Thursday, February 14, 2008

Pagtatalik ng Bolpen at Papel

Hinubaran ng saplot ang isipan
Natambad ang itinatagong gunam-gunam
Isang sagimsim na lubhang maselan
‘Pagkat mapangahas ang ating diwa
Ito ay nanunuya, nanunuligsa’t
Sa ating mga dibdib ay nagpapabaga.


Ang bolpen at papel ay nagtatalik
Sa loob ng isang silid na kay tahimik
Naglabas ng likido ang bolpen
Hindi puti kundi kulay itim
Kasing itim ng masamang hangaring
Dumudungis sa puri ng birheng papel
Tila binubulungan ng diablo at anghel.


Nanlalambat sila ng mga talinghagang
Kasing lamlam ng buwan at mga tala
Naghahanap yata ng masisila
Mistulang manyakis, ibig manggahasa
Lumalaspag sa nanlalalambot na pandama
Kadalasang tumitigas ‘pag isip ay hinasa
Habang bumubulwak ang sariwang haraya.


Walang pinipiling oras ang isipan
Nagpaparaos kahit saan man abutan
Ilan pa kaya ang akdang iluluwal
Ang iaanak ng ulong nagkakalkal
Hindi lang laksa kundi angaw-angaw
Gaano pa kahaba ang pagtatagni-tagni
Ng nakakainip na mga sandali….

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...