Showing posts with label Education. Show all posts
Showing posts with label Education. Show all posts

Saturday, November 8, 2014

Binukot: Huling Prinsesa ng Tapaz, Capiz

      Kung ikaw ay isang napakagandang babae, nais mo bang maging prinsesa? ‘Yun bang espesyal sa iyo ang turing ng inyong komunidad. Hindi mo kailangang magtrabaho dahil may gagawa naman nito para sa iyo. Ngunit hindi biro ang maging buhay-prinsesa lalo na’t kung ikaw ay magiging isang ‘binukot.’

      Noong araw sa bulubundukin ng Tapaz, Capiz ay may mga hinihirang para maging ‘binukot.’ Ito ‘yung pinakamagandang babae sa kanilang lugar na inihihiwalay ng komunidad. Ang salitang ‘binukot’ ay nangangahulugan ng “itago.” Katunog din ito ng salitang Tagalog na ‘dinukot.’ Magkaugnay din naman, dahil kapag ikaw ay isang binukot ay inalisan ka na ring mamuhay ng normal dahil nakakulong ka. Ginagawa nila ang ganito para mapangalagaan ang kanilang tradisyon at kultura.

      Ang binukot ay namumuhay na parang prinsesa dahil pinagsisilbihan ito. Pinapaliguan, sinusuklayan at pinapakain ng pinakamasasarap na pagkain. Bata pa lang ay pinipili na at inihihiwalay ang isang binukot  para turuan ng kanilang katutubong sayaw at paghabi na kung tawagin nila ay Panubok. Ipinapakabisado rin sa kanila ang mahahaba nilang epiko tulad ng mga sumusunod: Tikum Kadlum, Amburukay, Balanakon, Sinagnayan, Kalampay, Nagbuhis, Pahagunoy at Alayaw.

     Hindi pinapayagan na magtrabaho ang binukot kaya’t pinaniniwalaang mahina ang kanilang pangangatawan dahil sa kakulangan sa mga gawaing pisikal. Maliban dito ay hindi rin sila nakakapag-aral sa eskuwelahan. Hindi rin pinapalabas ng bahay at walang nakakakita sa mukha nito dahil natatakpan ito ng belo. Tanging ang pamilya at malalapit na tagapagsilbi lang ang nakakakita ng mukha ng binukot.

    Kahit pa ang mga lalaking nag-aasam na mapangasawa ang binukot ay hindi maaaring makita ang mukha nito. Maliban na lang sa lalaking papalarin na mapapangasawa ng binukot. Samantalang ang babae naman ay nakikita lamang ang mukha ng kanyang manliligaw sa pamamagitan ng pagsilip sa siwang ng kanyang tinitirhan. Dahil itinuturing na espesyal ang binukot ay dumadaan ito sa ‘bidding.’ Kung sino ang makakapagbibigay ng pinakamataas na dowry sa magulang ng babae ang maaaring pakasalan ng binukot.

      Subali’t noong panahon ng pananakop ng Hapon sa bansa ay natigil ang tradisyon ng binukot. Ayon sa salaysay ng ilang historyador, nang makarating ang mga mananakop sa bulubunduking lugar ng Tapaz kung saan itinatago ang mga binukot ay sila ay unang-unang naging biktima ng panggahasa ng mga  ito. Kung kaya’t minabuti na lamang ng mga magulang na itigil na ang pagkakaroon ng binukot sa kanilang pamilya.

Isa sa pinakakilalang binukot ay si Lola Elena Gardoce ng Panay, namatay siya sa edad na siyampu’t walo. Ang anak niyang nagngangalang Angga ay sapilitang ginawang binukot. Subali’t nang ang anak naman nitong si Emily ang gagawing binukot ay hindi ito pumayag bagkus ay mas ninais nitong tahakin ang ibang klase ng buhay. 


Kung tutuusin ay maaari namang ituro ang tradisyon ng isang komunidad nang ‘di na kinakailangan pa ng isang binukot. Sa bundok ng Garangan sa may Iloilo, naipipreserba nila ang kanilang tradisyon sa pamamagitan ng pagtayo ng maliit na paaralan na tinatawag na Balay Turu-an kung saan ay itinuturo sa mga kabataan ang kanilang oral tradition at pagsayaw. Ito ay itinatatag ng dati ring binukot na si Lola Susa Caballero.

Friday, November 7, 2014

Badjao: Sea Gypsies ng Pinas

         Sinasabing ang dagat ay mahirap arukin. Hindi lamang dahil sa malalim ito kundi mistula rin itong tao. Minsan ay mapayapa at may pagkakataong nagiging maligalig din ito. Subali’t kung mayroon mang lubos na nakauunawa  sa paiba-ibang timpla ng dagat ay hindi lamang ang mga mangingisda kundi ang mga kapatid nating Badjao dahil ang dagat na ang kanilang kinamulatan at kinalakhang lugar.

     Tinagurian sila bilang Sea Gypsies, hango sa salitang Malay-Borneo na ang kahulugan ay Man of the Seas. Karaniwang ang kanilang bahay ay nakatayo sa mababaw na bahagi ng tubig-dagat. Ang iba naman sa kanila ay sa bangka na nakatira na kung tawagiun nila aypela-pela. Ito na rin ang kanilang ginagamit para makapaglakbay kung saan man nila gustuhin. Dahil mga nakatira sa dagat, dito na rin sila kumukuha ng kanilang ikinabubuhay. Bihasa ang Badjao sa pangingisda, pagsisid ng halamang dagat, perlas at kung anu-ano pa.

     Matatagpuan ang mga Badjao sa Sulu, Tawi-tawi at Sitangkai. Nagkalat din sila sa Davao, Surigao, Zamboanga, Basilan, Bohol at kung saan-saan pa.  Ayon sa mga kuwento, ang mga Badjao ay nakararanas ng hindi maganda sa ibang tribo. Binansagan pa nga silang palao olumaan (God forsaken) ng mga Tausug. Dahil dito ay naging mahina o mababa ang pagtingin nila sa kanilang mga sarili.  Dati silang mga nakatira sa ibabaw ng lupa subali’t sa pamumuwersa sa kanila ng ibang tribo ay mas pinili na lang nilang sa dagat manirahan para makaiwas sa mga pag-atake. Hindi naman kasi sila mga agresibong tao. Kung kaya nga’t sa dagat na lamang sila nagkukuta. 

     Samantalang ang Iba naman sa kanila ay mas piniling magtungo na lang sa kalapit-bansa natin gaya sa Indenosia at Malaysia yamang tanggap na tanggap sila sa nasabing dalawang bansa. Sa kasalukuyan, sinasabing ang mga Badjao ang pangalawa sa pinakamaraming populasyon ng mga grupo ng Etniko sa may Sabah. Tinatayang nasa 13.4 %  ang kanilang bilang doon. Kung sa bansa natin, ang mga Badjao ay nasa abang kalagayan, sa Malaysia naman ay tanyag sila sa pagiging magagaling na mangangabayo. Kinikilala rin sila sa husay nila sa paghahabi at pananahi.

    Ang malungkot na katotohanan ay marami rin sa mga kapatid nating Badjao na mas pinili na lang ang magpakalat-kalat sa iba’t ibang panig ng Kamaynilaan para mamalimos. Kasabay ng pamamalimos ang pagkakalkal nila sa basurahan para maghanap ng mapapakinabangan. Madali lang naman malaman kung sila ba ay mga Badjao. Ang kanilang kulay ay maitim ang pagiging kulay kayumanggi at kulay tanso rin ang kanilang buhok dahil na rin sa pagbibilad sa araw. Halos karamihan ay pawang kababaihan na tangan-tangan pa ang kanilang maliliit na anak. Kung minsan ay nakikipagpatentero pa sa gitna ng kalsada.

    Minsan, may nakausap pa ako sa kanila matapos na mamalimos sa akin. Tinanong ko siya kung paano siya nakapunta sa Maynila. Ang sabi ng kausap ko ay namangka lamang sila. Medyo namangha pa ako noon dahil hindi ko pa kasi alam na mga bihasa silang bangkero. Kung sa iba lang ay hindi nila kakayanin ang gayung klase ng paglalakbay na bukod sa mahaba-haba na ay mistulang walang patutunguhan.

    Marahil ay nakita mo na rin sila habang ikaw ay naglalakbay sakay ng barko. Sila ‘yung mga batang tinatapunan mo ng barya tapos sisiriin nila ‘yun sa may kailalaliman ng dagat. Barya lang ‘yun pero para sa kanila ay pinagbubuhusan nila ng lakas at tapang para lamang ito makuha.

      Ang ginawa ban g mga Badjao na nagsipaglisan sa kani-kanilang lugar ay pagtalikod sa kultura o nais lang nilang talikuran ang kagutuman na kanilang nararanasan? Kung tunay na mayaman ang dagat, bakit sila nagugutom? ‘Diyata’t apektado na rin sila ng pagkasira ng kalikasan. Kung ang bawat grupong etniko ay itinuturing na yaman ng bansa dahil sila ang larawan ng pinagmulan ng lahing Pilipino. Bakit ganito ang nangyayari sa kanila? Mistulang walang kumakalinga sa mga tunay na anak ng dagat!

Kasaysayan ng Salapi sa Pilipinas

Ang salapi ay ginagamit bilang pamalit o kabayaran sa anumang kalakal o 
paglilingkod. Ito ay masasabi nating isa sa mga lakas na nagpapagalaw 
sa ating ekonomiya. Maraming gamit ang salapi: bilang paraan ng palitan; 
pamantayan ng halaga; reserba ng bangko at iba pang institusyon sa 
pananalapi at marami pang iba.Ngunit anuman ang paraan natin sa paggamit ng 
salapi, kapag sumusobra o kinukulang ay nakakasama rin ito sa ating 
ekonomiya.

Kung ating pagbabatayan ang ating kasalukuyang ekonomiya ay masasabi 
nating mababa ang halaga ng Piso kung ikukumpara natin noong dekada 60 o 
70. Ayon sa mga pag-aaral, ang katumbas ng P1 ngayon ay 17 sentimos 
lamang noon. Noong panahon ng Komonwelt, ang P1 ay nasa anyong papel, 
patunay na mataas ang halaga nito. Ngunit ngayon mayroon na tayong P1000 
papel at P10 barya na mas malaki lang ng kaunti sa piso. Nagsimulang 
bumaba ang halaga ng piso noong mga unang taon ng dekada 80, nang 
magpalabas ang Central Bank ng P2 na barya at mga 5 at 10 sentimos na lalong 
kinilala sa tawag na floating money. Nagkaroon din noon ng overvaluation 
ng salapi noong panahon ng Hapon nang gamiting midyum ng palitan ang 
"Mickey Mouse" money, kung saan ang isang bayong nito ay kulang pa upang 
ipambili ng isang kilong kamatis.


Kaalinsabay ng pagbaba ng halaga ng Piso ay ang pagtaas naman ng halaga 
ng Dolyar. Noong dekada 60, ang S1 ay P2 lamang sa atin. Pero noong 
Oktubre 21. 1990, ang bagong palitan ay itinakda sa P28 bawat S1. Malaki 
ang epekto nito sa ating ekonomiya. Dahil sa hindi naman natin magagamit 
ang Piso sa pakikipagkalakalan sa pandaigdig na pamilihan, kailangan 
natin ng maraming reserbang dolyar dahil ito ang malawakang tinatanggap 
sa pamilihang pandaigdig. Nangangahulugan din naman ang pagbaba ng 
halaga ng Piso ng pagtaas ng bilihin, lalo na ng langis na inaangkat pa 
natin sa ibang bansa. Posible ring magkaroon ng implasyon. Ang kakulangan 
ng reserbang dolyar ang nagtutulak na rin sa pamahalaan na magpadala ng 
mga kababayan natin sa ibang bansa. Sa darating pa kayang panahon ano 
na lang ang magiging halaga ng Piso kumpara sa dolyar? Kung sa ngayon nga ay 
naglalaro sa P50 pesos pataas ang palitan ng dolyar sa piso. Ang mabibili 
na lang sa piso ay kendi at tsitsirya, ni kulang pang pambili ng yelo. 
Buti na lang at may mga OFW's na nakakatulong sa ekonomiya ng bansa. 

Eh, kung hindi, paano na kaya?

Itim na Perlas, Likas na Yaman ng Pilipinas

Perlas- isang napakagandang salita. Madalas na ginagamit sa paghahalintulad sa halaga ng isang dalaga sa nanunuyong binata. Dalisay kasi ang perlas at lubhang kabigha-bighani. Ngunit paano naman kapag ang perlas na ay naging itim? Nakababawas na ba ito ng ganda o lalo lang nitong pinatitingkad ang katangian ng isang perlas? 

Ang karaniwang perlas ay ginagawang alahas at maaari ring gawing kasuotan. Dinudurog pa nga ito at inihahalo sa paggawa ng gamut, kosmetik at paggawa ng pintura. 
Samantalang ang itim na perlas ay bibihira lamang matatagpuan. Inaakala pa nga ng iba na sa palabas lang sa telebisyon ito makikita kung saan ay sirena ang bida. Ipinapakita sa palabas na nagbibigay ng kapangyarihan ang itim na perlas sa gumagamit. Ngunit hindi ito basta bahagi lang ng pantasya bagkus mayroon talaga nito sa realidad. Hindi kapangyarihan ang ibinibigay nito kundi ibayong paghanga sa sinumang makakakita nito. 

Ang itim na perlas ay naiulat na matatagpuan sa Libuton Cave, sa may Zamboanga Del Norte. Kapag pupunta ka roon ay may nakantabay ng giya o tourist guide at may kasama pang Red Cross personnel para siguradong magiging ligtas ang gagawing paglalakbay. Bago makapunta sa kuweba, kinakailangan munang mag-rappel ng apatnapung talampakan. Sinasabing bago makarating sa sentro ng kuweba ay dadaan muna sa maputik at medyo makitid na bahagi ng kuweba. Pero ayon sa mga nakapasok na rito ay sulit naman ang pagpunta dahil namangha sila sa ganda ng itim ng perlas. 

Nabubuo ang itim na perlas sa pamamagitan ng stalactites at stalagmites sa loob ng kuweba. Ang stalactites ay ‘yung tubig na nagkahugis galing sa itaas sa kuweba samantalang ang stalagmites naman ay buhat sa ibaba. Sinabi ni Dr. Carlo Arcilla, Head of Geological Science Department ng UP na ang ganitong uri ng perlas ay sadyang pambihira. Dahil nabuo ito sa loob ng kung hindi man sa loob ng napakaraming dekada ay milyong taon ang inabot. 

Bilang pagpapahalaga ng gobyerno sa nasabing likas na yaman ay ipinagbabawal itong kuhain. Maaari lamang itong litratuhan at hindi rin puwedeng hawakan para maiwasan ang pagkasira. Sa pamamagitan nga naman nito ay maipipreserba  ang itim na perlas. Nang sa gayon ay makita pa ito nang susunod na henerasyon. 

Ang ating Pambansang Bayani ay minsan nang naipatapon sa Dapitan, Zamboanga Del Norte, may apat na taon bago siya hatulan ng kamatayan ng mga Kastila. Nakag-ipon siya ng mga intersanteng datus tungkol sa iba’t ibang halaman at bulaklak sa nasabing lugar. Ngunit nakalagpas sa kanyang kaalaman ang kuweba ng Libuton na nasa malapit lang sa kanyang kinalalagyan. Marahil kung nadiskubre niya ito ay nagawan pa niya ito ng tula o ‘di-kaya ay isinama sa iba niyang sulatin. Malamang ay magiging literal ang pakahulugan sa sinabi niya, na ang Pilipinas ay ‘Perlas ng Silangan’ dahil may natatagong itim na perlas sa ating lupain!

Friday, June 6, 2014

Practical Tips Ngayong Pasukan



Pasukan na naman at tiyak na katakut-takot na gastos na naman ang mangyayari. Tuloy ay siguradong sumasakit na ang ulo ng mga magulang dahil pilit na pinagkakasya ang badyet para sa pag-aaral ng mga bata. Ang dami-daming kailangang bilhin, ang daming kailangang bayaran. Narito ang ilang tips na makatutulong para kahit paano ay makatipid sa gastusin.

Kung puwede pa namang gamitin ang mga lumang uniporme ay huwag munang bumili ng bago. Basta ba ayusin ang paglalaba para maging maputi at hindi magmukhang luma. Plantsahin lang palagi para maging kaaya-ayang tingnan. At ipaala sa anak na maging maingat para huwag mamantsahan at masabit kung saan-saan. Kahit pa ang bag basta puwede pang gamitin ay ipagamit pa rin sa anak. Tahiin lang kung mayroon itong butas o palitan ng zipper kung sira na. Ganundin pagdating sa sapatos basta’t walang pang butas at hindi pa naman ngumanga ang suwelas ay huwag munang papalitan. Likas na sa mga bata ang paghahangad ng mga bagong kagamitan. Kapag kinukulit ka nilang bumili ng bago ay huwag maiinis bagkus ay ipaliwanag sa kanila ng maayos na kailangan ninyong magtipid para na rin sa ikabubuti ng inyong pamilya.

Ang mga luma nilang mga notebook kung mayroon pa namang space ay ipagamit pa rin sa mga bata. Maaaring balutan ito ng magandang disenyo para magmukhang kakaiba at hindi halatang luma. Ipagbaon ng pagkain ang mga bata para makatipid sa perang baon na ibibigay sa kanila. Kaysa naman panay ang bili nila ng kung anu-ano. Makatitiyak ka pa na malinis ang kinakain nila dahil ikaw mismo ang naghanda. Turuan din na maging masinip sa pera ang mga bata para kapag mayroon silang gustong bilhin ay hindi na sila manghihingi pa sa iyo. Huwag lang kalilimutan bigyan sila ng award kapag nagkakaroon sila ng achievement sa paaralan para lalong ganahan sa pag-aaral.

Huwag ding itatapon ang mga lumang babasahin gaya ng diyaryo, magasin atbp. Dahil magagamit pa nila ito para mapagkuhan nila ng impormasyon kapag nagkaroon sila ng assignment man o project. Siyempre, itanim sa isipan ng bata ang kahalagahan ng edukasyon dahil kung hindi niya ito pinagbuti bilang magulang ay ikaw din ang mahihirapan. Mahirap yata kapag bumabagsak ang anak sa isang subject dahil siguradong bibigyan ang anak ng special project para lang makapasa. At ang pinakamasaklap ay kapag naging repeater ito. ‘Di ba’t doble gastos pa?

Tuesday, February 11, 2014

Saan Nagmula si Santa Claus?

Ang Pasko ay itinuturing na pinakamasayang pagdiriwang sa buong taon. Lagi itong inaabangan ng lahat, lalo na ng mga bata, dahil ito ang tanging panahon na nakatatanggap sila ng mga regalo.

Maging tayo, noong ating kabataan, may isang persona na lagi nating inaabangan tuwing Pasko: ang pagdating ni Santa Claus.  Nariyang sumusulat tayo ng mga bagay na gusto nating matanggap, at umaasang siya ay dadalaw at ibibigay ang ating mga hiling. 

Minsan, naghihintay pa tayo ng hatinggabi at inaabangan ang kanyang pagdating, ngunit sa kabila ng matagal na paghihintay ay hindi man lamang natin nasilayan ang kanyang anino.

Ngunit pagsapit ng umaga, pagtingin natin sa mga medyas na nakasabit, magugulat na lang tayo sa ating makikita: mga kendi, tsokolate, pagkain, at mumunting laruan.  Puno ng katuwaan, mapapasigaw tayo sa tuwa: “Yehey! Hindi ako nakalimutan ni Santa!”

Minsan naitatanong din natin,” Totoo bang may Santa Claus?” “Nakasakay ba talaga siya sa isang paragos na hila ng walong usa , na pinangungunahan ni Rudolph na may mapulang ilong?” “Totoo bang may dala siyang tsokolate galling sa North Pole?”

Ang maalamat na kuwento ng tagapagbigay ng regalong ito sa mga bata ay kilala bilang St. Nicholas, Niclaus, San Nicolaas, Sinter Klaas at ng huli ay naging Santa Claus.  Ngayon ay kilala siya sa mundo sa iba’t ibang pangalan: Sa Canada, siya ay si Pere Noel o Father Christmas; sa France, Le Petit Noel; sa Germany, Christkindl o Christ child; Yule Man sa Denmark; sa England, Australia at South Africa, Father Christmas; sa Spain, Papa Noel; sa Italy, Babbo Natale; at sa China, Shen Dan Lao Ren o Christmas Old Man.

Si Santa Claus o St. Nicholas ay isang simbolo sa Pasko ng mga Amerikano. Siya ay kombinasyon ng mga tradisyong Europeo, partikular na sa Amsterdam . Ang mga early Dutch settler ang unang nagpakilala ng ideya ni Santa Claus. Ang kanyang pagkakakilanlan na snow, reindeer at North Pole ay may pinagmulang Scandinavian o Norse. 

Sa America, ang kanyang pagdalaw (na pinapaniwalaang sa hatinggabi, kung saan bumababa siya sa tsiminea at nag-iiwan ng mga regalo habang tulog nag mga bata) ay mas nakikilala sa Pasko kaysa sa Araw ni San Nicholas, na ipinagdiriwang sa Europa tuwing Disyembre 6 bilang kanyang kapistahan.

Ayon sa lumang alamat, may nabuhay na isang totong Santa Claus na ipinanganak sa Parara, isang syudad ng Lycia . Ang kwento ni Santa Claus ng kasaysayan ay isang obispo ng Myra sa Asia Minor noong ikaapat na siglo.

Sa lahat ng mga Kristiyanong santo, si St. Nicholas ang pinaka-popular at iginagalang dahil na rin sa kanyang reputasyon ng pagiging mabait at mapagbigay.  Sinasabing nagbigay siya ng tatlong bag ng ginto para sa dowry ng tatlong mahirap na magkakapatid na babae na ikakasal upang iligtas sila sa kahihiyan.  Mula rito, si St. Nicholas ay kinilala bilang patron at bantay ng mga bata.

Si Santa Claus ay maaring isang alamat lamang para sa iba, o totoong tao para sa iba; ngunit ang kanyang mataba at masayahing pigura ay mananatiling naka-marka sa ating mga puso at isipan.  Ang kanyang personalidad ay mabait, kakaiba, makulay, at mananatiling simbolo ng masayang pagbibigayan tuwing kapaskuhan.

Sunday, September 6, 2009

Earth Art Para sa Makabuluhang Sining

Sa panahon ngayon na tila hindi na aware ang karamihan sa ating kapaligiran kung ito ba ay nasisira na o hindi. Dahil ang mahalaga lang para sa kanila ay ang mabuhay nang walang pagsaalang-alang sa pisikal na kaanyuan ng mundong kanilang ginagalawan. Mabuti na lamang at mayroon pa ring mga organisasyong nagsusulong para pangalagaan ang kalikasan. Sila ang tinatawag nating mga environmentalist.

Ngunit hindi lamang sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno maipapakita ang pagmamahal sa kalikasan kundi pati na rin sa pamamagitan ng sining. Kaya't nabuo ang EARTH ART para imulat ang mga tao sa kahalagahan ng kalikasan para sa lahat ng nilalang. Bukod dito ay kanila ring itinataguyod ang ating mga kulturang katutubo para hindi ganap na mabaon sa limot ng sambayanang Pilipino. Makikita sa bawat likhang-sining ng kanilang mga miyembro ang ganda at makukulay na obra na pawang nagtatampok ng mga ganuong uri ng paksa.

Ang EARTH ART ay itinatatag noong taong 2006 kasabay ng pagdiriwang ng World Environment Month. Ito ay pinasuimulan ng mga batikang pintor na sina Leo Meneses, Nick Aranda, Vic Dabao, Teddy Santos, Fritz Silorio, Armida Francisco at Zaldy Arbozo na tagapagtatag din ng SINAG artist na nakabase sa Antipolo. Isa sa mga layunin ng grupo magkaroon ng ng ganap na kamalayan ukol sa balanse ng ekolohiya ang mga mamamayan. Bunsod nito ay nilalabanan nila ang alinmang gawa ng makasariling panghihimasok at pagwasak ng tao sa kalikasan para maiwasan ang paglaho ng mga uri ng nabubuhay, puno man o hayop, at maging ang pagkawala ng buhay ng tao. 


Ang EARTH ART ay hindi lang nakasentro sa pagguhit kundi nagsasagawa rin sila ng mga pagtatanghal, workshop, pananaliksik at dokumentasyon, pakikisalamuha sa mga komunidad, at iba pa. Nakikipag-ugnayan din sila sa iba't-ibang sektor ng lipunan para mapag-usapan ang mga isyung pang-kalikasan na nakakaapekto sa ating pamumuhay. Nais kasi ng grupo na hindi lamang manatiling nasa kuwadro ang kanilang ipinaglalaban kundi maisapraktika ito at mabigyan ng buhay sa realidad. Buo ang kanilang paniniwala na sa pamamagitan ng kanilang mga ginagawa ay maimpluwensiyahan nila ang iba nang sa gayun nga naman ay magkaroon din ang mga ito ng malasakit sa Inang Kalikasan. Mahalaga diumano ang ganitong kaisipan, ang kalikasan ay kailangang ipreserba. Dahil ito ay hindi lang kabilang sa kasulukuyang henerasyon kundi para sa susunod pang salinlahi. Kasama nga rin dito ang ating kulturang katutubo na kailangang magbanyuhay sa kabila ng pagyakap ng karamihan sa kulturang banyaga.

Wednesday, February 13, 2008

Pagiging praktikal sagot sa kagipitan

Lagi ka bang gipit at kinakapos sa pera? Kaya't hinihiling na kung mas marami ka lang sanang pera ay mas marami kang mabibili. Sa halip na isipin ang perang wala naman sa iyo bakit hindi bigyang-pansin ang perang nasa kiamay mo? Kung paano ito kokontrolin para sa susunod ay hindi ka nagtataka kung bakit madaling maubos ang iyong pera.

Mahalaga ang pagbabadyet. Kapag sumuweldo itabi agad ang badyet sa pamasahe, pagkain at mga bayarin para hindi na magastos pa. Planuhin din ang mga bagay na bibilhin para maging organisado ang lahat. Pero huwag gagastos nang higit pa sa kinikita. Ito kasi ang nakasanayan ng iba, ang resulta malayo pa ang suweldo ubos na agad ang pera kaya nagkakautang. Bago bumili ng isang bagay tiyakin munang kailangan mo ba ito o kagustuhan lang? Maging praktikal, pangangailangan muna bago ang kasiyahan para sa sarili. Huwag taglayin ang ugaling 'ubos-biyaya bukas nakatunganga' porke't may pera panay na ang gastos.

Importante rin na kapag may nais bilhin ay mag-canvass muna. Sa paghahambing-hambing ng mga presyo malalaman kung saan makakatipid. Huwag masyadong masilaw sa mga branded o sikat na produkto. Basta kilatisin lang ang murang produkto kung substandard pero marami sa mga ito na maganda rin ang kalidad. Bumili sa mga palengke na mura lang ang paninda, maramihan na ang bilhin kaysa bumili ng patingi-tingi sa tindahan. Tutal, dito rin naman galing ang kanilang paninda kaya't makatitipid ka.

Huwag magmamadali kapag may gustong bilhin na appliances at kukuha ng hulugan. Sa unang tingin makaluluwag ka dahil down payment lang ang kailangan at magagamit na ang produkto. Pero kung susumahin magiging doble o triple pa ang babayaran! Kaya mainam na pag-ipunan na lang para makabili Pero kung may kasangkapan na at gusto lang ay makasunod sa kung ano'ng latest aba'y mag-isip-isip ka. Nagbabago ang teknolohiya dahil ang uso ngayon bukas hindi na. Hangga't puwede pang gamitin ay gamitin lang para 'di masayang.

Iwasan din ang pagkakaroon ng bisyo dahil imbes na mapunta sa mahalagang bagay ang pera ay napupunta lang sa wala. Alalahaning ang pera ay pinaghihirapan bago makuha kaya hindi dapat mapunta lang sa bisyo.

Hangga't maaari rin ay huwag lumapit sa mga nagpa-5'6 dahil kapag hindi nabayaran ay lumalaki lalo ang inters. Mabuting huwag na lang mangutang kung wala namang inaasahang pambayad. Kaya nga mahalaga na mag-impok ng pera para kapag may emergency may magagamit. Kahit pabarya-barya lang kapag naiipon ay dumadami rin.

Sunday, February 10, 2008

Dumi ng Hayop, Pang-biogas!


Noon pa mang 10th Century B.C. ay natuklasan na ng mga tao na ang dumi ng hayop ay nagbibigay ng enerhiya, hindi lang organikong pampataba sa mga halaman. Ang BIO GAS ay nagsimula sa bansang ASSYRIA (IRAQ na ngayon), ito ay nang gamitin nila ang dumi ng hayop bilang pampainit ng tubig na kanilang pampaligo. Sa pagdaan nga ng panahon ay natuklasan na puwede pala itong gamitin sa pagluluto, nagbibigay liwanag sa ilawan, nagpapatakbo ng generator, ginagamit din para umandar ang sasakyan at iba pa. Noong 1859 naitayo ang kauna-unahang planta ng BIO GAS sa Matunga, India. Laganap na rin ito sa maraming bansa gaya ng Japan at Tsina. Sa Tsina pa lang, tinatayang 2 milyong unit na ang gumagamit ng BIOGAS.

Samantalang nakarating lang ito sa Pilipinas noong taong 1965, sa pamamagitan ni Dr. Felix Madamba, itinayo niya ang MAYA FARM, sa Angono Rizal, pinakamalaking planta ng BIO GAS noon sa buong Asya. Ayun kay Fernando Ablaza, Provincial Director ng DOST sa Rizal, "iprino-promote namin ang BIO GAS dahil nakababawas ito sa polusyon." Kaya naman mula pa noong 1994 ay panay na ang kanyang pagtuturo kung paano gumawa ng BIO GAS. Hinihikayat niya ang mga backyard raiser o yaong may mga alagang hayop sa kanilang bakuran at maging ang mga may-ari ng malalaking farm na subukan nila ito.

Mayroon namang mga tumugon katunayan mayroon ng 145 units ng BIO GAS mula sa Region 1, 3 at 4. Bagama't kaunti lang ang bilang na ito, dahil na rin sa kakilangan sa promosyon ay umaasa si Mr. Ablaza na dadami pa ito, dahil na rin sa kabutihang maidudulot nito.'Di lang bilang solusyon sa problema sa polusyon, maging sa komunidad na rin. Para 'di na magreklamo ang mga kalapit-lugar ng may nag-aalaga ng mga hayop tulad ng baboy, manok, atbp. dahil sa pagkakaroon ng mabahong amoy dulot ng mga dumi nito. Para raw makagawa ng BIO GAS ay kinakailangang walang hangin na makakapasok sa pinag-iimbakan ng dumi. Mga dalawa hanggang tatlong linggo matapos bulukin ang dumi ng hayop ay puwede na itong gamitin. Ang aenorobic bacteria diumano ang gumagawa ng gas. Ang BIO GAS ay binubuo ng Methane Gas (60-70 %) at Carbon Dioxide (29-39%). Para magamit ito kinakailangan lang ng PVC o tubo para magsilbing daluyan ng BIOGAS. Hindi naman dimano ito magastos dahil wala naman ibang pagkakagastusan kundi ang mga materyales para sa imbakan ng dumi. Isa pa, hindi naman nauubos ang dumi ng hayop basta lagay lang ng lagay kapag humihina na ang enerhiya nito. Sinabi rin ni Mr. Ablaza na kahit ano'ng uri ng hayop ay pupuwede at sa maniwala kayo o hindi maging ang dumi ng tao ay puwede ring maging BIOGAS!

Para sa iba pang babasahin

Ang Sining ng Pagtula

            Ang paggawa ng tula ay nagsisimula sa isang malabong imahen. Ngunit sa kalagitnaan ay lumilinaw ang bisyon na natanaw. Tila isang malabong anag-ag, sa pagkadaka'y nagliliyab na sulo na nagsasaboy ng liwanag sa isipan ng mambabasa. Ang kanyang sagimsim ang kasapakat upang makalikha ng pambihirang obra. Alalaong baga'y ng mga bagay na nagsasalita, mapahayop man o bato. Sa pamamagitan ng personipikasyon maari kang magpanggap na hari o kaya'y dios. Bawat maliliit at mumunting bagay o kahit isang salita'y nabibigyang interpretasyon. Palibhasa'y sisidlan ng samu't saring kaisipan ang isang makata.

         Ang tula ay nahahati sa iba't ibang uri tulad ng tulang may sukat at tugma, malayang taludturan at tula sa tuluyan. Para sa akin, ang pinakamaganda rito ay ang may sukat at tugma dahil tila ito musika na may aliw-iw o indayog, mainam sa pandinig lalo na kapag binibigkas. Palibhasa'y sa tula nagmula ang kanta. Ngunit kahit saan pa ito nakasulat ay walang diperensiya. Mabuti na rin ang may pagkakaiba. Nagpapatunay lang na ito ay masining at napakalawak sa pamamaraan at maging sa paksa na rin.

          Ang makata ay tagapag-ugnay ng nakaraan at kasalukuyan. Dinudukal ang patay na ilog upang muling bumukal ang tubig. Nahihipo ng kanyang matang-tubig ang ilalim ng dagat. Natatanaw ng kanyang matang-lawin ang kalawakan at nakikipagsalimbayan sa mga ibong nagliliparan. Inihahatid niya tayo sa Paraiso upang maglakbay kasama niya. Magtataka ka sa kanyang mga salita 'pagkat mistula itong madyikero. Napapatulay ang elepante sa aspile at nagagawang mag-akrobat. Ngunit gaano man ka-imposible ang pahayag nito, nakabatay pa rin ito sa katotohanan. 'Pagkat ang lahat ng bagay sa mundo ay magkakaugnay. Ang talinghaga ay di lang basta paglulubid ng buhangin o paglalaro ng salita. Ito ay sadyang sangkap ng tula na nililikha ng haraya. Paglagot sa tanikala ng kararinwang salita sa araw-araw.

        Kadalasan pa ay sinasabing weirdo raw ang mga makata dahil sa kanilang mga isinusulat. Ang iba naman ay winawalang-halaga lang sila dahil mistula raw itong baliw. Pati ang buwan, araw at mga bituin ay tinutulaan. Inaaliw lang daw nito ang mga tao upang itakas sa realidad. Aamining ang makata nga ay baliw ngunit di sa aspeto ng pagka-destrungka ng katinuan. Ang kanyang kabaliwan ay isang sakit na walang kagalingan 'pagkat nakahalo na ito sa dugo. Ito ay labis na pagkahibang sa kanyang musa na itinuturing bilang asawa. Bawat taludtod na tumatatak sa plumahe ay karugtong ng kanyang utak at budhi. Kung tunay mang isa itong kabaliwan, kay sarap mabaliw sa sining ng pambeberso dahil salamin ito ng iyong pagkatao.

Wednesday, February 6, 2008

Kuwento ng Comfort Women

       Malupit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil marami itong sinirang buhay at mga ari-arian. Kung tutuusin ay nadamay lang naman tayo sa labanan ng bansang Amerika at ng bansang Hapon kung kaya't napadpad ang mga sundalong Hapones sa ating bansa. Sa kasalukuyan, ang madilim na bahaging ito ng kasaysayan ay tila isa na lamang istorya ng nakaraan at parang balewala na lang.

        Subali't kung mayroon mang sugat na nilikha ang digmaang 'yun ay nananatili pa rin sa isipan at pandama ng tinatawag na mga 'comfort women.' Isa na rito si Lola Dina, 'di tunay na pangalan, dise sais anyos pa lang daw siya noon ng magkaroon ng giyera. Nagtatago raw ang kanyang pamilya noon sa ilalim ng lupa na kanilang hinukay para huwag makita ng mga Hapon. Nakatatakot daw ng panahong 'yun dahil maya't maya ay makaririnig ka ng mga putok ng baril at pagsabog ng mga bomba. Karamihan daw sa kanyang mgakalalakihang kamag-anak ay naging guerilla at napatay ng mga mananakop.

      Isang araw diumano ay lumabas sila ng kanyang kapatid na lalki para manguha sana ng talbos ng kamote nang matiyempuhan sila ng mga Hapon. Tinutukan daw sila agad ng mga baril at mabilis silang hinablot ng mga ito. Pinagbubugbog ang kanyang kapatid pagkatapos ay iniwan na duguan. Samantalang siya naman ay dinala sa pinagkukutaan ng mga Hapon. Doon daw ay naabutan nilang nag-iinuman ang mga kasamahan ng mga sundalong bumihag sa kanya. Pilit diumano siyang nagpiupiglas pero ano nga ba naman ang laban ng tulad niyang babae?

    Ayon kay Lola Dina nang mga sandaling 'yun daw ay gusto na niyang mamatay dahil sa hirap na kanyang naranasan. Kahit ano'ng pagmamakaawa niya ay wala ni isa mang gustong makinig. Wala siyang ibang magawa kundi ang umiyak habang siya ay nilalapastangan ng mga Hapon. Kulang-kulang diumano isang buwan siyang binihag ng mga ito at ginawang sex slave! Marami daw silang mga naging comfort women sa looob ng kampo. Pinakawan lang siya nang mgagkaroon siya ng karamdaman at mangayayat nang husto.

    Matagal na itong nangyari pero hanggang ngayon daw ay lumilitaw pa rin sa kanyang panaginip ang bangungot ng nakaraan. Nalulungkot diumano siya nang mabalitaan niyang ayaw humingi ng paumanhin ng bansang Hapon sa naging kasalanan ng kanilang mga sundalo noon sa mga naging comfort women. Nalulungkot din daw siya dahil imbes na kumampi ang ilang nating kababayan sa kanila ay hinuhusgahan pa raw sila na ang habol lang nila ay pera sa bansang Hapon. Gayung hindi naman daw kayang tumbasan ng salapi ang ginawa ng mga sundalong Hapon na pagyurak sa dangal ng ating mga kababaihan. Hangad lang daw nila ay katarungan sa kanilang sinapit at kung mayroon mang daw silang matatanggap na pera ay makatutulong ito para sa naghihirap nilang pamilya.

     Sabi naman ng iba karamihan daw sa mga sundalong Hapon na gumawa ng gayung krimen ay mga sumakabilang buhay na.Ang tanong pa nila ang kasalanan ba ng naunang henerasyon ay dapat pagbayaran ng kasalukuyang henerasyon?Hindi lang naman daw dito sa Pilipinas may mga naging comfort women kundi maging sa iba pang bansa.Hindi rin maiaalis ang realidad na ang ang mga Hapon na dating kinatatakutan noon, ngayon ay hindi na. Dahil marami sa ating mga kababayan ay dumadayo ba sa Japan para manilbihan bilang entertainer. Pero anu't anuman dapat talagang humingi sila ng paumanhin dahil hindi biro ang iniwang epekto ng digmaang 'yun sa buhay ng ating kababaihan na minsan ay mga naging comfort women.


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...