Ang tula ay nahahati sa iba't ibang uri tulad ng tulang may sukat at tugma, malayang taludturan at tula sa tuluyan. Para sa akin, ang pinakamaganda rito ay ang may sukat at tugma dahil tila ito musika na may aliw-iw o indayog, mainam sa pandinig lalo na kapag binibigkas. Palibhasa'y sa tula nagmula ang kanta. Ngunit kahit saan pa ito nakasulat ay walang diperensiya. Mabuti na rin ang may pagkakaiba. Nagpapatunay lang na ito ay masining at napakalawak sa pamamaraan at maging sa paksa na rin.
Ang makata ay tagapag-ugnay ng nakaraan at kasalukuyan. Dinudukal ang patay na ilog upang muling bumukal ang tubig. Nahihipo ng kanyang matang-tubig ang ilalim ng dagat. Natatanaw ng kanyang matang-lawin ang kalawakan at nakikipagsalimbayan sa mga ibong nagliliparan. Inihahatid niya tayo sa Paraiso upang maglakbay kasama niya. Magtataka ka sa kanyang mga salita 'pagkat mistula itong madyikero. Napapatulay ang elepante sa aspile at nagagawang mag-akrobat. Ngunit gaano man ka-imposible ang pahayag nito, nakabatay pa rin ito sa katotohanan. 'Pagkat ang lahat ng bagay sa mundo ay magkakaugnay. Ang talinghaga ay di lang basta paglulubid ng buhangin o paglalaro ng salita. Ito ay sadyang sangkap ng tula na nililikha ng haraya. Paglagot sa tanikala ng kararinwang salita sa araw-araw.
Kadalasan pa ay sinasabing weirdo raw ang mga makata dahil sa kanilang mga isinusulat. Ang iba naman ay winawalang-halaga lang sila dahil mistula raw itong baliw. Pati ang buwan, araw at mga bituin ay tinutulaan. Inaaliw lang daw nito ang mga tao upang itakas sa realidad. Aamining ang makata nga ay baliw ngunit di sa aspeto ng pagka-destrungka ng katinuan. Ang kanyang kabaliwan ay isang sakit na walang kagalingan 'pagkat nakahalo na ito sa dugo. Ito ay labis na pagkahibang sa kanyang musa na itinuturing bilang asawa. Bawat taludtod na tumatatak sa plumahe ay karugtong ng kanyang utak at budhi. Kung tunay mang isa itong kabaliwan, kay sarap mabaliw sa sining ng pambeberso dahil salamin ito ng iyong pagkatao.
No comments:
Post a Comment