Showing posts with label Career. Show all posts
Showing posts with label Career. Show all posts

Monday, December 15, 2014

Mga Raket sa Tag-ulan

       Tapos na ang panahon ng tag-araw at ngayon nga ay narito na ang tag-ulan. Para sa iba, ito ay panibagong araw ng pakikipagsapalaran sa basa at maputik na daan. Samantalang para sa mga magsasaka, ito ay isang biyaya dahil madidiligan na namang muli ang kanilang mga pananim basta't huwag lang masalanta ng bagyo. Kung mayroon pang ibang natutuwa maliban sa mga magsasaka siyempre iyan ay ang ating madidiskarteng mga kababayan. Ang tag-ulan kasi ay nangangahulugan ng pera dahil maaari silang kumikita mula rito.

     'Di nila alinta ang kaakibat na panganib ng tubig-baha dahil maaari silang makukuha ng bakterya mula rito. Balewala rin sa kanila ang ubo't sipon, ang importante ay kumita sila. Pabarya-barya man kapag naipon ay malaking bagay na rin. Kung saan may baha ay nariyan sila para tumulong sa mga taong ayaw lumusong sa baha. Mayroon silang mga improvised boat na gawa lang kung saan. Maaaring kahoy na nilagyan ng styro foam sa ilalim para lumutang. Kung hindi naman styro foam ay mga galon ang kanilang pampalutang. Hindi na nila kailangan pang sumagwan, dinadaan lang sa tulak o 'di-kaya'y paghila ay maihahatid na nila ang kanilang mga pasahero.

      Kung mababaw lang din naman ang baha ay naglalagay ang iba ng tawiran. Puwedeng malaking tipak ng mga bato o 'di kaya'y mahabang tabla. Habang tumatawid ang parokyano ay inaalalayan nila ang mga ito tulad ng pag-alalay ng isang maginoo sa mga kababaihan at sa matatanda. Kung may mabibigat na dala ang tumatawid ay nagsisilbi rin silang kargador. 

      Hindi rin nawawala ang mga buhos boys na walang sawang pumapara ng mga sasakyan. Isang timbang tubig at basahan lang ang kanilang dala ay nakakaraket na sila.  Pinupunasan nila ang salamin sa harapan ng sasakyan para nga naman malinaw na makita ng drayber ang kanyang dinadaanan. Nagkaroon tuloy ng car wash sa gitna ng kalsada. 

     Ang pagtitinda ng payong ang isa sa patok na negosyo ngayong tag-ulan! 'Di na uubra pa sa atg-ulan ang pa-macho effect ng mga kalalakihan na ayaw magdala ng payong. Mayroon din namang mga taga-payong sa mga walang dalang payong. 'Yung iba, malaking payong talaga ang dala para masigurong huwag mabasa ang kanilang mga parokyano. Siyempre, patok din ang pagtitinda ng mga inumin at pagkaing maiinit sa lalamunan. Goodbye muna sa palamig at halu-halo!

     Simple man ang kanilang diskarte, masasabing sila ay kahanga-hanga. Dahil ang likas na pagiging malikhain nating mga Pinoy ay nailalabas kahit sa panahon ng tag-ulan.

Friday, November 7, 2014

Job Interview Tips


         Hindi natatapos sa paggawa ng magandang resume ang paghahanap ng trabaho bagkus ito ay pasimula pa lang. Dahil ang tiyak na kasunod nito ay ang job interview. Nag-aalala ka ba dahil baka hindi ka makapasa? Oo, marami ang bumabagsak dito dahil may mali sa kanilang diskarte. Narito ang ilang tips para malagpasan ang pinakamaselang bahagi ng pagtatangkang makuha ang trabahong inaaplayan. 

        Kailangang dumating ka ng maaga o eksakto sa oras. Kapag na-late ay magbibigay lang ito ng negatibonng reaksyon sa interviewer at maaari ring bawasan din nila ang oras ng interview na inilaan para sa iyo. Dapat na isaisip na mas higit kang may kailangan kaysa kanila lalo na’t kung marami rin silang mga aplikante na naghahangad ng posisyon na nais mo.

         Mahalaga ang first impression sa pag-aaplay sa trabaho. Kaya’t sa pananamit  pa lang dapat ay representable ng tingnan. Magsuot ng kasuotang umaakma para sa posisyong target mo. Huwag maglalagay ng maraming borloloy sa katawan dahil makaka-destruct lang ito sa paningin ng interviewer. Ibig sabihin, magpaka-pormal lang.

        Pumunta ng nakahanda. Kumbaga, sa isang mandirigma ay handa kang lumaban. Pag-aralan kung paano mo ipapakilala ng mabuti ang iyong sarili sa interviewer. Pag-aralan rin ang isasagot sa mga posibleng magiging tanong sa iyo. Tulad ng kung ano ang iyong maiaambag sa kumpanya kung sakaling tanggapin ka nila? Bakit ka nila kailangang tanggapin sa trabaho? Makabubuting mag-research din ng mabuti tungkol sa kumpanya at sa trabahong inaaplayan mo.

         Tumingin ng diretso habang kinakausap ng interviewer para maipakitang naka-focus ka talaga. Huwag pahahalatang kinakabahan ka kapag sumasagot. Relax lang. Kapag sumasagot sa mga tanong ay maging straight to the point. Kailangan ay dire-diretso ang pagsasalita at hindi paputul-putol. Ipakitang tiwala ka sa iyong sarili sa pamamagitan ng iyong mga isinasagot. Maging alerto lagi ang pag-iisip dahil kaunting pagkakamali lang ay mawawala na ang oportunidad na matanggap sa trabaho.

       Kapag tinanong kung bakit ka umalis sa dating trabaho ay huwag magsasabi ng mga sensitibong impormasyon tungkol sa dating employer. Kapag ginawa mo ito ay iisipin ng interviewer na gagawin mo rin ito sa kanila kung sakaling tanggapin ka nila at mag-resign.

      Magdala ng resume kahit na mayroon ka ng unang ipinasa. Kung sa e-mail ipinadala ang e-mail dati ay posiblenghingan ka nila ng print version ng iyong resume. Maganda rin kung dala-dala mo na ang requirement na kinakailangan sa trabaho para kapag natanggap ay maibigay na agad ito sa kanila.

      O, paano goodluck sa job interview mo, ha?



Time Management sa Trabaho


          Napakahalaga ng oras kaya’t dapat lang na ito ay pahalagahan lalo na pagdating sa trabaho. Pero bakit nga ba may mga tao na nagagahol sa oras? Simple lang ang kasagutan, dahil hindi sila gumamit ng time management.  Narito ang ilang tips para ito ay maisagawa para mas lalo pang maging produktibo sa pagtratrabaho.

        Gumising nang maaga at gawin na ang dapat gawin. Mas maganda kung kinagabihan pa lang ay inihanda na ang gagamiting kasuotan. Bawas abala rin ito dahil ‘di mo na kailangan pang magkalkal ng susuotin sa drawer.

          Para ‘di ma-late sa trabaho ay i-adjust ng kaunti ang orasan. Kung alam na traffic dahil rush hour kinakailangang mas maagang umalis sa bahay. Mas mainam na rin ang ganito dahil mare-refresh mo ang iyong sarili bago magsimula sa trabaho. Kaysa mahuli ng dating at maging sentro pa ng usapan dahil na-late ka na naman. Alalahaning nakaaapekto ito sa iyong performance.

          Ilista ang mga gawain para sa buong araw para maging organisado ang lahat. Iuna sa listahan ang pinakamahirap hanggang sa pinakamadali.  Mas maganda kasi kapag ang inuuna ay mahirap na trabaho dahil puno ka pa ng enerhiya sa umaga. Kumpara sa hapon na medyo pagod ka na.Magtakda rin ng oras kung gaano ba katagal dapat na matapos ang isang trabaho. Sa pamamagitan nito ay masususkat mo pa kung gaano ka nga ba kabilis mag-trabaho. Walang problema kung mas maaga itong matapos kaysa itinakdang oras dahil mas marami ka pang magagawa.

         Kung makikipag-appointment sa labas ng opisina ay itaon ito sa oras na wala kang deadline na kailangang tapusin. Maliban na lang kung mas dapat itong unahin. Dalhin na ang lahat ng bagay na kakailanganin tulad ng mhahalagang dokumento. Kung kayang tapusin ang transaksiyon sa isang appointment lang ay gawin ito para hindi na magpabalik-balik pa.

         Importante rim na bilinan ang mga kasamahan sa bahay na huwag kang tatawagan sa opisina kung hindi lang ito emergency. Nang sa gayun ay hindi ka maabala sa iyong pagtratrabaho. Bukod dito ikaw mismo ang magdisiplina sa iyong sarili. Lagi dapat nakatuon ang iyong isip sa trabaho at hindi nagpapa-piteks-piteks lang lalo na’t marami pang trabaho na gagawin. Dahil kapag nagpabaya ay ikaw din ang matatambakan ng trabaho.

Tips Para Di Mabiktima ng Illegal Recruiter

Narito ang ilang tips mula sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) para huwag mabiktima ng illegal recruiter:

1. Huwag makipag-transaksyon sa mga  lisensyadong ahensiya pero wala namang job order. Karaniwan ay ang employer o ang kanyang representative ang pumupunta sa Pilipinas para mag-interview ng aplikante. Kung walang interview na magaganap ay magduda na.


2. Huwag makipag-transaksiyon sa mga fixer. Kaya mahalagang i-background check ang mga lumalapit na nagpapakilalang ahente para hindi madaya.

3. Hindi rin dapat makipag-transaksiyon sa labas ng ahensiya. Maaaring tunay na ahente ang lumalapit sa iyo. Bibigyan ka ng totoongaddress at telepono. Pero maaaring wala na itong kaugnayan sa ahensiya at ginagamit na lang ito para makapambiktima.

4. Kung ang ahensiya ay may opisina sa probinsiya, alamin kung ito ay mayroong provincial recruitment authority. Para makasiguro ay tumawag sa POEA o 'di kaya'y sa opisina ng Business Permit ng inyong munisipyo.

5. Huwag magbayad ng higit sa itinakdang placement fee. Ang tamang ahensiya kasi ay hindi naniningil ng mahal na placement fee. Dahil ang employer ay nagbabayad na sa ahensiya kapag mayroon silang ipadadalang aplikante.

6. Ang placement fee ay kinakailangang kapareho ng unang buwang suweldo ng OFW pero labas rito ang bayad sa dokumentasyon ng mga papeles. Kapag may karagdagang allowance na ibibigay ang amo, ito ay hindi dahilan para lakihan din ng ahensiya ang placement fee.

7. Huwag magbibigay ng placement fee hangga't 'di nabi-verify ang kontrata at kapag walang resibo. Basahing mabuti ang kontrata bago pumirma, alamin agad kung magkano ang susuwelduhin bago magbayad ng placement fee.

8. Huwag pag-ukulan ng atensiyon ang mga patalastas o polyetos na PO Box address lang ang nakalagay. At lalong huwag maglalagay ng perang pambayad ng processing fee sa sulat.

9. Huwag makipag-transaksiyon sa training centers at travel agencies na nangangako ng trabaho sa abroad. Ang dapat gawin ay bumisita sa immigration site ng sinasabing bansa dahil dito malalaman kung anu-anong trabaho ang kanilang iniaalok pati na rin ang kanilang mga polisiya.

10. Huwag tatanggap ng tourist Visa, ang kailangan mo ay working Visa para makapagtrabaho ng maayos. Pagkatapos kais ng itinakdang araw na nasa iyong tourist Visa ikaw na ay ituturing na TNT kapag nanduruon pa sa pinuntahang bansa.



Mga Dapat Gawin Bago Mag-resign sa Trabaho

      May mga oras na nawawalan ka ng gana sa iyong trabaho dahil routinary na rin ang iyong ginagawa. Kumbaga, ‘yun at ‘yun lang din. Ayos sana kung ito talaga ang gusto mong gawin sa buhay mo. Paano kung hindi? Maaari rin namang nakukunsume ka na sa boss mo o sa mga kasamahan mo sa trabaho dahil ang hirap nilang pakisamahan. Naiirita ka kahit alam mo naman na sa isang organisasyon ay ‘di nawawala ang mai-epal o nakakayamot ang pag-uugali. Pero bago magpasa ng resignation letter, may mga ilang bagay na dapat munang pag-isipan.
            Una, tanungin mo muna ang iyong sarili na kung magri-resign ka na ba agad ay maryoon kang perang naitatabi? Kung meron, magkano ito? Makasasapat ba ito para matuguan ang iyong mga pangangailan sa loob ng mga panahon na wala ka pang trabaho? Dahil kung hindi sasapat, paano na ang pambayad ng kuryente, tubig, pagkain at kung anu-ano pang mga gastusin. Tiyak na sasakit lang ang ulo mo. Kaya nga ang iba, nagtitiis kahit maliit lang ang kanilang suweldo. Mas mabuti na ang konti kaysa wala, ‘ika nga. Ang mahirap pa ay kung ikaw ang nagsisilbing bread winner sa inyong pamilya. Mabuti sana kung ang sarili mo lang ang puproblemahin mo.

            Sinasabi ng mga eksperto na dapat ay mayroon kang naitabing pera na katumbas ng iyong buwanang suweldo. Ano, kamo? Napapakamot ka na sa iyong ulo dahil mahirap mag-ipon ng ganito. Pero ‘yun ang sabi nila, eh. Kaya’t kung gusto mo na talagang mag-resign, aba’y ipun-ipon muna. Kahit na sabihing laging ubus-ubos ang suweldo. Puwede namang rumaket at iyun ang ipunin dahil magiging magsisilbing excess money na ito.  

            Bago mag-resign sa trabaho, siguraduhin muna na mayroon sa iyong naghihintay na bagong trabaho. Hindi ‘yung aalis ka lang na wala naman palang kasiguruhan. Alam naman natin na mahirap na ang maghanap ng trabaho sa ngayon dahil na rin sa dami rin ng job hunters. Hindi naman problema sa boss mo kung umalis ka dahil makakahanap agad sila ng kapalit mo. Maling isipin na ikaw lang ang magaling. Dahil sa totoo lang ay mayroon pang mas nakahihigit sa iyo. Mas maganda kung mas malaki ang suweldong makukuha mo sa papasukang bagong trabaho. Ayos din kahit mas maliit, kung dun ka naman sasaya dahil ito ang dream job mo.

            Kung nagbabalak naman na mag-freelance na lang, aba’y dapat ay may mga regular ka ng clients para mabigyan ka nila ng projects. Mahirap kasi kung kelan ka nag-resign saka ka pa lang maghahanap. Kung may balak namang mag-negosyo, dapat ay planuhin itong mabuti at ‘di sasabak na lang basta dahil sa huli ay pagkalugi lang ang bagsak mo. Test the water muna, ‘ika nga.

            Kung tutuusin ay napaka-praktikal lang ng ganitong mga payo. Pero marami pa rin ang nakalilimot na gawin ang mga ito kaya’t ang resulta. Sa halip na nakabuti sa kanila ay napasama pa. Imbes na magkaroon sila ng freedom ay nabaon naman sila sa sandamakmak na problema. Hindi kasi nila inisip kung ano ang maaaring kahinatnan ng aksyon nila. ‘Di naman sinasabi na huwag mag-resign sa trabaho lalo’t ‘di ka na masaya. Ang punto lang dito ay maghanda muna bago gumawa ng napakabigat na desisyon.




Opisina sa Bahay


       Hindi madaling magtayo ng opisina sa loob ng bahay dahil bukod sa iniintindi mo ang iyong trabaho ay inaasikaso mo rin ang iyong pamilya. Maaaring mahirap ang ganitong sistema pero nasa pagbabalanse lang ‘yan. Ang kainaman dito ay ‘di ka na namamasahe at ‘di pagod sa pagbibiyahe. Katunayan, marami na ngayon ang mga homebase business. Kung isa ka sa mga nais magtayo ng opisina sa loob ng bahay ay narito ang mga bagay na dapat mong gawin:



    Unang-una, kinakailangang maglaan ng sapat na espasyo para sa gagawing opisina sa loob ng tahanan. Maaaring gamitin ang isang kuwartong maluwag para magkasya ang lahat ng kakailanganing kagamitan  para sa iyong homebase business. Kung walang bakanteng kuwarto ay humanap ng ibang espasyo para doon mo maitayo ang iyong opisina.Siguraduhin lang na legal ang iyong negosyo para may resibo kang maibigay kapag nakikipag-transaksiyon ka.

    Magpakabit ng hiwalay na linya ng telepono para ‘di makipag-unahan ang iyong pamilya sa paggamit ng telepono. Mainam ang ganito para maging propesyunal ang dating at ‘di halatang nasa bahay ka lang. Kapag bata kasi ang sasagot ng telepono ay baka ‘di sila magkaintindihan ng kausap at maaaring masayang lang ang prospect client. Bukod sa pagkakabit ng sariling linya ng telepono ay maglagay din ng ibang computer, hiwalay sa ginagamit na computer ng pamilya. Dahil kung iisa lang ang inyong gagamitin ay maaaring mabura ang iniingatan mong mga files. Siyempre, uso na naman ang paggamit ng social media, gamitin mo rin ito para mai-promote mo ang iyong negosyo.

    Kahit na sa loob lang ng bahay nagtatrabaho ay umakto pa rin na parang nasa loob ng kumpanya nagtatrabaho para magkaroon ng disiplina. Hindi masamang magpahinga paminsan-minsan tutal sarili mo naman ang iyong amo. Pero ang masama ay kapag mas marami ka pang oras ng pahinga kaysa sa ipinagtatrabaho. Kapag nagkaganito ay ikaw din ang talo. Alalahaning kaakibat ng pagpapatakbo ng sariling opisina ang ibayong sipag.

    Mahalagang magtakda ng regulasyon sa iyong pamilya, na sa oras ng trabaho ay ‘di ka nila maaaring istorbuhin. Maliban na lang kung talagang kinakailangan at kapag may emergency. Ipaalala rin sa kanila na huwag silang mag-iingay lalo na’t meron kang bisitang kliyente. Mahirap kapag may maliliit pang mga anak dahil likas na sa kanila ang maging makukulit. Kaya’t laging ipaalala sa mga bata na ‘di ka lang basta nakapirme sa bahay lang kundi nagtatrabaho ka rin para sa kanila. Ipaunawa sa kanila na huwag silang magkakalat ng laruan sa loob ng iyong opisina.  Para hindi ito mangyari, ugaliing laging naka-lock ang iyong pinto lalo na pagkatapos ng trabaho.

    Siyempre, kahit ano ang pagiging abala mo sa iyong trabaho ay maglaan ng isang buong araw na kasama ang buong pamilya. Kalabisan naman kung ‘di na nga nila makuha ang atensyon mo kapag oras ng trabaho ay hindi ka pa rin maglalaan ng oras sa kanila pagkatapos ng trabaho. Kapag nagkaganoon ay mahihirapan kang makuha ang suporta ng iyong pamilya. Araw-araw ka nga nilang nakikita pero ang isip mo ay nasa trabaho lang.

Monday, April 21, 2014

Buhay-Travel Blogger

Lois Yasay of wearesolesisters.com
         Wala nang sasarap pa sa pagbibiyahe sa iba’t ibang lugar dahil masaya ito. Bukod sa nakakakita ka ng magagandang tanawin ay marami ka ring matutunan dahil may matutuklasan kang bago. Iba’t ibang personalidad din ang iyong makikilala at makakasalamuha. Kaya naman marami na rin na ginawang career ang pagiging adbenturero sa pamamagitan ng paggawa ng travel blog. Kabilang na rito ang isa sa nangunguna sa nasabing larangan sa bansa- ang www.wearesolesisters.com.

        Nagsimula ang Sole Sisters nang magpasyang umalis sa kanilang trabaho ang magkaibigan na si Lois Yasay at Chichi Bacolod para makapag-biyahe. Pero bago ‘yun nag-ipon muna sila ng pera sa loob ng isang taon para makapunta sa India at Southeast Asia at naglakbay sila roon sa loob ng anim na buwan. Nakagastos lang sila ng ‘di hihigit sa isang daang  libong piso. Doon nila nagawa ang kanilang blog para mai-dokumento ang bihaye nilang ito at siyempre para maibahagi ang kanilang karanasan sa buong mundo.

        Marami ang nakaimpluwensiya kina Lois kabilang na rito ang paborito nilang mga blog gaya Adventurous Kate na gaya nila ay naglibot din sa Southeast Asia. Pati na rin ang Ayngelina of Bacon is Magic, Jodi of Legal Nomads, Nomadic Chick, This Battered Suitcase, Flipnomad at Soloflight Ed.

         Ang isang travel blog ay kumikita sa pamamagitan ng ad banners, sponsored post at paid links. Ang bayad ay nakadepende na rin kung maraming bumibisita sa iyong blog. Ang Sole Sisters ay may prinsipyong sinusunod, nagrerebyu lang sila ng produkto, lokasyon at serbisyo kung ito ay akma sa kanilang blog at nasubukan o napuntahan na nila ito mismo. Lahat ng biyahe nila sa Pilipinas ay merong nag-iisponsor maliban na lang sa biyahe sa ibang bansa na sila na ang gumagastos. ‘Di ang travel blog ang pangunahin nilang pinagkakakitaan dahil may iba pa silang source of income. Pero dahil sa ito ay kanilang passion  kaya’t masaya sila sa kanilang ginagawa. Nagbigay ito ng opurtunidad para magkaroon sila ng exposure. Dahil dito ay naiimbitahan silang maging taga-pagsalita sa mga inspirational talk. Nakasama pa ni Lois ang isa sa pinakamagaling na motivational speaker sa bansa na si Franscis Kong sa isang seminar sa Cebu.

        Para ‘di mag-alala ang pamilya sa kanilang mga biyahe ay sinasabi nila kung saan sila pupunta at kung kailan sila makababalik. Suportado naman sila ng kani-kanilang pamilya sa ginagawa nila basta’t sinisiguro lang nila magiging ismarte at maingat sila sa pagbibiyahe. Pagdating naman sa kanilang mga love life, sinabi ni Lois na sumasama sa kanilang biyahe ang kanyang nobyo. Gaya niya ay mahilig din itong magbiyahe.

         Kapag nagbibiyahe sila sa ibang bansa bagama’t nalilibang sa mga lugar na kanilang nagagalugad, kapag may nakikilala silang mga dayuhan ay ‘di nila nalilimutang i-promote ang Pilipinas. Lagi nilang inirerekomendang puntahan ang mga surfing area sa atin gaya ng Baler, Siargo at Catanduanes. Ibinibida rin nila ang mga beaches sa Palawan at Calaguas Island. Inirirekomenda rin nila ang Cebu at Bacolod dahil masasarap ang mga pagkain doon. Pati na rin ang Davao na hometown ni Lois dahil sa pagkakaroon nito ng white water kayaking, durian at siyempre pa may Kadayawan Festival!

    Ang pinakamahalagang natutunan ng Sole Sister kapag nagbibiyahe, ito ay ang pakikisalamuha sa mga local ng bawat lugar na kanilang pinupuntahan. Dahil sila ang makapagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang lugar at kultura. Sila ang dapat tanungin kung saan magandang kumain, lumagi at magbiyahe. Nang tanungin kung ano ang pinaka ‘di nila malilimutang lugar, sinabi ni Lois na, “Siguro ‘yung India very unique kasi ang culture at energetic ang vibe nila saka sa Myanmar dahil totoo at napaka-lovable ng mga tao roon.”  Gusto rin ng Sole Sisters na makapag-biyahe sa South at Central Amerika sa hinaharap. Sa ngayon ay tuluy-tuloy lang ang adbentyur. “Palagay ko magbibiyahe ako habang nabubuhay ako kasi ito ang pinaka-passion ko,” dagdag pa niya.  

          Kapag travel blogger, dapat ay maging pasensyoso ka at huwag maging bugnutin kapag nagkamali habang nagbibiyahe dahil doon nagsisimula ang pagkakaroon ng adbentyur. Kinakailangan na maging madiskarte sa paghahanap ng lugar at siyempre pagkasyahin ang budget. Makatitipid diumano kung sa mumurahing hotel mag-check in, kakainin ng mga street food, sumakay sa public transportation, matutong tumawad at iba pa. Kapag nagbibiyahe rin ay siguraduhing ‘di gaanong mabigat ang laman ng bag dahil ikaw din ang mahihirapan. Gaya ng kanilang ginagawa na ang laman ng bag ay ‘di tataas sa pitong kilo. Kinakailangan din na maging bukas ang iyong isipan and maging palangiti sa lahat ng mga tao na nakikilala mo kung nasaan ka mang lugar. Kapag meron kang nais gawin, gumawa ng plano at hingin ang suporta ng mga tao pagkatapos ay umabante. Magiging imposible lang ang isang bagay kapag ‘di ka gumagawa ng paraan.

           Kung nais maging matagumpay na travel blogger, dapat magkaroon ng kakaibang istorya gaya ng ginawa ng Sole Sister na nagbiyahe ng anim na buwan sa Sotheast Asia sa limitadong budget lang. Kumbaga, magkaroon ng sariling tatak na matatandaan ng mga tao. Manatili ring positibo sa lahat ng oras at magbigay ng inspirasyon sa iba. Sabi nga ni Lois, “Ang key words lang naman d’yan ay makapag-inspire, malapag-motivate at makapag-entertain ka anumang topic at field na piliin mo.”

Tuesday, February 4, 2014

Gusto Mo bang Maging Band Manager?

    May mga banda na ang ginagawa ay do it yourself. Pero mas maganda kung mayroon silang manager. Para na rin may mangalaga sa kanilang karera.   Pero bago magkainteres na pasukin ang ganitong uri ng negosyo dapat ay mahilig ka sa musika. Paano ka papasok sa industriya ng musika kung wala ka namang ka-music-music sa katawan?

    Kung kukuha ng talent kailangan ay bilib ka sa kakayahan ng banda o sabihin na nating ikaw ang number one fan nila. Para ka rin kasing endorser ng produkto. Paano mo iiendorso ang isang produkto kung hindi ka naman naniniwala na magandang klase nga ito? Bago tumayong manager ng isang banda, mabuting magkaroon kayo ng kontrata. Kahit kaibigan mo pa sila ay maganda na rin ang ganito para maging ligal at propesyunal ang samahan n’yo. Maaaring kada-isang taon ang bisa ng isang kontrata. I-extend lang ito nang i-extend kapag maayos pa rin ang inyong samahan. Respeto lang naman sa bawat isa ang kailangan para magtagal ang samahan. Kapag manager ka maituturing na rin na ikapang-limang miembro ng banda.

   Kabisado mo dapat ang tipo ng musika ng banda na hinahawakan mo. Dapat meron silang genre para meron silang pagkakilanlan. Saka para alam mo rin kung ano’ng klase ang kanilang magiging audience. Know your market. ‘Ika nga, alam mo kung ano ang inilalako mong produkto. Kapag manager ka ng banda dapat ikaw ‘yung tipo ng jack of all trades. Kumbaga, lahat alam mo. Isipin mo kung kaya mo bang ibenta ang banda na hawak mo? Hindi naman kinakailangan na sobrang taas ng taste mo sa music. Ang kailangan lang ay alam mo kung papatok ang isang kanta o hindi. Maaaring magbigay ng opinyon sa banda kung ano’ng klase ng kanta ang sa tingin mo ay tatangkilikin ng mga tao.

    Alamin din ang kapasidad ng banda baka ‘di nila kayang tumugtog ng maramihan o mahabaan. Kaya’t maigeng pagpondohin sila ng maraming kanta. Para makasabay sila sa demand ng aarkila sa kanila. Sabi ng mga eksperto, kapag kakaunti lang ang kayang tugtugin ng live ng banda ay wala silang gaanong mararating.  Kaya’t bilang manager, alamin mo ang limitasyon ng grupo. Kung makakitaan mo ng kahinaan ay sama-sama kayo ng banda na madebelop ito. Paalalahanan din sila lagi na huwag kalilimutang magpraktis bago sumalang sa gig.

     Importante rin na pakinggan ang mga tagahanga ng banda. Tanungin mo kung ano pa ang gusto nilang mapangkinggan mula sa banda. Hindi puwedeng sa isang negosyo ay ‘di isinaalang-alang ang kagustuhan ng mga kostumer. Importanteng pangalagaan ang mga tagahanga nang sa gayun ay maging loyal ang mga ito sa banda. Alalahaning maraming mga banda na sumusulpot na magagaling din naman.

    Dalawang klase ang pagbu-book sa banda. Ito ay ang tinatawag na incoming at call out. Kapag sinabing incoming, ikaw ‘yung tatawagan ng mga gustong magpa-book o aarkila sa iyong banda. Sa call out naman, ikaw ang tatawag o maghahanap ng kanilang puwedeng pagtugtugan. Kapag tumatawag siguraduhin lang na alam mo kung sino ang hahanapin at kakausapin mo. Kapag may mga imbitasyon, alamin ang lahat ng detalye. Kung saan ang lokasyon, kung kailan at ano’ng oras gaganapin ang gig, etc. Saka kung bagay ba ang banda sa okasyon. Halimbawa, rakista ang hawak mong banda tapos maiimbitahan sila sa pangsayawan na tugtugan. Dyahe yata ang ganun. Mahalagang maging visible lagi ang banda mo para nakikita at nakikilala sila ng mga tao. Nang sa gayun kapag may organizer na nagkainteres ay makatatanggap ng imbitasyon.

    Ang pagpi-presyo kung magkano ang ibabayad sa banda ay nakadepende na rin sa kanilang status. Kung marami bang nanunood kapag may gig sila o kakaunti lang. Sa madaling salita, kung kilala na ba sila o hindi. Sa mga baguhang banda, karaniwan ay mga tumutugtog ng libre. ‘Yung iba nga, sila pa ang pinagbebenta ng tiket ng organizer kapalit ng kanilang pagtugtog. Pero hindi dapat laging ganun dahil ‘di lalago at masasanay ang mga organizer sa libre. Kahit paano ay may kaonti rin namang maiuuwi dahil gumagastos din naman kayo. Isipin mo na lang, na ang pinasok mo ay isang negosyo. Kaya’t tatagal ba kayo kung walang pumapasok na pera sa inyo? Pagdating sa kitaan, hati-hati kayo ng banda. Kapag sa bar naman tutugtog, karaniwan dito na ang bayad ay may porsiyento ang banda sa kung magkano man ang napagbentahan ng tiket. Kaya mainam na mag-imbita ng mga kaibigan at kakilala para pandagdag sa audience.

    Kapag tutugtog ang banda, isipin ang pagkakaroon ng magandang exposure. Makabubuting huwag na lang magpa-line up kapag sobrang dami ng bandang tutugtog. Sayang lang kasi dahil ‘di rin matatandaan ng mga tao. Maging sigurista rin, ugaliing manghingi lagi ng downpayment bago patugtugin ang banda. May mga insidente kasi na nagogoyo o ‘di nababayaran ang ilang banda. At least kapag nangyari ito, kahit paano ay meron kayong nasingil. Para makasiguro gumawa ng kontrata para may panghawakan. Para kapag nagka-aberya ay may habol kayo. Maaari rin namang ikaw ang mag-organisa ng gig. Umarkila ng venue at doon patugtugin ang mga banda na hawak mo. Bukod sa mga mahihilig manuood ng concert, mag-imbita rin ng mga taong may kaugnayan sa music industry para mai-market mo ang iyong mga talents.

    Huwag ismolin kahit konti lang ang crowd na nanunood kapag may gig. Dahil ‘di mo sila kilalang lahat. Malay mo meron palang talent scout o producer na nanunood. Paalalahanan ang banda na konti man o marami ang nanunood sa kanila ay huwag mawawalan ng gana. Paghusayan pa rin ang kanilang pagtugtog. Magpaka-professional sa lahat ng oras, ‘ika nga.

   Bilang manager tungkuling mo rin na magpadala ng demo sa mga record label, sa mga establisyemento kung saan mo sila gustong patugtugin, sa mga radio station at iba pa. Ikaw din ang responsable sa paglalabas ng mga release sa dyaryo, magasin at kung saan mang babasahin para maging pamilyar ang iyong banda sa mga tao. Ugaliing maging ma-PR sa lahat ng oras para makakuha ng suporta ang iyong banda sa media at sa mga nagtatrabaho sa musika ng industriya. Unti-unti na ring lumalaganap ang internet radio sa atin na bukas para sa OPM. Puwedeng magpadala ng demo sa kanila. Idagdag na rin natin ang paggamit ng social media para makakuha ng mga tagahanga.

    Siyempre, maglaan ng sapat na pondo para sa operasyon ng banda. Maaari ring mag-prodyus ang banda ng cd na EP at ibenta ito kapag meron silang gig, magdisenyo ng t-shirt na may pangalan ng banda saka ibenta. Lahat ng posibleng pagkakitaan ay puwedeng gawin. 

Monday, December 2, 2013

Work at Home Pinas The Seminar: Magkapera sa Pamamagitan ng Internet

              Kung dati-rati ang mga trabaho na ginagawa sa bahay karaniwan ay sari-sari store, handicrafts o kung anuman na puwedeng pagkakitaan na nasa bahay lang. Pero dahil sa teknolohiya ay nagkaroon ng tinatawag na E-commerce o negosyo sa Internet. Noong ika-30 ng Nobyembre ay nagsagawa ng seminar ang wahpinas.com, sa pangunguna ni Ron Villagonzalo na pinamagatang Work at Home. Ito ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng PLDT Cyberya, V-Office, BPI, Adventour Magazine, Sangkalan Grill na matatagpuan sa 9 Scout Alabano St. Panay Ave., Quezon City kung saan ay dito ginanap ang naturang seminar.
                          
                                            Raffy Pekson

            Unang nagsalita si Raffy Pekson. Tinalakay niya ang kahalagahan ng social media sa pagpapatakbo ng online business. Sinabi na importantewng kung ano ang ipinapakita mo sa online world ay ganun ka rin sa totoong buhay. Dahil kung hindi ay mawawalan ng tiwala sa iyo ang mga tao kapag nakilala ka ng personal. Nagbigay din siya ng tips hinggil sa digital marketing gamit pa rin ang social media. Noon diumano ang focus ng mga negosyante ay para lumikha ng costumer. Pero ngayon na nauso ang social media, ang kakilala ng kakilala mo ay puwede mo na ring maging costumer. Binigyan diin din niya na irespeto ang mga kaibigan sa social media. Kung may nais na mag-promote ay huwag na lang basta mag-post sa Facebook wall nila. Sa halip, ay idaan ito sa pagbibigay ng pribadong mensahe at baka sakaling matulungan ka pa nila. Hindi ‘yung parang nang-ispam ka lang.


                                       Ron Villagonzalo                                      

            Sumunod na nagsalita si Ron Villagonzalo. Bukod sa pagiging may-ari ng wahpinas.com ay may-ari rin siya ng Sagabay Technologies. Sinabi ni Ron na may dalawang uri ng nagtatrabaho sa bahay. Ito ay ‘yung sila mismo ang kontraktor o amo at ang isa naman ay empleyado pa rin at pinapayagan lang magtrabaho sa bahay ng kumpanya. Marami diumanong puwedeng pagkakitaan sa internet kanilang na rito ang pagbabasa ng email (cashpro.com). Meron din pagsagot sa survey (allworldpanels.com). Pagbi-bid ng writing jobs (Odesk.com/Freelancer.com).   Siyempre, ‘di rin mawawala ang blogging at pagbibenta online ng kung anumang produkto gaya ng kanyang ginagawa na nagbibenta rin ng de kalidad na earphone. Puwede ring maging SEO writer, graphic designer, web developer, social manager, link builder at iba pa.

Enzo Luna


            Naging tagapagsalita rin si Enzo Luna, isang travel blogger at nagpapatakbo ng juanmanilaexpress.com. Sinabi niya na importante sa gaya niyang travel blogger na marunong magdukomento. Para ito ay maisagawa ay alamin ang iyong kasanayan at patuloy itong hasain. Kilalanin din ang iyong market o audience. Kapag magsusulat, importante meron kang destinasyon o pupuntahan. Kumbaga, pinag-aaralan ang isang lugar. Bukod sa pagkuha ng litrato ng mga tanawin, inaalam mo rin ang kultura ng mga taong naninirahan sa isang lugar. Kabilang na ang kanilang mga tradisyon, kaugalian at mga pagkain. Sa dami na ngayon ng mga travel blogger, para makahigit sa iba ay sinabi niyang maging orihinal lang sa mga isinusulat at ibahagi lang ang iyong karanasan.

                            Gian Viterbo

            Tinalakay naman ni Gian Viterbo, isang digital marketer ang kahalagan ng pagkakaroon ng brand premise. Importante diumano na magkaroon ng sariling domain ang iyong website para may tatak o pagkakakilanlan. Maaari mo ring sukatin ang iyong impluwensiya online, maaaring pumunta sa Klout.com. Dapat ka rin daw laging alerto, alamin kung kailan lalabas ang iyong pangalan sa internet. Baka kasi may pumupuri sa iyo o ‘di-kaya’y naninira na. Kapag negatibo ang nabasa ay maaaring makagawa agad ng aksyon bago ka pa man maapektuhan nang husto. Kagaya nang sinabi ni Mr. Pekson, sinabi niya na kailangang maging responsable sa paggamit ng social media. Think before you click, ‘ika nga.

Azrael Coladilla
                                        
             Tinalakay naman ni Azrael Coladilla ang Blogging 101. Si Azrael ay isa sa mga nangungunang blogger sa bansa at nasa likod ng azraelsmerryland.blogspot.com. Sianabi niyang maraming benepisyo sa pagba-blog. Puwede itong magbigay daan para sa maraming opurtunidad. Gaya niya na kumikita ng pera kahit nasa bahay lang. Dahil din sa pabba-blog ay natuto pa siya ng ibang skills gaya ng pagiging web developer, photographer, videographer, reporter at iba pa. Dahil sa dami ng hits ng kanyang blog ay nagkaroon ng interes ang mga kumpanya na magpa-advertise sa kanya. Pero siyempre, ‘di ito nangyari sa isang iglap lang maraming oras din ang kanyang ginugol bago marating ang kanyang estado sa kasalukuyan.

                                      Irene Enriquez


            Ibinahagi naman ni Irene Enriquez nggirlygeek.phhttp://girlygeek.ph/ ang kanyang pagtatrabaho sa bahay. Si Irine dati ay nagtatrabaho sa call center pero wala pang isang taon ay umalis na sa trabaho ay mas piniling maging freelance writer. Isa rin siyang podcaster na nagri-review ng mga gadget at kung anuman ang bago sa teknolohiya. Mas matipid diumano kapag nasa bahay lang kumpara kung nag-uopisina pa siya. Kung ano man ang kinikita mo kapag nasa kumpanya ka ay kaya rin namang kitain kapag sa bahay ka lang nagtatrabaho. Puwede mo pa ngang higitan basta ba masipag ka.
                                  
                                  
                                       Ted Claudio

            Huling nagsalita siu Ted Claudi ng wazzupphilippines.com. Tinalakay niya ang tungkol sa photography. Bago mapunta sa pagiging photographer at blogger ay matagal din siyang nagtrabaho sa Saudi Arabia. Sinabi ni Ted na dahil sa teknolohiya ay madali na ngayon ang maging photographer. Saka napapag-aralan naman ito. Sa umpisa ay puwedeng pagpraktisan ang mga kakilala para magkaroon ng portfolio. Mag-ipon muna ng kumpiyansa at karanasan. Puwedeng magpresintang assistant muna ng beteranong photographer at mula rito ay lumikha ng network o kuneksyon. Maki-grupo sa mga kapwa photographer para matuto pa lalo at makakuha ng proyekto. Ilan lang sa puwedeng pagkakakitaan ng mga photographer ay kapag may mga event gaya ng kasal, binyag, birthday at iba pa. Hangga’t maaari ay mag-aral ding mag-video dahil in demand ngayon ang mga videographer. Pero ibahin natin si Cladio, dahil bukod sa paglilitrato ay kumukuha siya ng video at ipinapaskil sa Youtube at kumikita mula rito.




Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...