Saturday, November 29, 2014

Nadarama Ko

Bakit kaya ikaw ang laging nasa alaala?
Larawan mo sa isipan ay 'di na mabura
Nakakainip kapag 'di kita nakikita
Iniisip palagi kahit saan magpunta
Gayung kahapon lamang tayo ay magkasama.

'Di ko malimot-limot ang iyong mga ngiti
Aking naaalala ang makipot mong labi
Pati na ang hugis ng biloy sa iyong pisngi
Sa dibdib ko nagdadala ka ng luwalhati
Tunay na damdamin sa iyo'y 'di maikubli.

Nadarama ko ay napakasidhing damdamin
Wala akong magawa upang ito'y pigilin
'Di mailarawan ng isipang matulain
Basta't ang alam ko ikaw ay mahal sa akin
Liwanag ng buhay sa iyo'y nasasalamin.

Nadarama ko ang init ng iyong pag-ibig
Sa bawat minuto na tayo ay magkaniig
Nadarama ang kapayapaan ng daigdig
Sana sa puso mo ako lang pumipintig
Mahal, sa pag-ibig ko patuloy na manalig.

Damhin mo sa 'yong puso ang aking pagmamahal
Pakapitin nang husto para 'di na matanggal
Oras-oras ngalan mo ay inuusal-usal
Pag-ibig ko sa iyo tiyak na magtatagal
Bagama't may kamatayan ang tulad kong mortal.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...