Tulad ng pakikipagtipan sa di natin iniibig
At pagsampalataya sa mga hidwang pananalig
Di bat matagal nang baliktad ang takbo ng daigdig?
Yakapin natin at hagkan ang dating ayaw
Sa ating kairalan dapat makaulayaw
Mababatid mong lahat sa silong ng araw
Labusaw man sa bandang huliy lumilinaw.
Mabigat man sa loob ay dapat gawin
Tulad ng pagkapit natin sa patalim
Masugatan man ito rin ay gagaling
May liwanag na sisilay sa gitna ng dilim.
Masupil man natin ang ating mga sarili
Tatak ito na waring nagsisilbi
Hindi kamatayan ang ating maaani
Sa pagkabansot ng ipinunlang binhi.
Pagsanibin ang ating mga katauhan
Pag-isahin ang anumang kasalimuotan
Saglit na umiwas sa salungatan
At ariin nating ito'y ating kagustuhan.
Ito rin ay isang masining na paglikha
Kung saan lalawak ang ating pang-unawa
Di tayo sasalungat sa agos bagkus sasalunga
Bagama't ang daloy ay sadyang balintuna.
Pagka't maging ito ay dakilang pagtuklas
Iba't ibang pintig at galaw mamamalas
Bagong simulain sa tulad nating pangahas
Yamang lahat ng itoy isa lamang palabas.
No comments:
Post a Comment