng makapal na diksyunaryong Pilipino-Pilipino para pagyamanin ang sariling wika. Nakakiling ang kanyang pagsusuri sa katutubong pagtula palibhasa ay likas na ang pagiging makabayan at ito ay mababasa sa isinusulat niyang mga tula. Ngunit 'di nangangahulugang limitado lang ang kanyang kaalaman sa literatura. Kanya ring pinag-aaralan ang English Literature. Pinupulot niya ang maaaring pulutin para ilapat sa oryentasyong Pinoy at itakwil ang mga 'di naman uubra sa atin.

Noong nasa haiskul pa lamang daw siya ay nagsusulat din siya sa wikang Ingles subali't naisip niyang mas marami raw sa kanyang magaling kaya't nagpasya siyang Pilipino ang gawing midyum sa pagsusulat. Yamang naniniwala siyang ang wikang Ingles ay hindi akma sa lahat ng Pilipino. Limitado lang ito sa mga nasa loob ng akademya o yaong mga edukado. Pero kung gusto mong maabot ang mga Pilipino ay kailangang gamittin mo ang wikang naiitindihan ng bayan. Hidi ka raw maaaring tawaging kinatawan at manunulat ng Pilipinas kung hindi sariling wika ang iyong gamit. Marami diumanong mga libro na nakasulat sa Ingles na bagama't ang pinapaksa ay kultura nating mga Pilipino ay walang bisa sa kabuuan. Hanggang doon lang ito dahil 'di naman nakakapukaw sa pagiging nasyonalismo natin. Ibinigay pa niyang halimbawa ang manunulat ng drama o dula na si Alberto Florentino na nagsusulat sa wikang Ingles. napansin daw nitong walang gaanong pumapansin sa kanyang dula. Subali't nang isalin ito sa wikang Pilipino ay naintindihan na ito ng mga karaniwang tao na kanya namang ikinatuwa.

Dahil sa paninindigang ito ni Rio Alma ay marami siyang nakabangga na mga proffesor na nagtuturo at nagsusulat sa Ingles. Sa kabilang banda naman ay sinabi niyang kailangan din ang wikang Ingles 'yun ay kung ibig mong abutin ang mga dayuhan. Isa pa, magagamit ito sa pagtratrabaho sa abroad at pagko-call center!

Literaturang Pinoy sa kasalukuyanNang tanungin si Rio kung ano na ang kalagayn ng literaturang Pinoy sa panahong itto ay dagli niyang sinagot na wala na itong sigla. Dahil mismong mga Pilipino ay wala ng pakialam sa literatura. Napansin niya ito nang maglibut-libot siya sa Pilipinas para mangalap ng mga katutubong sining para sa kanyang pananaliksik. Ni wala man lang daw kamulatan ang mga taong kanyang napapagtanungan gayung sa sariling bayan nila ito nagmula. Maging ang mga publikasyon diumano sa atin ay kaunti lang ang mga librong Pinoy na inililimbag. Samantalang kapag may bagong librong galing sa Kanluran ay kontodo sila sa pagpro-promote.

Para raw maibalik ang tangkilik ng mamamayan sa ating literatura ay kailangang baguhin ang sistema ng edukasyon, tumulong ang mga publisher pati ang ibang sektor ng lipunan. Siyempre, kailangan nating pahalagahan ang sariling kultura.

Payo sa mga gustong magsulat
Kinakailang diumanong habang nasa murang edad pa lang ay mag-umpisa ng sumulat. Kailangan din ng malawak na engkuwentro sa panitikan o sa madaling salita ay magbabasa. Subali't hindi ito sapat kailangan diumanong pag-aralan ang buhay dahil dito ka kukuha ng iyong isusulat. Huwag lamang puro pampersonal ang isulat. Mas maganda kong iuugnay mo rin ang mga nasa iyong mga paligid para hindi lang ikaw ang nasisiyahan pati na rin ang iba.

Para sa iba pang babasahin.

Tuesday, March 11, 2008

Body Piercing





Nagdurugo ang aking diwa
Pinagdurugo ng karayom
Na nakabaon sa inyong tainga,
Kilay, ilong, labi, dila, leeg, utong
at lambi ng ari
Nagsisipagpintog ang inyong laman
Habang pinaghihilom ang sugat
Na brutal na pagtusok
Dugoy waring naglahong usok
Habang ang araw ay di makapamurok.

Animo kayo si Frankeinstein
Na maraming pako sa katawan at ulo
Batid kong di maluwag ang inyong turnilyo
Ito ay ekspresyon ng sarili
Tulad ng bansang nagsasarili;
Nais magbagong-anyo
Laban sa lipunang mistulang hunyango
Na maraming itinatago
Bukas ang inyong mga isip sa tanawing
Waring naroon lang sa panaginip
Iniiba ang karaniwang hitsura
Upang ang sarili ay ganap na makilala.

Animoy banal na rituwal sa India
Na kinasisinagan ng kultura
O galing sa kanluran at ginagaya
Mga burluloy na sagisag ng eksistensiya
Na itinarak sa katawang nag-iinit
Makipagniig sa nagtutulisang aspile at perdible
Nagpapakita ng galit sa mundo
At pagsaway sa mukha ng litrato.

Kay sarap hilahin ng mga hikaw na nakalambitin
Parang nagsisipagkislapang bituin
Sa mga daliri ay nagsisilbing singsing
Yamang lahat ng bagay ay maituturing na sining
Ngunit nais koy tubog sa ginto at di mumurahin.

Huwag ninyo akong paandaran
Na animoy di ninyo iniinda ang sakit
Na animoy labis sa tapang
Ang inistensil na dibdib
Dahil gumamit lang kayo ng anestisya
Pinagana ang kinang ng pera
Nag-iingat din kayong matetano
Kayat ayaw ng manu-mano
Sanay na kayong gumamit ng pampamanhid
Ayaw danasin ang hapding walang patid,
Ayaw namnamin ang sakit sa sandaling itinutusok ang hikaw
Habang hinihila para malagyan ng pakaw
Dahil marami sa inyo ang di balat-kalabaw
Ngayon ngang natutusok ang gunam-gunam
Ayokong maengkanto ng kung anong uri ng karamdaman
Tulad nyo rin akong takot sa kalawang!

Karagatan

Malalim na karagatan ang lumipas
Umaawas sa sisidlan, walang katumbas
Tubig man ay kuyumin sadyang tumutulas
'pagkat lagi't lagi na lamang pumupulas.
Sa silid ng isip narito't umaapaw
Patuloy ang agos bagama't umiigpaw
Maingay ang ali-iw gayung 'di mababaw
Sa kalinawan ay 'di mapapalabusaw.
Ang buhay ay tunay ngang isang paglalayagg
Kusang nagpapatuloy kahit 'di kinayag
Ngunit minsan ay nagmimistulang lagalag
Kung sa'n patutungo 'di maipaliwanag.
Laging nagbabadya ang bunganga ng laot
Pinagiging duwag ka dahil sa saligutgot
Ngunit gumagaod pa rin ng waalang takot
Kahit ang dilim at lamig ay nanunuot.
Ipinangangahas ang kinalululanang baangka
Maging ang sariling buhay ay itinaya
Sa nagngingitngi na panahong merong sigwa
Mapalad ang taong may matibay na pithaya.
'Pagkat mas maunos pa yaong pagmimithi
Kaysa sa daluyong at bagsik ng buhawi
Mandaragat na lakas ng loob ang iwi
'Di amtutumbalik ang taglay na lunggati.
Sa pag-iisa, nangangarap ng sirena
May kung anu-ano'ng naglalarong pantasya
Kinikiliti, kinikilig na pandaman
Ang lintek na syokoy ayokong makasama.
Iginupo ko na ang balyena at pating
Mga dambuhalang kung umasta ay haling
Kinatay ko na sila pagsapit ng tabsing
nang maging payapa sa aking pamamansing.
Dagat na puno ng isdang naglalanguyan
May tawilis, tandayag, berbakan
Tanigi, talakitok, kapak naririyan
karagatang naging akwaryum ng isipan.
Sa lambat ng ggunita ay kakawag-kawag
Sa kailaliman ng puso'y pipitlag-pitlag
Bawat daloy tila may ibig ipahayag
Kahit kanino pa man dapat matanyag.
Ito'y kasing halaga ng kabibe't perlas
Kayamanang 'di mawawala't mawawalsdas
Mga kwentong kailnama'y 'di magagasgas
Matuyo man ang dagat at 'di na mamalas.
Gunitang tila lumot s halamang dagat
Doon na nagsitubo buhat nang mag-ugat
Nakakapit nang husto't 'di na makatkat
Mga sandali 'to ng ating pagkamulat.
Damhin mo ang pagsalpok ng mga alon
Hampas nito'y may dalang kaba't hinahon
May sandali ng pagkalubbog at pag-ahon
May pagbabagong ginaganap ang panahon.
May talinghagang hatid ang dalampasigan
Na nag-uugnay sa ating mga karanasan
Pinaglapit ng mapagpalang kalikasn
Lupa't langit humahalik sa karagatan.

Para sa iba pang babasahin.


Huwag Mo Akong Tutuldukan

Kung ang lahat ng bagay ay may katapusan
Ibig kong ito ay pigilan
Upang 'di na mabura sa dahon ng kasaysayan
(Mga pilas na kaganapan
ng takdang takdang katapusan)
'Pagkat ibig ko'y diwang imortal
At 'di pagpapatiwakal
Manahan ng walang hanggan
Sa kabuluhan ng pangangarap
('Di sa bunton ng alapaap)
Kung saan tunay na sarili'y mahahanap
Huwag mo akong tuldukan
Hangga't 'di ko pa nalalasap ang
tamis ng tagumpay
('Pagkat pagkabulilyaso'y nakaantabay),
Huwag mo akong tuldukan
Hangga't 'di pa nagkakaroon ng kulay
Ang huwad na bahaghari ng malay
(Ay, bakit tila lahat ay mapusyaw?)
Ibig ko pa ng kuwit at tandang pananong,
Pandamdam at malalabong kuneksiyon
Kaysa alayan ng tuldok na may
huling himaton
'Pagkat walang tuldok na umuurong
Sa anumang pangungusap tuldok ang tumatapos
Ngunit sa batas na ito'y ayokong yumapos
(Tulad ng pagsalungat sa agos)
Kahit na ang tulang ito'y maging upos
O mabitin dahil sa kuskos-balungos

Ang Trip ng Mga Tao

Kumain ng apoy
Maglakad sa bubog
Tumulay sa alambre
Magpapako sa krus t'wing mahal na araw
Manghampas ng lamok at magbugaw ng langaw
Pagkatapos ay ihahalo sa sabaw
Sabay higop pagkatapos magbanlaw.
Tumalon ng una ang ulo
Gumulung-gulong, magpasirko-sirko
Saka pagkaguluhan ng mga tao
Kasi feeling mo sikat ka
Kaya't papampam para makilala
Sadyang ang trip ng mga tao'y iba-iba
Tulad sa pakikinig ng musika
May ballad, jazz, rock, hip hop
at kung anu-ano pa
Kung baga sa dila iba-ibang panlasa.
Trip n'yang uminom
Trip mong lumamon
Trip n'yang magpalobo ng sipon
Trip mong magpakalbo
Trip n'yang magpatattoo
sa dibdib, sa puwet at
sa kung saan-saang sulok ng katawan.
Minsan kay hirap sakyan
Ang trip nilang sila lang ang may alam
Marahil sa kanila ito'y isang kasiningan
Ang maiba sa karamihan
Mapalad silang sumasalungat sa agos
Na 'di marunong magpahiram ng sepilyo't sapatos
At makitingin sa ibang relos
Sarili lang ang naging saligan
At 'di nakikinig sa kung anu-anong utos
Na sa kanila'y pilit ipinapayapos.
'Pagkat buhay sa mundo'y nakaiinip
Kialangang magkaroon ng hilig
Para may magawa't 'di nakatunganga
'Pagkat ayaw nting lagyan ng patlang ang ora
Mangahulugan man ito ng pagtakas
Ang mahalaga tayo ay maaliw
Kahit sa trip nati'y mistulang baliw
Sino'ng magsasabing ako'y isang hangal?
Kung trip kung tumula, bakit may angal?!

Tula sa Weirdo

Laging nasa loob ng 'yong bahay-alapaap
Habang panloob na anino'y kinakaharap
Mapagtuwid na mundo'y binabaliktad
Taas noo't walang pagod sa pakikipagtalad.
Ang buhay para sa iyo'y abstraktong sining
'Di masukat-sukat dahil sobrang lalim
Tulad ng tulang nabubudburan ng talinghaga
Nakakalula't nakalalasing na kataga.
Maraming napatda sa kakatwa mong anyo
Payak na kairalan ganap ng iginupo
Upang sa tuklas-liwanag ay makipagsundo
Istilong nakahalo sa malapot mong dugo.
Ibinalabal mo ang silahis ng araw
Nang ang kaluluwang giya ay gininaw
Inilagay sa palad ang kumukulong alab
'Pagkat ayaw mo sa kilapsaw ng kalabukaw.
Mataos mong niyakap ang tunay na sarili
Upang talikuran imbing pagkukunwari
Salaming binasag ng kamay at kamao
Upang bigyang-daan ang diwang laberinto.
Ngunit bakit kaya 'di ka nila maunawa?
Na sa mundo'y may kanya-kanyang paniniwala
Panghuhusga't pintas laman ng kanilang dila
Nakatiwalag ka diumano sa konsepto ng kapwa.
Isinisigaw ng budhi mo ang kasarinlan
Sa gitna ng balanang may matang mapang-uyam
'Pagkat ibig mong maiba sa karamihan
Malayung-malayo sa mga nakasanayan.

Monday, March 10, 2008

Mga Anak ni Sisa

Sisa, hinahanap mo ang iyong mga anak
Napawaglit sila dahil sa pagkawakawak
Ang gulanit mong damit lalo pang nagagahak
Bawat makakita'y nang-uuyam, nanghahamak
Ngunit 'di ka nila mapigil sa paggalugad
Nag-aapuhap sa kagubatan hanggang syudad
Bagama't ang takbo ng mundo'y napakakupad
Natitirang kabaitan nagkatilad-tilad.

Ngunit ang mga supling mo lamang ay narito
Marami silang tulad nina Crispin, Basilio
Na kung tawagin ng iba ay buhay na multo
Nasa ilalim ng tulay, dampa't enstruwelo
Kabataang laging napapagsamantalahan
Ng mga bagong Fraile sa ating lipunan
Nagtratrabaho na sa napakamuran gulang
Katawan din nila'y inilalako sa dayuhan.

Ba't ka pa maghahanap ng kislap ng bituin?
Sa buntalang malaon ng sinumpa ng dilim
Pagkabusilak wala sa ulap na abuhin
Kundi nasa palad ng nagdidildil ng asin
Sisa, iyo nang pahirin namumuong luha
Mga anak mo ay 'di tunay na nawawala
'Pagkat tulad mo rin silang hanap ay paglaya
Sa gitna ng dilim waring nangangaluluwa.

Ah, ibalik na sa sarili ang dating bait
At muling hanapin yaong nawaglit na langit
'Pagkat sa baya'y walang paraisongg marikitt
Naghahari'y sama, kabigua't hinanakit
Nababatid mo kung sino'ng lumapastangan
Mapalitan man ng utak-hayop ang isipan
'Pagkat sa mabahong amoy lang ay malalaman
Magsuot man ng maskara ang mga sukaban.

Sisa, ikaw ang sagisag nitong Inang Bayan
Nabulid sa kumunoy at putik ng karimlan
Kanilang binaliw sa matinding kahirapan
Maraming ia na nasira ang kataauhan
Ang pagkamulat ay 'di matatagpuan kay Rizal
Kundi nasa mga anak mo na nagmamahal
Magpuputong sa 'yo ng hustisya at dangal
Na uusig at pupuksa sa mga kriminal!!!

Friday, March 7, 2008

Prusisyon ng Mga Bangkay

Nakahilera ang mga bangkay
Ng mga bata, baguntao at matatanda
Sa kalsada, airport, muwelye,
hospital, morge't puneraya.

Buong paligid ay luksang-luksa
Sa bawat mata may namumuong luha
Samu't saring damdami'y kumakawala
Ng panghihinayang, kalungkutan,
Pagkaawa, galit at pangungulila
Habang nakatirik ang itim na kandila
Pinagliliwanag ng nakikisimpatyang tala
Na naroruon sa lawak ng buntala
May hinahawing balimbon ng hiwaga
Na sa bawat lumisan ay bumubulaga.

May bahid-sindak sa mga lumulubong labi
Na bunga ng mahaba't maiksing pakikipagtunggali
Sadyang pumapaslang ang bawat sandali
Tila nakahilera sa bitayan para mabigti
'Pagkat may berdugo at garoteng pumuputi
Bawat hininga sa hukay lang mauuwi
Buhay ay sa alabok lang hinabi
Papel na gampanin sa mundo'y kakaunti
Panambil na ginagalawan mapuputol agad ang tali.

Nakapila sila habang isa-isang naglalakad
Na walang dala-dalahan halos hubo't hubad
Sa haba ng pila halos 'di makausad
Sa danang mahirap mabanaag
Bagama't may gabay ng liwanag
Na sa kanila ay bumubulag
Inuulinig ang huling pagtawag
Kung kukuning pataas o ilalaglag
Habang sa mundo'y natiwalag.

Ito'y 'di Sta. Cruzan ng mga bangkay
O parada ng mga kaluluwang buhay
Halimunmon ng bulaklak ay walang saysay
Pati handog na tula na nananalaytay
'Pagkat dugo'y 'di na nananalaytay
Nilang mga patay na tila nahihimlay
Prusisyon sa huli nilang paglalakbay.

Sa harap ng Hapag-Kainan

Mistulang lintaya ang bawat sandali
Itigil na nga 'yang pagmumuni-muni
Rebolusyon ng bulate ay iwaksi
H'wag magmaasim na tila kalamansi.

Init ng kanin ay tila pagluluto
Pagkulo ng tubig na ayaw huminto
Samantalang ang dila ay napapaso
Ngunit wala pa ring hinto sa pagsubo
Kahit nabarahan ng itlog ng puso.

'Di makabuka namumuwalang bibig
Na tila nakasaradong pananalig
Ang hapag-kainan ay mahabang banig
Nakalatag lahat ng putaheng ibig
Kahit minsan abot lang hanggang leeg.

Wala mang pamutat basta't may pambudlong
Matatakawmahuhulog sa bangkulong
Buong diwa;y nasasawsaw sa bagoong
Habang nagmamatigas malaking talong
Kangkong sa harap tila ibig kumandong.

Balintunang Katahimikan

Pukpok ng martilyo
Kalabog ng bato, tugtog ng radyo
Sing-along ng mga tambay sa kanto
Huntahan at tawanan ng mga lasenggo
Sa lamesa'y may itinutumbang demonyo
Bastusan at tsismisan ng mga walang modo
Mga parunggit at paratang kung kani-kanino
Yabag ng mga paang paruo't parito.

Bratatat! Armalayt ni nanay
Tiktilaok! Putak ng kapitbahay
Oink! Oink! Mga pugad-baboy nag-iingay
Aw!Aw! Nyaw! Nyaw! Naghahabulan
ang mga askal at pusakal.

Iyak at hagulggol ng mga bata
Bangayan ng mag-asawang kulang sa aruga
Mga bibig na walang palya sa kangangawa
Nambubulabog ang mga walang magawa
Mga murahang walang patumangga.

Mga siga-sigang naghahamunan
at naghahabulan,
Mga baklang naghaharutan
Tila kinukurot sa kasingit-singitan
Ganyan kaingay sa looban at labasan
Nakakatulilig, balintunang katahimikan.

Tikatikatik ng bangs na makinilya
Bagting ng barag na gitara
Himig ng nakabibinging plawta
Mga tinig ng taga-ibang planeta
Tiririt ng mga ibong nagsasalimbayan
sa loob ng hawla
Mga atungal ng anak ng baka.

Tila sumisingasing na sasakyan
Tunog ng gong at bombo
'Di matahimik na mundo
ni Pilsopo Tasyo
Nagkahalu-halo ang samu't saring ingay
Paligid ay 'di nananahimik na patay.

Bisita ni Nena

Walang kaabug-abog na dumating
ni 'di marunong kumatok sa pinto
Pumapasok ng 'di nagtatao po
kampo ng sundalo'y sinalakay
Ng mandirigmang pula ang kulay
Dumadalaw upang magbigay sakit
Sa nalalambungang langit.

Inaabangan ni Nena ang muling pagdalaw
Ngunit 'di sumulpot sa panahon ng tagginaw
"Inay, isang buwan na po akong 'di dinudugo."
"Anak, nabuntis ka ng nobyo mong si Halario."
"Ang lokong 'yun 'di na bumibisita
Nakaisa lang ayaw ng magpakita."

Mga malabong anino sila sa dilim
Mga sansaglit na panauhin
May bumabalik at naglalaho man din
Agos ng kapalaran 'di kayang salungatin
Tulad ng mapupusok na damdamin.

Alinsangan

Namumurok ang araw sa pisngi
Tuyong-tuyo ang maputlkang labi
Ngunit nanginginig ang daliri
Sayaw electric fan at pamaypay
Mga tao 'di makahayahay
May init na dala itong lungsod
Tubig sa kanal ay nakayukod
Nalulusaw pati mga uod
Pista ng alikabok sa daan
Umuusok, semento't alkitran
Dumadami banil sa katawan
Mukha ng iba'y parang kalsada
Lubak-lubak, pinalitada
Tattoo ng silahis nakaburda
Mainam ngang ngayon ay maghubad
Huwag lang 'yung nakakaalibadbad
Gaya ng agogo dancer sa club
Nag-iinit na ang king ulo
Sa taas at 'di sa baba, loko!
Alinsangan 'di pa nagyeyelo.

Nayada Sabo

Nalimot ko na maging ang sariling ngalan
Kumukubabaw lagi sa isip ang 'yong kabuuan
Kumitid nang husto ang ikid ng utak
Nagmistulang basag na pakakak
Halos 'di ko na maharap ang realidad
Lumulutang sa sariling grabidad.

Tinatuan mo ang kakaba-kabang dibdib
Ng rosas na binusangsang ng maraming tinik
Tumutusak, walang tigil sa kahahaplit
Hanggang sa umibis ang puting dugo
At sa harap ng anino'y naglaho.

Naligaw ako sa kasukalan ng gubat
Naisip ko na ikaw'y tila isang alamat
Na sa aking isipan ay 'di makatkat
Nakipaghabulan ako sa libay at salindayaw
Hbang sa gitna ng ulan ay sumasayaw
Bawat butil ng tubig kinaulayaw
Hanggang sa ako'y tukain ng tangkaybiga
Bumasag sa diwang mayroong tagubana.

Kay sarap sanang sumabay sa pandayon
Ng nagkukundayang mga dahon
Habang ang isipa'ynaglilimayon
Ngunit ni walang matanggap na himaton
Bagama't presensya mo'y ssumasampilong.

Sadyang kay hirap mabatubalani
Nalulusaw ako sa hugis ng 'yong labi
'Di matingkala ang ganitong pagkasi
Walang damarang humaharang sa araw
Magkahalong init at lamig ang umiibabaw
Nayada Sabo, sa ganda mo, mata'y naduduling
Nawawala sa sandali ng pagkahumaling...

Wednesday, March 5, 2008

Showbiz at Lipunan


Kung mahilig ka sa showbiz o sa mga artista ay mabuting basahin mo ang libro ni Boy Villasanta na pinamagatang EXPOSE Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas. Sa librong ito ay ibinabahagi niya ang kanyang tatlumpung taong karanasan sa mundo ng showbiz. Kaya't kabisado na niya ang bawat himaymay at pinakagulugod nito. Ang librong ito ay nagsisilbing legacy niya o pamana sa naturang industriya.

Si Villasanta o mas kilala sa tawag na Tito Boy ng mga malalapit sa kanya ay isa sa mga nagsimula ng movie reporting sa telibisyon (TV Patrol). Kasabayan siya nina Angelique Lazo, Mario Dumawal at Lhar Santiago. Bukod sa pagiging magaling na showbiz tv reporter siya rin ay isang mahusay na editor, host sa mga radio program na pang-showbiz., stage director at iba pa.

Sadyang napakainam basahin ng libro ni Villasanta dahil mayroon itong haplos ng kasaysayan sa paglilimbag ng iba't ibang uri ng babasahin sa Pilipinas. Siyempre kabilang na rin ang kasaysayan ng telibisyon, diyaryo at radyo. Hinimay din niyang mabuti ang sitwasyon ng mga artista mula noon hanggang ngayon. Para bang inililipad ka sa nakaraan tapos bigla ka niyang ibabalik sa kasalukuyan. Maging ang pinagmulan ng mga movie press organization at award giving body sa atin ay kanya ring inilahad.

Para kay Villasanta ang tsismis ay 'di lang basta sabi-sabi dahil ito ay may butil ng katotohanan. Kumbaga kapag may usok ay may apoy at hindi maituturing na intriga lamang gaya ng naging palasak na kahulugan nito. Ipinaliwanag pa nga niya na ang pinagmulan ng salitang tsimis at kung paano nagbago ang kahulugan nito sa paglipas ng panahon. Kung minsan nga ang tsismis pa ang pinagmumulan ng isang lihetimong balita. Samantalang ang mga artista para sa kanya ay hindi lang basta produktong ibinebenta bagkus ito ay tinitingnan niyang hindi iba sa atin.Marunong din silang magmahal, magalit, matuwa, malungkot atbp. Hindi sila hiwalay sa lipunan bagkus ay repliksyon lamang ng marami sa atin.Halimbawa si Bentong, isang probinsyano ay nagpaalila para matupad lang ang kanyang kinalalagyan ngayon. Halimbawa uli, si Nora Aunor, noong wala pa siya, ang mundo ng showbiz ay pinaghaharian ng mestiso at mestisa. Subali't binasag niya ang kalakarang ito. Ang masa sa kanya ang nagluklok sa pagiging superstar dahil nakikita nila ang kanilang sarili sa kanya na mayroon lamang ordinaryong hitsura.

Para kay Villasanta ang showbiz ay may bahid pulitikal at hindi ito hiwalay sa isa't isa. Totoo nga naman dahil ang mga pulitiko ay ginagamit ang showbiz para isulong ang kanilang karera sa pulitika. Gayundin naman ang mga artista ay ginagawing bentahe ang pagiging arrtista para makapasok sa pulitika. Binigyan din niya ng katuturan na ang showbiz ay hindi lang pang-aliwan kundi ito rin ay instrumento sa paghubog sa isipan ng mamamayan. Katulad noong panahon ni Lino Brocka na ang pinapaksa ng kanyang mga pelikula ay patungkol sa kung ano'ng lipunan mayroon tayo.

Isa lang ang sigurado ko sa librong ito, na kapag binasa ng iba ay pihong mag-iiba ang papanaw nila sa showbiz.

Elehiya sa Sundalo

Sundalo ng kapayapaan
Sundalo ng kagitingan
Sundlo ng pagkapantay-pantay
Sundalong subok na ang tibay
Sa gitna ng laban humahanay
Ang mabuhay o sa mamatay.

Sa pamilya'y nagawang tumalikod
Sukdulang lisanin sariling bakod
Upang ikaw lang ay makapaglingkod
Bagama't maliit lang ang sahod
Sa laot ng digma ay gumaod.

Sumulong, matapang na mandirigma
Barilin silang mga libugha
Kaaway ng bayan dapat mapuksa
Dugo'y dumanak sa sariling lupa
Mapa-kalahi man o 'sang banyaga.

Ah, sundalong buhat sa anak-pawis
ng dugo mo ang laging natitigis
Habang mataas na puno'y bungisngis
Nas harap ka at nagigiyagis
Sa mga kalabang ubod ng bangis.

Ngunit kanino ka nga ba nakikipaglaban
'Di ba't sa tulad mong iniluwal sa kahirapan?
Na adhika'y baguhin ang patakaran
Anila'y sistema ng kabulukan
Na nagpapalugmok sa sambayanan.

Ngunit ikaw adika mo ay kanino?
Para ba sa bayan o sa iilang tao?
Ano'ng itataga mo sa bato?
Mga adobe't tigas ng prinsipyo
Dumudurog sa bayag n'ya't bayag mo.

Sa bayan ano ang tanging pangarap?
Para sa ngayon at sa hinaharap
Niyayakap mo an glambong ng ulap
Sa digmaan na wala ng sasaklap
Na likha ng pagkakawatak-wtak.

Salamat, sundalong taga-pagtanggol
Habang natutulog kaming tila sanggol
Habang unti-unti kang nasusukol
Kawal na palaging napaparool
Sa digmaang malaon ng sumibol.

Ngayong ganap ng nasalanta ikaw
Lupang uhaw dugo mong titighaw
Dinig pa balang umaalingawngaw
Digmaan ay sadyang 'di huhulaw
Hangga't kapangyariha'y 'di naaagaw.

Para sa iba pang babasahin.

Lagi na Lang

Lagi na lang akong bumibigkas
ng mga linyang tila
itinakwil na ng panahon
Sampal sa mukha ng modernisasyon
Anila'y mga walang kabuluhang saknong
sa paulit-ulit na tugma nagpakahon
Sumilong sa makapal niyang yamungmong.

Lagi na lang nag-iisip sa kawalan
Upang tuklasin ang lihim ng kalawakan,
Lagi't laging nakikipaglaro sa hangin
Upang ang ihip ng tunay na buhay ay damhin
Sa piling ng naglulumundong tanawin,
lagi't laging kaurali ang kalikasan
Upang bakasin ang pinagmulan
Ito ba ay isang kabaliwan?

Lagi na lang nagbabalik sa simula
Upang tapusin mga bagay na nasira
Winawasak ng paniniwalang marupok
pa sa bula
Dungo't duwag sa mapang-udyok na pithaya
At imbing pagwawalang-bahalang
Mapang-upasala
Ang lahat ay nauuwi lang sa wala.

Lagi't laging tila walang katapusan
Sa sirkulo ng nagpapaikot na kapalaran
Lagi't laging naghahanap ng puwang
At laksang depinisyon at kahulugan,
Lagi't laging nakikipagtalad
Bumagdsak, magbangon kahit tilad-tilad,
Lagi't laging nakikipagtalik
Sa alindog ng huklubang panitik,
Lagi't laging sumisisdi sa babaw ng ulap
Upang bigkisin ang ulanfgg-apahap.

Maraming lagi na lang sa ating buhay
Na hindi lang miminsan sumisilay
'pagkat lahat ng bagay ay paulit-ulit
Mga kasaysayang 'di mapaknit-paknit
Lagi na lamang bumabalik
Bagama't ang mundo'y tumbalik

Pisbol

'Di sapat ang isang pisbol
Mas maganda kung mas marami
Para mabusog nang husto ang sarili
Para itong malinamnam na isaw,
Pagkaing isinasawsaw
Katugon ng matamis at maanghang
na sarsa
O sa suka lang kung gustong
maasim ang timpla
Kaya't tayo nang mag-pisbol
sa bangketa
Ang sarap-sarap nilang tuhugin
Para silang magpipinsan, magkapatid,
magkaibigan at magkaklase
Na iisaang mainit na apoy ang bentahe
Sa naglalanigs at kumukulong kawali.

Damong Parang

Mag-alab ka sa gitna ng mga talahib
Iyong tupukin ang maligalig na tinik
Itakwil kasukalan ng paligid
Upang walang kidlat na hahagupit
Sa hambalos ng habagat na nagsusungit
Sukdang alipato mo'y pumailanlang
Magiging abo kang titilamsik sa
bawat kamalayan.

Iyong lingapin ang mga patay na bulaklak
Ihimlay mo sila sa pusod ng pagkabusilak
Talulot ng pag-asa ay muling hahalimuyak
Dantayan ng iyong mga binti ang binalawis
Katawan mo'y nagsisilbing bigkis
Sa piling ng pangmatagalang kamalig.

Damong-parang ka mang kay ilap sa paningin
Ngunit ang salamisim ko'y iyong inangkin
Sa silong ng araw nagbibigay lilim
Naging sanggalang ka sa likhang kubo
Kasakdalang-kulang sa pansin aking nasasapo
Damongg-parang kang sa pusso'y ttumubo.

Batid kong 'di ka magiging ningas-kugon
Bagkus tinutupad ng mabbilisan ang layon
Alab mo'y sa katuwiran ang direksyon
Habang kulay-luntian ang panahon.

Hamog

May luha sa pusod ng lupa
Tulad ng langit nagliligwak ng basa
Nasaan ang hanap kong init
ng aruga?
Sa malamig na hamog na umaakyat
sa aking mukha.

Hamog na hatid ng patak ng ulan
Na nagtataboy sa katag-arawan
Kumikiliti sa pagal na talampakan
Hinahagkan mga damo't halaman
Ngunit tumuttusok tila kagat ng langgam
Walang dinadalang gunitang binabalikan
Upang mabura't tuluyan nang malimutan.

Bawat umaga bumubulwak ang tubig
Huni ng kilapsaw ang inihihimig
Mula sa ilalim nitong daigdig
Habang tumatabing ang kakapalan
ng ulap
Ay 'di makita ang hinahanap
'Di makalipad tila basang alitaptap.

Kumakapal na nga nang husto ang hamog
Mga paa ko'y 'di makaimbulog
Ito ba'y karugtong ng agos
sa naputol kong pagtulog
sa aking walang hanggang pagkahulog?

Sa Kalikasan

Masdan ang araw animo'y putong ng korona
Kasing init din ng dumaratal na umaga
'Di mo ba nakikita naghahabulang usa?
Libay at salindayaw napupuspos ng saya.

Kung pa'nong dilambaka'y tumubo sa buhangin
Gayundin ang ibon nabuhay sa papawirin
Ang Inang Kalikasan, sa ain ay nagsusupling
Siyang nagbibigay ng liwanag at dilim.

Pag-ihip ng hangin, mga dahon kumukunday
Bundok, gubat maging paran may iisang kuay
Sa awit ng kalikasan 'di ka ba sasabay?
Iyong damhin ang pagdapyo ng tunay na buhay.

Bawat tanawin ay mistulang Bundok Anahaw
May talinghagang hinabi sa mundong ibabaw
Rubdob ng katahimikan ay nakakaulayaw
Malayung-malayo sa gulo at saligawsaw.

Kalikasan ay nag-iiwi rin ng alamat
Aniya'y sa bundok, mga nayada ay nagkalat
May mga bagay na nalilikha ang dalumat
Lumulunday sa isip at mahirap makatkat.

Mabining simoy, awit, tula at ngiti
Sa santinakpan ito ang dapat maghari
Larawan ng kalikasa'y nakakabighani
Ngunit sa kapabayaan ganda'y napapawi.

Masdan ang sarili sa malinaw na batis
Msy katiningan sa kanyang payapang dalisdis
Lalabusawin ba ng maruming grasa't langis
Nais mo ba na maglunoy sa pagkagiyagis.

Sa ilog Beata't Hilom ikaw ngayo'y lumakad
Minsan si Balagtas, sa pook na 'yun napadpad
Matulaing paligid ay kanyang nailahad
Limutin ang buhay sa maalinsangang syudad.

Kalikasang tila ba isang mulalang bata
Namumukod-tangi sa mata ni Bathala
Dito'y maraming nilalang ang nagsasamantla
Murlya niong daigdig pilit ginigiba.

Dagat na nagbibigay ng ginintuang isda
Mga kabibe at prlas doon nagmumula
Walang kabuluhan dumarating man angsigwa
Tunay na alimpuyo ay taong mapamuksa.

Lupang nagluluwakl ng diyamante at ginto
Pumipitlag sa sinapupunang nagdurugo
Maraming elemento angg dito'y nakatago
Tumbaga, metal at amging mga manananso.

Lupang inabuso sa hukay at kabubungkal
Bundok ay pinatag, subdibisyon ang natanghal
Ubos na ring mga puno 'pagkat ibinuwal
Sila! Sila ang mga walang awang kriminal!

Talulot at bulaklak sing sariwa ng dilag
Dala'y masamyong sanghaya sa sangmaliwanag
Huwag lalamukusin sa iyong mga palad
Katulad ng pag-asa na nagkatilad-tilad.

Halina't tumungo sa bakurang walang harang
Nangalisaw doon mga luntiang halaman
Animo'y damong ligaw nagkalat kung saan
Tulad ng ibang nakabulid sa may kawalan.

Pumapatak sa lupa ang masaganang ulan
Umaagos sa alulod at mga bubungan
Kayo ay mga basang sisiw sa may lansangan
Sa asido malulusaw marupok na katawan.

Iyo nang arugain ang pinitak o lupa
Diligin ang bawat binhing dito'y nakapunla
Kay inam sanang mamasyal doon sa tumana
Ngunit mga uod at balang ay naglipana.

Ingatan kalikasang sing tanda ng panahon
Na kumukupkop sa 'tin sa loob ng daang taon
Pagdausdusin ang diwa sa tarik ng talon
Sariwain sa isip dalisay na kahapon...

Sunday, March 2, 2008

Mga astig na Pinoy sa You Tube


Arnel Pineda


Charice Pempengco



Dancing prisoners of Cebu

Dahil sa pagsulpot ng You Tube sa internet ay naipapakita ng mga tao sa ang kani-kanilang mga talento tulad sa pagsasayaw, pag-awit, pag-arte at iba pa. Pero pahuhuli ba naman dito ang mga Pinoy na nag-uumapaw sa talento. Ang You Tube ay waring isang alternative media outfit dahil malaya kang maipapalabas ang iyong kuhang video. May mga Pinoy ng nang dahil lang sa paglalagay ng kanilang video sa You Tube ay sumisikat na. Biruin mo nga naman ay viewer mo ang lahat ng tao sa buong mundo basta't may access lang sila sa internet.
Ang isa sa mga Pinoy na nagtagumpay ay si Arnel Pineda na kinuhang lead vocalist ng Journey, bandang pang-international. Ang grupong ito ang nagpasikat sa kantang Open Arms na hanggang ngayon ay maririnig mo pa rin sa radyo. Nag-up load lang si Arnel ng kanyang video na kinakanta niya ang isa sa mga kanta ng nasabing grupo. Napanauod ito ng isa sa mga miembro ng Journey at nagkataon namang naghahanap sila ng vocalist para sa kanilang banda.. At presto ay kinontak siya ng grupo at pinapapunta sa Amerika at naging bagong vocalist na nga siya ng grupo..
Nariyan din si Charice Pempenco na kinukuha ng iba't ibang bansa para umawit. Siyempre You Tube rin ang nagbigay daan sa tinatamasa niyang tagumpay sa kasalukuyan. Minsan na siyang sumali sa Little Big Star subali't naging runner up lang.
Ang isa pang sikat na asikaat ngayaon sa aYou Tube aya anga danacing prisoners ng Cebu. Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang mga preso ay may itintagong talento sa pagsasayaw? Ibang klase kasi ang kanilang body movenment na akala mo ay mga propesyunal na mananayaw. Kahit sa sobrang dami nila ay magkakasabay pa rin ang kanilang galaw. Naisipan lang ng kanilang warden na gawing ehersisyo ang pagsasayaw nilang ito hanggang sa naisip nilang i-upload sa You Tube. Nnaitampok na rin sila sa Time magazine, Al Jezeera at CNN dahil sa kanilang husay sa pagsasayaw sa kantang Thriller ni Michael Jackson.
Marami pa sa ating mga kababayan ang naglalagay ng kanilang video sa internet baka sakaling sa pamamagitan nito ay makilala rin sila. Hindi naman ito imposile kung ang mga nabanggit nga ay nagawa nila bakit sila hindi? Kung may talento lang lamang na maipagmamalaki eh 'di ipakita kaysa naman sa ibinuburo ito. Malay natin baka sa susunod magulat na lang tayo na ang isa naman sa ating mga kababayan ay umaarangkada na sa international na arena. At siyempre iyan ay sa pamamagitan ng You Tube!
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...