Saturday, April 5, 2008

Taong Grasa



Kuha ni William M. Rodriguez II



Wala siyang pangalan, walang tirahan, walang kamag-anak, walang kaibigan o sa madaling salita ay walang pagkakakilanlan. Basta't ang tawag lang sa kanya ay taong grasa dahil nakukulapulan ng samu't saring dumi ang buo niyang katawan. Bagama't 'di naliligo ay hindi nababahuan sa sariling amoy. Marahil ay manhid na siya sa mga mikrobyong nakakapit sa kanya 'Di tulad ng iba na maselan na makaharap lang ang tulad niya ay agad nang magtatakip ng ilong. Pagdating naman sa porma, gutay-utay ang damit at pantalon. Minsan nga ay hubad na ito at nakikita na ang kanyang kaselanang dapat sana'y nakatago. May kung anu-ano pang burluloy na nakapulupot sa katawan. May dala-dalang mga plastik na kung anu-ano lang din naman ang laman. Ngunit para sa kanya ay isa itong kayamanan na kanyang pinakaiingatan.




Hindi lang siya iisa kundi napakarami dahil kahit saan ka magpunta ay maraming tulad niya. Palakad-lakad lang sa mga lansangan pero wala naman talagang patutunguhan. Umuusal ng wikang siya lamang ang tanging nakakaintindi, minsan pa nga tunog German. Kapag naiintindihan naman ay pailit-ulit lang ng sinasabi. Kapag tumatawa siya, sino kaya ang kanyang tinatawanan? Ang sarili ba niya o ang mga taong nakapaligid sa kanya? Kapag umiiyak naman siya marahil ay iniiiyakan niya ang aba niyang kalagayan. Kung iisipin ay siya na ang pinakaawa-awang nilalang sa mundo. Hindi ang mga pulubi na nakikita natin, dahil ang pulubi ay mayroon pang katinuan at may kakayahang kumitat sa pamamagitan nga ng pamamalimos. Eh, siya wala na dahil wala na siyang pakialam sa ating lahat.




Iniisip ko nga, paano pa kaya siya nabubuhay sa ganito nilang kalagayan? Marahil ay instinct na lang ang umiiral kaya patuloy pa rin siyang nabubuhay. Kapag nagutom ay magkakalkal na lang ng pagkain sa basurahan. Masuwerte kapag may mga taong naaawa dahil may libreng pagkain. Ang masaklap nga lang marami sa katulad niya ay bumubulagta na lang. Namatay siguro sa gutom o nanigas na lang sa sobrang lamig ng panahon.Ni wala man lang makikiramay sa kanilang pagpanaw.




Bago kaya siya maging taong grasa ay sino siya? Ano ang mga bagay na nagpatiwalag sa kanya sa realidad? Kung ano mang dahilan ay tiyak na malalim. Iniwan kaya siya ng mga anak at asawa tapos 'di niya nakayanan ang lahat?O siya ay mayroon na talagang diperensya sa pag-iisip? Hindi maipagamot sa mental kaya hinayaan na lang itong magpagala-gala sa kalye. Baka naman dati itong adik at sinira na ng droga ang kanyang utak? Hinahanap pa kaya siya ng kanyang pamilya o sadyang kinalimutan na? Ah, napakahirap ng malaman kung saan talaga siya galing at kung sino siya. Basta ang alam ko ang bawat taong grasa ay may sariling kuwento na 'di lang maisalaysay. Napakahirap sigurong maging taong grasa dahil andyan ka nga nakikita ng iba pero parang wala ka naman. Sana kapag nakakakita tayo ng taong grasa ay may sulyap ng pakikisimpatya na sisilay sa ating mga mata. Dapat nating hilamusan ang nanlilimahid nating pandama para sa kanila. Isa pa ba tayo sa yuyurak sa pagkatao nilang pinabuway na ng pangit na kaganapan?

1 comment:

Sendo said...

o nga noh? ano kaya siya bago siya naging taong grasa? baka rich kid siya!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...