Saturday, November 29, 2014

Isa Kang Mataas na Pangarap na 'di ko Maabot

Ikaw ay naging balsamo ng aking pagkatao
Kasintatag ng puno ng sikomoro
Bunga mo ay sintamis ng tamarindo
Ngunit 'di mapitas 'pagkat bawal diumano.
 
Tila ka matayog na estrelya o bituin
Pinapangarap ngunit 'di kayang abutin
Tinititigan lang kagandahang angkin
Mga kamay ko ay yumayapos sa hangin.
 
Tila ka dagim na sa kalawakan umuusad
Isang balangaw na 'di maabot ng munting palad
Taglay kong pag-asa ay iyong tinilad-tilad
Tila gulay na nadurog matapos matadtad.
 
Isa kang mataas at napakalaking gusali
Nakakalula ang kataasan na itinatangi
'Di ko makamtan ang inaasam na luwalhati
Marahil langit ka nga na sa puso'y nagbigay lugami.
 
Walang halaga ang tayog ng pangungusap
Imakuladang pag-ibig 'di mo matatap
Kaya't kaginhawaan ay ayaw mong malasap
Marahil sa iba ka nasisiyahang makipagtiyap.
 
Isa kang mataas na pangarap na 'di ko maabot
Parang luklak na nakadapo doon sa tuktok
Napakailap at ang tulad ko ay nilimot
Yaring puso kalumbayan ang sumaklot.
 
Kung mamasdan mo ako'y isang basag na kampana
Tumutugtog ng plegarya kaya't luksang-luksa
Simboryo ng simbahan waring babagsak sa lupa
Panalangin kong maging akin ka ay balewala.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...