Showing posts with label Literature. Show all posts
Showing posts with label Literature. Show all posts

Monday, November 17, 2014

Nagbabasa ka pa ba ng Librong Pampanitikan?

Sa panahon ngayon na maraming umaagaw ng atensiyon natin gaya ng telebisyon, videoke at kung anu-ano pang mga libangan; nagagawa kaya ng marami sa atin ang magbasa ng mga librong pampanitikan? O baka naman hanggang sa loob na lang ito ng paaralan naisasagawa dahil kasama sa subhetong pinag-aaralan? Paano kung wala na sa paaralan?

Kung ang pag-uusapan ay mismong ang pagbabasa ng libro ay kinatatamaran na ng iba dahil isa raw itong mahabang proseso. 'Di tulad nang kapag nanunuod ka ng pelikula isa hanggang dalawang oras ay tapos na agad. Maaaring tama at akma sa mga taong masyadong mainipin. Ngunit ang pagbabasa ay nagpapalawak ng ating imahinasyon. Maaari ka nitong dalhin sa mga lugar na 'di mo pa nararating at maaari mo ring maranasan ang mga 'di mo pa nararanasan sa pamamagitan lang ng pagbabasa.

Sa lahat ng libro ay ang panitikan na yata ang pinakamagandang basahin dahil bukod sa malilibang ka na ay marami ka ring matutunan. Kapag sinabing panitikan ito ay sadyang malawak, binubuo ito ng nobela, maikling kuwento, tula , dula at kung anu-ano pa. Piksyon man o hindi piksyon ito ay bahagi ng panitikan. Sinasalamin ng panitikan kung ano'ng kultura ang mayroon tayo. Maiuugnay din natin ang ating mga sarili sa ating binabasa dahil kung minsan ay nagkakapareho ang karanasan natin sa awtor. Napapag-isip din tayo kung ano ba ang nais ipahiwatig ng isang akda. Nabibigla tayo sa mga twist ng kuwento sa dulo. Lahat ng ito ay hatid ng panitikan na nag-iiwan ng marka sa ating mga isipan.

Ngunit ang malungkot na katotohanan, sinasabi ng iba na lupaypay na diumano ang sarili nating pantikan. Mismong mga publikasyon ang nagsasabi na kapag panitikan ay mahina ito sa merkado kaya't ingat sila na ito ay kanilang ipablis. Maliban na lang kung ikaw ay Palanca Awardee o nakalikha na ng pangalan sa pagsusulat. Kaya't huwag magtataka kung limitado lang ang bilang ng mga akdang pampanitikan sa bansa natin. karamihan pa rito ay inilimbag ng mga Publishing Houses ng mga sikat na Unibersidad sa bansa. Karamihan pa sa mga ito ay gawa ng mga manunulat noong araw. Wala namang masama rito, dangan nga lang ay pakunti-konti lang ang mga pangalang nagningning dito. Bagama't matagal na ang ating panitkan ay para pa rin itong isang birheng larangan at 'di umuusad. Kumbaga, kakaunti lang talaga ang pagpipilian bagama't nag-uumapaw ang bansa natin sa mga talentadong manunulat na nais ding makapag-lathala ng libro. Ang ganitong senaryo ay maaari nating iugnay sa pagiging Third World Country natin. Imbes na ipambili ng libro ng mga tao, natural lamang na bigas ang kanilang uunahin.

Sa kabilang banda naman, masigla pa rin naman ang panitikan kung ang pag-uusapan ay popular literature. Katunayan, nagkalat pa rin sa mga bangketa ang mga Tagalog romance pocketbooks. ‘Di ba’t nagkaroon pa nga ito ng puwang sa bookstores? Hindi nga lang ito tanggap ng iba na bahagi rin ng panitikan. Isama na rin natin ngayon ang mga librong may nakatutuwang tema na malayo sa mga tradisyonal na paksa. Na kung tutuusin ay karaniwan ng naririnig at napapag-usapan sa atin. Ngunit bibihirang ang mga ito ay maipa-libro. Patunay lamang na ang mga tao ay nagbabasa pa rin kung ang titingnan natin ay ang halina ng tinagurian nilang popular literature. 

'Di kaya't napapanahon na para gawing simple lamang ang paraan ng pagsusulat ng mga akdang pampanitkan para lahat ay magka-interes dito? Hindi naman ito nangangahulugan ng pagpapababa ng antas bagkus ay bubuhay pa nga sa nasabing industriya.


Saturday, November 8, 2014

Ang Paglaho ng Kulturang Komiks

         Matagal ring naging bahagi ng kulturang Pinoy ang pagbabasa ng komiks. Ngunit dahil  sa pagsulpot  ng ibat ibang uri ng makabagong libangan ay napalis din ito. Bagamat ganun ang alaala ng komiks ay nananatiling buhay sa puso at gunita ng mga minsan ay nhilig dito. Katunayan buhay pa rin sa ating alaala sina Darna, Captain Barbell, Valentina at iba pang komiks character.

            Mula nang ako ay matutong magbasa kasabay na rin dito ang pagkahilig ko sa pagbabasa ng komiks tulad ng Funny Komiks at Bata Batuta na tlg nmang nakalilibang bshin dhil mrami kang mtututunan. Hanggnag sa paglaki ko ay dala-dala ko ang hilig na ito. Lahat na yata ng uri ng komiks ay mayroon ako, mayroong komedi, adventure, aksyon. drama at iba pa. Ayos lang sa kin kung wakasan man o tuluyan basta maganda ang istorya. Kahit nga baon ko ay iniipon ko makabili lang ng komiks. Kapag wala namang pambili ay nanghihiram ako sa kapitbahy kayat masasabing isa kong komiks fanatic. Uso pa nga noon ng mga komiks stand. Masarap tumambay doon, piso lang ang arkila. Kung mrami kang barya kahit maghapon kang magbasa ng komiks ay hindi ka maiinip. Dahil hindi mo naman nammalayan ang oras. Pinapalakas pa nito ang iyong imahinasyon, waring inilalakbay ng komiks ang iyong diwa sa kung saan. Para rin bang kasama ka sa istorya, kasi naman ay sinasalamin nito ang karanasan at damdamin ng tao. Halos hindi ko na nga namalayan na unti unting nawala sa mga bangketa ang komiks.

           Sabi nga ni Orly Aquino,taga Antipolo at dating komiks writer na nakapanghihinayang ang pagkawala ng industriya ng komiks sa bansa. Hindi lamang dahil sa nawalan noon ng trabaho ang tulad nilang mga manunulat sa komiks kasama ang mga artist. Kundi dahil sa napakalaki diumano ang naging ambag ng komiks sa paghubog ng isipan ng mamamayan. Kahit sinasabi ng iba na isa lamang itong uri ng libangan na pangmasa. Marahil ay di na nga raw maibabalik ang ginintuang panahon ng komiks. Ngunit di pa rin naman daw ito tuluyang nawawala dahil may komiks pa naman daw sa mga diyaryo. Ang malungkot nga lang daw nananaig ang komiks ng mga dayuhan  hindi gaya sa atin na talagang naghilahod na. Tanging indie comics na lang ang mayroon sa bansa. Hindi na ito katulad ng dati na pang-masa talaga dahil nag-iba na ang porma pati na rin ang presyo. Merong naka-xerox at meron din naman sa anyong libro o magasin. Pero anu’t anuman ang mahalaga ay may nagsisilbing outlet ang mahihilig mag-drowing at gumawa ng kuwentong pa-komiks.

Thursday, November 28, 2013

Pinoy Graphic Novels, Umaariba!

                Sino ang may sabing wala ng komiks sa bansa? Hindi naman ito nawala kundi nag-iba lang ng anyo. Mula sa produkto na nakikita sa bangketa, ngayon ay laganap na ito sa mga bookstore. Kung mapupunta ka nga sa National Bookstore ay makikita mong andaming comics book na gawa ng mga Pinoy artist mula sa Visprint, Precious Pages at iba pa.

                Pagkatapos na mamatay ang industriya ng komiks sa bansa ay sinubukan pa itong ibalik ng batikang manunulat ng komiks na si Carlo J. Caparas katulong ang kumpanyang Sterling. Pero nabigo ang aksyon nilang ito. Sadyang nag-iba na ang panahon at tuluyan nang inagaw ng mga bagong libangan ang komiks na numero unong libangan noon ng masang Pinoy. Naabutan ko pa ang kasikatan ng komiks. Noong bata pa ako ay nahilig din ako sa pagbabasa rito. Lahat na yata ng uri ng komiks ay binabasa ko. Mula action, fantasy, comedy, drama at iba pa ay meron ako. Ibang klase kasi ang katuwaang hatid ng komiks dahil lumalawak ang iyong imahinasyon. Dinadala ka ng komiks kung saan-saan at tulad ng panunuod ng pelikula ay para bang kaharap mo lang din ang mga tauhan. ‘Ika nga ay nararamdaman mo sila.

                Nang mawala ang komiks, siyempre marami ring mga comics creator ang nawalan ng trabaho. Marami ang naghirap sa kanila nang mawala ang kabuhayan nilang ito. Ngunit may mapapalad pa rin naman na nagamit pa rin ang kanilang talento. Ang ibang manunulat ng komiks ay bumaling sa pagsusulat ng pocketbook at diyaryo. Ewan ko lang kung ano na ang nangyari sa mga dibuhista. May debuhistang ‘di pinangalanan akong napanuod sa TV at pinasok niya raw ang pagdu-drowing ng hentai o anime na bold ng mga hapon.

                Dahil na rin sa pagkakaroon ng event para sa mga gumagawa at nagbabasa ng komiks partikular na ang Komikon ay nabuhay ang komiks sa bansa. Pero siyempre, kinabibilangan na ito ng bagong henerasyon. Ipinapa-xerox nila ang kanilang mga gawa at saka ibinibenta sa naturang kumbensyon. Pero ‘yung mga may budget ay naka-imprenta ang kanilang gawa. Tinangkilik naman ito ng mga kabataan. Bukod dito ay may mga Pinoy komiks din na lumabas sa Internet at naging positibo rito ang feedback ng mga tao. Kaya’t  ‘di na rin nakapagtataka na naging visible na ang Pinoy komiks sa mga bookstores. Dati-rati kasi ay puro komiks lang na gawa ng mga dayuhan ang makikita.


                Kung ikukumpara ang komiks noon sa ngayon ay ibang-iba na talaga ito. Hindi na ito pang-masa, ‘ika nga. Mahal na rin kasi ang presyo ngayon ng mga komiks. Pero natural lang ito dahil nasa book form na ito at mahal ang mag-produce ng ganitong uri ng babasahin. Marami rin sa mga ito ay sa Ingles na nakasulat. At kung papansinin, ang ilan ay katulad sa istilo ng mga dayuhan, may ala-manga at meron ding  ala-Marvel. Pero ‘di naman natin ito minamasama, ang importante ay kulturang Pinoy pa rin ang itinatampok sa kanilang mga akda. Pero kung husay ang pag-uusapan, walang duda na magagaling talaga ang mga Pinoy. ‘Di ba’t ang ilan pa nga sa kanila ay bahagi ng paglikha ng mga sikat na karakter, ‘di lang sa komiks kundi pati na rin sa paglikha ng anime na pinasikat ng mga hapon. 

Thursday, November 14, 2013

Pinoy Reads Pinoy Books: Libro para sa mga biktima ni Yolanda

                Nito lang nakaraang gabi ay nakilala ko ang ilang mga taga-Pinoy Read Pinoy Books, ang nag-iisang grupo sa Goodreads.com na sumusuporta sa mga librong gawa ng Pinoy. Merong proyekto ang grupo kung saan ay mangangalap ng libro upang ipagbili online. At ang mapapagbentahan ay idu-donate sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda sa Visayas. Ito ay idadaan sa pamamagitan ng Sagip-Kapamilya ng ABS-CBN. Isang napakagandang ideya ng isang book club kaya’t ang inyong lingkod ay ‘di nagdalawang isip na makiisa. Nangangahulugan lamang na ‘di lang puro basa ang maaaring gawin bagkus ang aklat ay maaari rin maging tulay para makatulong sa kapwa.

                Ayun nga at nakilala ko ang mga moderator ng PRPB na sina K.D. Surely at Biena pati na rin sina Juan, Diane, Chibivy, Glaiza at Anna. Nagkikita-kita kami sa McDo sa may Quezon Ave. Dito kinalap ang unang batch ng mga libro. Unang salang pa lang ay isang bag na ang nakolektang libro. Bukod dito ay marami pang pledges at may mga nagkakaloob pa ng libro. Kaya’t inaasahang uusad ang proyektong ito at nawa’y marami pang magkaloob at bumili ng libro.  

                Pagkatapos naming magkita-kita sa McDo ay tumuloy kami sa isang resto para uminom. Apat na lang kaming magkakasama, sina K.D., Biena at Juan. Nakadalawang bote rin ako ng Red Horse. Salamat sa treat na ito ni K.D. Masaya ako’t nakilala ko sila dahil nakatagpo ako ng mga bagong kaibigan na kapareho ko ng interes. Ano pa nga ba ang pag-uusapan namin kundi ang sarili nating panitikan. Siyempre, naging maganda ang daloy ng usapan. Naudlot nga lang ng may banda nang sumalang sa harapan. Ang gara lang dahil may lalaking nasa kabilang mesa na mukhang nagse-senti habang lumalaklak ng isang pitsel ng ice tea. Pero ‘di ko maintindihan kung nakikinig ba talaga siya dahil may nakapasak na earphone sa tainga. Nasabi ko ito kay Biena, pero una na palang napansin ni K.D. Ibang klase talaga, hehe.  


                Sa mga nais tumulong sa proyekto ng PRPB, maaaring magtungo lang sa aming Facebookfan page at i-like ito at antabayan ang mga ibebentang libro. Maaari ring mag-donate ng libro. Ang proyektong ito ay magtatagal hanggang Disyembre 15. Gawin natin ‘to para sa mga naging biktima ni Yolanda at para na rin sa ngalan ng pagbabasa! 

               

Monday, September 9, 2013

Aklatan: Tagumpay ng Mga Manunulat na Pinoy

            Bago sumapit ang Manila International Bookfair (Sept. 11-15, 2013), noong ika-7 ng Setyembre ay idinaos ang Aklatan: The First All-Filipino Book Festival sa pangunguna ng Visprint Inc.  at National Book Development Board (NDBB). Ito ay ginanap sa may The Tent, Alphaland Southgate Tower, Magallanes, Makati City. Masasabing tagumpay ang nasabing proyekto dahil dinaluhan ito ng maraming mga tao. Bata man at matatanda ay sadyang nakiisa para ipakita ang kanilang suporta sa mga manunulat na Pinoy.

                Gaya nang isinasaad sa titulo ng festival, ito ang kauna-unahang bookfair na ang itinatampok ay mga akda ng Pilipino. Nagsama-sama rito ang ilang mga kilalang palimbagan sa bansa kabilang nga ang Visprint Inc., Summit Media, Anvil, Milflores Publishing, UP Press, UST Publishing at iba pa. Kitang-kita ang saya ng mga dumalo dahil maraming mga manunulat ang pumunta roon. Buong sigla silang nagpapirma ang mga mambabasa ng kanilang mga biniling libro sa paborito nilang mga awtor. Ilan sa mga manunulat na nandoon ay sina Eros Atalia, Lourd de Veyra, Ricky Lee, Bebang Siy, Ferdinand Jarin, Mina Esguerra, Manix Abrera, Carl Joe Javier, Edgar Samar at iba pa. Nandoon din ang pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario o Rio Alma.

                Nagkaroon din ng puwang ang ilang mga indie writers/artist kabilang sina Angelo Suarez, Michael David ng Kuburi Kikiam, grupo ng Sulat-Kamay na naglimbag ng Pektus at iba pa. Lumahok din si Rey Atalia (tatay ni Eros Atalia) na sumulat ng librong Karayom. Nagbigay daan din ang festival sa paglulunsad ng aklat ng grupong The Erotics, kauna-unahang mga kalahok sa palihan ng Eros Atalia Clinic. Ang kanilang antalohiya ay pinamagatang Unang Putok.  

                Hindi lamang bentahan ng libro at book launching ang nangyari kundi nagkaroon din ng talakayan tungkol sa iba’t ibang paksa gaya ng children’s story, contemporary writing, women’s literature at graphic novel. Sinabayan din ito ng writer’s pitch kung saan ay binigyan ang mga ‘di pa nalalathalang manunulat na magpasa ng kanilang proposal sa mga publisher. Ang mga mapipiling pitch ay mabibigyan ng pagkakataon na mailathala ang kanilang akda.

                Nagkaroon din ng talakayan hinggil sa e-book. Nagsilbing host dito si Katz Navarro, Publishing Manager ng Flipside Publishing Services, Inc. Naging panelista sina Anthony De Luna, Presidente ng Flipside, Adam David at A.S. Santos. Ipinaliwanag nila ang proseso kung paano ang paggawa ng e-books at kung paano ito imina-market. Sinabi ni Mr. De Luna na ang merkado talaga ng e-book ay sa ibang bansa at napakalimitado pa ng merkado sa Pilipinas. Kaya’t para magkaroon ng dating sa mga taga-ibang bansa ang likha ng mga Pinoy ay siguraduhing makaka-relate sila sa iyong mga isinusulat. Naniniwala ang Flipside na darating ang panahon na lalaganap din ang pagbabasa ng e-book sa Pilipinas. Bago matapos ang talakayan ay nagbasa ng mga tula na patungkol sa kakabaihan ang ilang-taga Cavite Young Writer’s Association. Ang kanilang grupo ay naglimbag ng e-book sa Flipside. Ito ay pinamagatang Lita na nagsisilbing alay sa namayapang kabiyak ng beteranong manunulat na si Efren Abueg.          

                Ipinapakita lang ng Aklatan na buhay na buhay pa rin ang kultura ng pagbabasa ng libro sa Pilipinas. Kahit sinasabing marami na ang umaagaw ng atensyon ng mga tao sa kasalukuyan. Dahil sa tagumpay ng festival, inaasahan ng mga dumalo na magiging tuluy-tuloy na ang pagsasagawa nito.


 
      Ang inyong lingkod kasama si Ka Rey Atalia
               



Sunday, July 28, 2013

Wattpad: Bagong Daluyan ng Popular na Literatura



              Bago ang Wattpad, nauna nang napansin ang mga blogger na nakapaglathala ng libro o ‘blooks’ na tinatawag. Kabilang na rito sina Nicanor David, Jay Panti, Klitorika at iba pa. Mabanggit na rin si Marcelo Santos III na bago makapaglathala ng libro ay una namang nakilala bilang nagsusulat ng mga maiiksing love story sa You Tube. Hindi na rin naman ito nakapagtataka dahil marami na ang talento na kuminang dahil sa internet. Noong una ay may agam-agam ang iba na ang pagsulpot ng mga e-books ay magsisilbing banta o papatayin nito ang mundo ng palilimbag ng mga libro. Pero hindi ito nangyari, sa halip ay nakatulong pa nga ito sa mga tagapaglimbag at manunulat.

                Dati-rati ay di gaanong napapansin ang Wattpad. Pero dahil sa kakaiba nitong anyo at mga katangian ay bigla itong pumatok. Samu’t sari ang maaaring i-post sa Wattpad mula nobela, maikling kuwento, tula at iba pa. Napakadali lang gamitin kaya’t nakakaengganyong magpaskil. Gaganahan kang magsulat dahil alam mong may mga nagbabasa at sumusubaybay sa iyong akda. May mga kategorya na mapagpipilian, depende sa kung ano’ng klase ang isinulat mo. Gaya ng Romance, Humor, Non Fiction, Adventure at iba pa. Karamihan sa mga mababasa sa wattpad ay tungkol sa romansa o kuwento ng pag-ibig. Natural na lamang ito, dahil mula noon hanggang ngayon ay isa ang ganitong tema sa gustung-gustong basahin ng marami sa atin.  

                Ilan lang sa nag-trending dito sa mga nobela ay tungkol sa gangster, bratanella, amazona, cassanova at marami pang iba. Kung titingnan mo nga ang cover ng ibang user ay parang cover din ng isang tunay na libro. Ang ibang may alam sa graphics ay lumilikha ng sarili nilang konsepto at ang iba ay kinukuha lang din sa internet.

                Kung ikukumpara ang blog sa Wattpad ay hiwa-hiwalay ang mga blog. Ang ginawa ng Wattpad ay pinagsama-sama nito ang lahat ng may hilig sa pagbabasa at pagsusulat. Kaya’t naging isa itong komunidad sa internet. Dahil ito ay isang uri ng social media kaya’t maipa-follow ang ibang user. Kung nagustuhan mo ang kanilang isinulat ay maaring mag-comment at mag-vote. Puwede mo pang i-dedicate ang iyong istorya sa ibang Wattpaders. Kumbaga, interactive talaga ang dating. Puwede mo pa ngang i-share ang iyong akda sa Facebook, Twitter at Pinterest para makakuha ng karagdagang views.  
 

              Unang inilimbag ng Psicom Publishing ang nobelang A Hundred and One Reasons ni Bianca Salindong na galing sa Wattpad at nasundan pa ito ng isang sequel- ang Fourteen Sundays. Ngayong taong 2013 ay sunud-sunod ang paglalabas ng Psicom ng mga akda ng mga manunulat sa Wattpad. Kabilang na rito ang Diary ng Panget na isinulat ni haveyouseenthisgirl, na kalalabas pa lang sa merkado ay nanguna na agad ito sa Top Ten Best Seller ng National Bookstore. Agad ding inilabas ang part 2 ng nasabing nobela at mayroon pang part 3. Inilathala rin ng Psicom ang Sadist Lover ni Aril Daine at Talk Back You’re Dead ni Alesana Marie. Ang mga nasabing nobela ay umani ng mahigit sa isang million views. Asahan na marami pang akda na magkakaroon ng print version na galing sa Wattpad. Marahil ito ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga manunulat sa Wattpad, na sana sila rin ay makapaglathala ng libro.

                Isa itong magandang senyales na sumisigla lalo ang popular na literatura sa bansa. Ang paglalathala ng libro ay hindi na lamang nakalimita sa mga beterano o datihang mga manunulat. Nagbukas ang Wattpad para sa mga bagong sibol na manunulat. Mga mas bata, mas moderno ang paraqan ng pagsulat at kabisado ang panlasa ng kasalukuyang henerasyon. Tama ang sinabi ng publisher ng Psicom na si Arnel Gabriel, “Marami pa ring Pinoy na nagbabasa ng libro, ang kailangan lang ay tamang materyales.” Katunayan, bukas ang isipan ng Psicom sa paglalathala ng mga akdang moderno na magaang basahin at masasakyan ng kahit na sino.







Sunday, December 4, 2011

Mga Kuwentong Dagli sa Nagmamadaling Panahon

Sa panahon ngayon kung saan ay napakaraming pinagkakaabalahan ang mga tao ay napapanahon din ang mga kuwentong dagli o flash fiction. Napakaiksi na kasi ngayon ng attention span ng mga tao at tinatamad nang magbasa ng mahahabang mga salaysayin. Maliban na lang kung talagang malaki ang interes sa paksang inilalako ng isang manunulat.

Mas maiksi pa ang dagli sa maikling kuwento. Sadyang magkaiba ang dalawang ito pagdating sa istraktura. Dahil ang maikling kuwento ay nangangahulugan na buo ang istorya. May introduksiyon, gitna at wakas. Samantalang sa dagli ay pupuwedeng isang situwasyon o pangyayari lang ang iniikutan ng istorya. Madalas ang iba ay gumagamit ng first point o view na waring sarili nilang karanasan ang kanilang ikinukuwento. Ibig sabihin, hindi mo na kinakailangan pang ipaliwanag kung sino ba talaga ang iyong karakter.

Ang dagli ay nasa hanggang isang libong salita pababa. Mayroon pa ngang ibang manunulat na sumusunod sa pagbibilang ng salita sa flash fiction. Katulad na lamang ni Abdon Balde Jr. na may akda ng 100 Kislap. Ang koleksyon ng mga akda niya rito ay binubuo ng hindi aabot ng mahigit isang daan at limanpung mga salita.

Samantala ang maikling kuwento ay nasa isang libo hanggang limang libo salita.

Kung tutuusin ay matagal nang mayroong ganitong uri ng kuwento sa Pilipinas man o sa ibang bansa. Ngunit wala pa itong katawagan noon. Kaya’t maaaring sabihin na bagu-bago pa lang ang ganitong uri ng literatura. Noong taong 2007 ay lumabas ang aklat na “Mga Kuwentong Paspasan,” na inilathala ng Milflores Publishing kung saan ay napabilang ang akda ng dating Pinas editor na si Hilda Nartea at ang namayapa ng si Vincent John Rubio.

At ngayon naman ay lumabas ang libro ni Eros Atalia na inilathala ng Visual Print, ang Wag Lang Di Makaraos (100 Dagli Mga Kuwentong Pasaway, Paaway at Pamatay). Ayon kay Atalia, tatlong taon ang kanyang binuno sa pagsusulat ng aklat na ito. Ang Wag Lang Di Makaraos ay moderno sa paraan ng paglalahad at sinasalamin ang samu’t saring pangyayari sa ating lipunan sa paraang madaling unawain dahil simple lang ang paggamit ng wika.

Bagama’t maiksi lang ang dagli ay nag-iiwan naman ito ng tatak sa isipan ng mambabasa. Sabi pa nga ng ilan ay masyadong bitin. Pero kung minsan kung alin ang bitin ay ‘yun ang kinakailangang namnaming mabuti at pag-isipan nang husto. Maaari kasing ang dagli ay hindi lamang naglalarawan sa iisang bagay o situwasyon lamang. Bagkus sa maikling salita ay mas marami pa pala ang sinasabi. Ang maganda pa, kahit yaong mga walang hilig o tamad magbasa ay maaaring maengganyo dahil sa ito ay maiksi nga lamang. Angkop na angkop sa mabilis na daloy ng panahon kung saan karamihan sa atin ay mahilig sa instant.

     Para sa iba pang babasahin.


Tuesday, April 5, 2011

Ang Misteryosong Manunulat na si Bob Ong


Siya si Klaro, isang kartunista at kaibigan ni Bob Ong. Siya ang isa sa nakaaalam kung sino ba talaga si Bob Ong.


Lipas na ang panahon kung saan palasak ang paggamit ng pen name o alyas sa panulat. Noong araw, ginagamit ito para itago ang tunay na pagkakakilanlan ng isang manunulat. Ang ilan kasi ay mapanuligsa ang mga isinusulat kaya’t para mas malayang makapang-atake ay gumagamit ng pen name. Bahagi na rin ito ng pag-iingat para ‘di agad matunton ng kalaban. Samantalang ang ilang kababaihang manunulat naman noon ay gumagamit ng pen name na pang-lalake. Mas tanggap kasi ng mga mambabasa noon ang mga lalaking manunulat kumpara sa kababaihan.

Ngunit ang sikat na manunulat na si Bob Ong na nakapagsulat na ng walong libro ay bakit mistulang nagtatago pa rin sa likod ng isang alyas? Gayung sa panahong ito ay may mas kalayaang ipahayag ng isang manunulat ang kanyang mga saloobin. Isa lang ang maaaring sagot d’yan, nais niyang manatiling misteryoso. Kung makikita siya ng publiko, malamang ay dinumog na siya. Sa dami ba naman ng kanyang taga-hanga na matagal nang nasasabik na malaman kung sino ba talaga siya.

Madaling tinanggap ng mga mambabasa si Bob Ong dahil sa kapayakan ng kanyang panulat. Madaling maintindihan ng kahit na sino. Parang barkada lang ang kausap mo, ‘ika nga. Nakaugnay agad ang mga mambabasa sa kanyang mga isinusulat dahil totoong nangyayari ang mga ito at naranasan ng bawat isa sa atin. Katulad ng libro niyang ABNKKBSNPLAKO. Sino ba sa atin ang ‘di dumaan sa elementarya?

Nagsimula lang ang lahat sa blog na tinatawag na Bobong Pinoy, kung saan ay pinag-uusapan ng mga bumibisita ang kahinaan nating mga Pinoy. Sa pangalan na rin mismo ng blog nakuha ang alyas na Bob Ong. Base sa pagpapakilala niya sa kanyang sarili sa isa niyang libro, nasubukan na rin niyang maging guro at mamasukan sa opisina bago maging manunulat. Base pa sa kanyang kuwento, siya ay batang 80’s. Makikita ito sa ika-pito niyang libro na Kapitan Sino na ang setting ay noong Dekada 80.

Dahil si Bob Ong ay isang misteryoso ay maraming haka-haka ang nabuo tungkol sa kanya. May nagpapalagay na si Bob Ong ay isang babae. May nagpapalagay din na hindi lamang siya iisang tao dahil sa paiba-iba nitong istilo sa pagsusulat. May mga naniniwala namang hindi basta-basta lamang si Bob Ong dahil sa pagiging henyo nito sa pagsusulat. Sabi nga ng isa sa tagapagtaguyod ng panitikan sa Pilipinas na si Isagani Cruz, sadyang may alam sa literatura si Bob Ong. Dahil dito, may mga nagpapalagay na taga-akademiya rin ito. ‘Di niya maihayag ang kanyang sarili sa loob ng akademya kaya’t lumikha ng mga librong taliwas sa itinuturo sa mga paaralan.

Diyata’t nangungunang tagasaway si Bob Ong ng kumbensiyonal na paraan ng pagkukuwento. Bukod sa nilalaman ng kanyang mga libro, sa itsura pa lang ng cover ay kapansin-pansin na ang pagtaliwas nito sa karaniwang mga libro. Sa librong Bakit Baligtad Magbasa ang Mga Pilipino ay baligtad din ang cover nito. Samantalang sa libro niyang Paboritong Libro ni Hudas, wala sa mismong cover ang titulo ng libro kundi nasa ekstrang papel lang ito na ipinapasok sa libro. Nanggulat din si Bob Ong nang gawin niya ang Alamat ng Gubat na mukhang librong pambata. Pero hindi, dahil may tema itong pulitikal.

Paiba-iba rin ng istilo si Bob Ong mula sa pagsusulat ng non-fiction ay nag-fiction na siya. Ayaw niya kasing patali sa isang genre lamang. Nagtagumpay naman siya rito dahil kahit ano ang sulatin niya ay nagiging best seller sa bookstores. Katunayan, ang pinakabago niyang libro na Mga Kaibigan ni Mama Susan ay tungkol sa horror, na ang pagkakasulat ay gaya ng isang diary.

Hindi lamang sa mga mambabasa nakaapekto o nakaimpluwensiya si Bob Ong kundi pati na rin sa mga manunulat. Paano kasi ang ibang manunulat na nagsusulat ng librong may halong katatawanan ay madalas maiugnay kay Bob Ong. Madali na para sa ibang mambabasa ang magbansag ng gaya-gaya lamang sa kanya. Gayung ang bawat manunulat ay may kanya-kanyang karanasan at mga kaisipang ibig ipahayag. May mga mambabasa rin na walang ibang nakikilalang manunulat na Pinoy kundi si Bob Ong lang. Ngunit ‘di na ito kasalanan ni Bob Ong. Nangangahulugan lamang na ganyan katindi ang kanyang dating. Maituturing na nga siyang isang institusyon sa modernong pantikan sa Pilipinas. Kung kailan niya ipapaalam sa publiko ang tunay niyang katauhan ay siya lamang ang nakaaalam.

Para sa iba pang babasahin.

Sunday, December 12, 2010

Tulaan sa Marikina


Nais ng komedyanteng si Tado Jimenez na panatalihin ang tradisyon ng pagtula sa Pilipinas kung kaya’t nag-organisa siya ng ‘Poetry Reading’ na isinagawa sa may Kapitan Moy, Marikina City. Ito ay nangyari noong Nobyembre 30 ng taong kasaluyan kasabay ng paggunita sa kaarawan ni Andres Bonifacio at natapat din sa Ikalabing-walong Anibersaryo ng mga Marian o Alay kay Maria, mga deboto ng Birheng Maria. Na noong araw din na ‘yun ay nagsagawa ng programa sa harap ng Kapitan Moy.

Ayon kay Tado, “Mas maganda ang tula kung ito ay binibigkas at hindi nananatiling nasa papel lamang. Dahil dito ay mas nararamdaman mo kung ano ang ibig sabihin ng tula.” Makahulugan ang pahayag niyang ito dahil ang tula naman talaga ay hindi sapat na nakasulat lang. Mas nabibigyan ito ng buhay kapag mayroong bumibigkas. Maaari itong ihalintulad sa isang script ng dula na kailangang gampanan upang lumutang ang kasiningan ng akda.

Isa pa, mas mainam din naman na magkatipun-tipon ang mga may hilig sa pagtula. Hindi lamang para magkabigkis-bigkis kundi pati na rin ipabatid sa madla na hindi pa rin kumukupas ang mga makata sa panahong ito. Batid naman natin na tinatabunan na ng labis na komersyalismo ang sining ng pagtula. Subali’t bilang makata man o nagpapahalaga lang sa wika ay responsibilidad ng bawat isa na palaganapin at pasiglahin pa rin ang pagtula. At sa aspetong ‘yan ay maaari ring hangaan si Tado dahil sa kabila ng pagiging abala ay nagagawa pa niyang mag-organisa ng ganitong klaseng pagtitipon.


Isa ang manunulat na ito sa naimbitahan at agad na nagpaunlak yamang ang pagtula ay isa sa aking hilig gawin. Sa totoo lang, matagal na rin akong ‘di nakakapagsulat at bumibigkas ng tula dahil mas nakatuon na ang atensyon ko sa pagsusulat ng mga sanaysay. Dati na rin naman akong nakadadalo sa poetry reading noong ako pa ay aktibong kasapi ng ASFIPO o Association of Filipino Poets na dating nakabase sa may C.O.D., Cubao, Quezon City. Halos lahat ng klase ng tao ay naroon, mapa-estudyante, propesyunal at kahit out-of-school youth ay sama-samang nagbabahagi ng mga akdang tula. Ganito rin naman ang poetry reading ni Tado, binabaklas ang pagitan ng bata at nakatatanda. Ang importante ay ang makapagbahagi ng akda at talento.

Sa poetry reading ay binasa ni Tado ang isa sa mga paboritong akda ng pamosong makata na si Pablo Neruda ang, “Huwag Akong Tanungin.” Sinabi ni Tado na bukod kay Neruda ay paborito rin niya ang mga makatang Pinoy na sina Rio Alma, Lourd De Veyra, Jun Cruz Reyes at iba pa. Samantala, ang kanyang may-bahay naman na si Lei ay tinula ang komposisyon niyang may pamagat na “Kung Bakit.” ‘Di yata’t ang magkabiyak ay parehong may kinalaman sa pagtatanong ang paksa ng kanilang mga tula. Nakatutuwa rin ang mga anak ni Tado na bata pa lang ay iminumulat na nila sa sining. Ang anak nilang sina Diosa at Indi ay nagmonologo at bumigkas ng tulang Ingles. Nagpakitang-gilas din sa pagmomonologo ang batang pamangkin ni Tado na si Iyah Hermosa. Ang pamagat ng kanyang piyesa ay “Ang Dagang Taga-Bukid at Ang Dagang Taga-Siyudad.” Siyempre, ibinahagi ko rin ang isa sa mga tula ko na may pamagat na, “Pagtatalik ng Bolpen at Papel” na matagal na ring hindi ko nabibigkas.

Hindi lamang tula ang nais itampok ni Tado kundi pati na rin ang iba pang klase ng sining. Naniniwala siTado na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng poetry reading ay magkatipun-tipon ang mga may hilig sa sining. Sinimulan muna ito ng pamilyang Jimenez at ng pamilya Hermosa na kanilang kamag-anak. Subali’t umaasa si Tado na magiging regular na ito isang beses isang buwan. Iniimbitahan ang lahat na dumalo sa susunod na poetry reading, taga-Marikina muna o hindi. O, paano ‘yan hanggang sa susunod na pagtula kasama ni Tado!
-William M. Rodriguez II

Monday, August 3, 2009

Isang pagpupugay kay Lazaro Francisco


Kabilang si Lazaro Francisco sa itinanghal ng Malacanang sa pitong bagong Pambansang Alagad ng Sining, sa rekomendasyon na rin ng National Commission on Culture and the Arts at ng Cultural Center of the Phi¬lippines. Si Francisco ay itinanghal na National Artist for Literature. Maihahanay na ngayon kina Bienvinido Lumbera, Virgilio S. Almario at iba pa. Hindi na ito nakapagtataka dahillubhang malaki ang naging ambag ni Francisco sa larangan ng panitikan. Ang pagkakaiba nga lang niya sa dalawang nabanggit na pangalan ay malaon na siyang wala sa mundo. Ngunit ang mahalaga ay makilala siya ng bagong henerasyon ng mga Pinoy lalo na ngayong ang panitikan ay nakasentro lamang sa loob ng akademya.

Ngunit sino ba si Lazaro Francisco? Siya ay isinilang sa Orani, Bataan noong ika-22 ng Pebrero 1898 at yumao noong Hulyo 17, 1980 sa gulang na 82. Nagmula siya sa ordinaryong pamilya. Hindi niya natapos ang kinuha niyang kursong Farm Management sa Central Luzon Agricultural School (ngayon ay Central Luzon State University) dahil na rin sa kahirapan at sinabayan pa ng pagkakaroon niya ng karamdaman. Pero kahit ganun ay naitaguyod pa rin niya ang sarili na makapag-aral ng kursong bookeping sa International Corrsespondence School. Naninilbihan siya bilang kawani ng pamahalaan sa loob ng maraming taon bilang kintador publiko o treasurer. At sa mga panahong yaon ay naging matapat at malinis siya sa kanyang tungkulin. Katunayan ay unti-unting tumaas ang kanyang puwesto hanggang sa maging provincial treasurer ng Nueva Ecija.

Kung parangal naman ang pag-uusapan sa larangan ng panitkan ay marami na ring nakamit si Francisco. Siya ay nakapagsulat ng siyam na nobela, hindi mabilang na mga kuwento at sanaysay, Ang kanyang nobelang Binhi at Bunga ay nanalo sa patimpalak ukol sa panitikan ng magasing Liwayway noong 1925. Sinundan naman ito ng pagkapanalo ng nobela niyang Cesar sa sumunod na taon sa nasabi ring magasin. Itinanghal naman ang kanyang nobelang “Sa Paanan ng Krus” ng Samahang Ilaw at Panitik na Nobelang Ginto noong taong 1934. Samantalang ang nobela niyang, “Singsing na Pangkasal” ay nagkamit ng pinakamataas na gantimpala sa kauna-unahang timpalak panitik ng Pamahalaang Komonwelth noong 1940. Mismong ang pangulong Manuel L. Quezon pa ang nag-abot sa kanya ng parangal. Marami pang mga patimpalak na napanaluan si Francisco na ‘di kailangan pang isa-isahan pa. Patunay lang ang mga ito ang pagiging prolipiko niya sa pagsusulat. Kinilala pa nga ng magasing Free Press na lumabas noong Enero 12, 1963 si Francisco bilang, “A national of the First order. A giant among the ants.”

Kilala si Francisco bilang isang reyalistikong manunulat dahil ang kanyang mga isinusulat ay nakabase sa kung ano ang nakikita niya at obserbasyon sa kanyang paligi. Nag-uumapaw ang kanyang mga akda sa diwang makabayan. Tinalakay niya sa kanyang mga obra ang mga sakit ng ng bayan na namamayani sa kanyang panahon. Ang noble niyang “Daluyong” ay personal na nabasa ng manunulat na ito at masasabi kong makatotohanan nga ang kanyang naging pagtalakay sa kanyang mga isinusulat. At hanggang ngayon ay mailalapat pa rin sa kasalukuyang panahon ang akda niyang ito. Katulad ng kapareho ng kanyang apelyido na si Francisco Baltazar nawa’y tumatak din sa isip ng marami ang kanyang mga kaisipan sa pamamagitan ng kanyang mga akda.

Saturday, March 15, 2008

Virgilio S. Almario: Pambansang Alagad ng Sining


Ang pambansang makata na si Rio Alma
Kuha ni William M. Rodriguez II


Si Rio bilang makataNasa unang baitang pa lang sa elementarya ay marunong ng magsulat ng ttula si Virgilio Almario o Rio Alma, Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura. Madalas daw kasi siyang makapanuod ng dupluhan, balagtasan, huwego de prenda at iba pang pagtatanghalan na may kinalaman sa pagtula. Idagdag pa rito na siya ay tubong San Miguel, Bulacan. Ang Bulacan ay kinikilalang bayan ng mga makata. Hindi na nga mabilang sa dami ang kanyang mga tulang naisulat dahil sa sobrang dami.

Para sa kanya ang pagsusulat ay itinuturing niyang bisyo. Ito ang dahilan kung ba't wala siyang kapaguran sa pagsusulat ng tula sa gulang na 64. Kung bibilangin mahigit limampung taon na siyang tumutula. Tila siya balon na 'di nauubusan ng tubig ang bukal. Kung siya ay balon, siya ay malalim. Subali't hindi siya madamot ipaunawa sa masa ang kanyang mga tula sa masa dahil malapit ang mga ito sa kanyang puso. Malalim kasi siyang managalog pero gumagamit din ng mga simpleng salita para madaling maunawaan.

Kahit beterano na ay wala pa rin siyang tigil sa paghahanap ngg bagong maisusulat. Mas gusto pa nga raw niyang kaussap ang mga kabataan kaysa matatanda. Dahil mas may natutunan daw siya sa mga ito kumpara sa matatanda. Nagpapakita lang ito na hindi mahirap abutin si Rio kahit National Artist pa siya. Ang totoo n'yan ay palabiro rin siya kaya't magaan kausap.

Si Rio Alma ang tipo ng makata na pinaghalo ang modernismo at pagiging tradisyunal sa kanyang mga komposisyon. Modernismo sa kaisipan subali't tradisyunal sa pamamaraan ng pagsusulat dahil mahilig siyang gumamit ng sukat at tugma sa tula. Ang katangian daw ng isang mahusay na makata ay marunong sa lahat ng aspeto sa sining ng pagtula. Marami kasing mga makatang nag-aangking modernista subali't 'di marunong gumawa ngg tulang may sukat at tugma. Dahil mismong si Alejandro G. Abadilla, ama ng malayang taludturan sa Pilipinas ay nagsabing dapat ay mahusay ka ring magsukat at magtugma.. Dahil paano ka maghihimagsik kung 'di mo naman alam ang iyong pinaghihimagsikan ?

Dahil sa pagmamahal sa panulaan ay itinayo ni Rio Alma ang Galian, Arte at Tula (GAT) noong taong 1973 at Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo(LIRA) noong taong 1985 para makatulong sa mga nais matutong magsulat ng tula. Dahil sa dedikasyon sa larangan ng sining ay naging taga-pamuno siya ng National Commision on Culture and Arts (NCCA) mula 1997-2001. At pagsapit ng taong 2003 ay narating niya ang pinakamatas na luklukan para sa mga alagad ng sining anupa't ang pagiging National Artist! Kasalukuyan siyang dekano ng Arte at Literatura sa UP, Diliman.

Kritiko at makabayan
Hindi lang basta makata si Rio kundi isa rin siyang iginagalang na kritiko sa panitikan. Marami na rin siyang librong nailathala hinggil sa pagsusuri sa panulaang Pilipino tulad ng Balgatismo Vs. Modernismo, Taludtod at Talinghaga, Sining ng Pagtula atbp. Gumawa na rin siya ng makapal na diksyunaryong Pilipino-Pilipino para pagyamanin ang sariling wika. Nakakiling ang kanyang pagsusuri sa katutubong pagtula palibhasa ay likas na ang pagiging makabayan at ito ay mababasa sa isinusulat niyang mga tula. Ngunit 'di nangangahulugang limitado lang ang kanyang kaalaman sa literatura. Kanya ring pinag-aaralan ang English Literature. Pinupulot niya ang maaaring pulutin para ilapat sa oryentasyong Pinoy at itakwil ang mga 'di naman uubra sa atin.

Noong nasa haiskul pa lamang daw siya ay nagsusulat din siya sa wikang Ingles subali't naisip niyang mas marami raw sa kanyang magaling kaya't nagpasya siyang Pilipino ang gawing midyum sa pagsusulat. Yamang naniniwala siyang ang wikang Ingles ay hindi akma sa lahat ng Pilipino. Limitado lang ito sa mga nasa loob ng akademya o yaong mga edukado. Pero kung gusto mong maabot ang mga Pilipino ay kailangang gamittin mo ang wikang naiitindihan ng bayan. Hidi ka raw maaaring tawaging kinatawan at manunulat ng Pilipinas kung hindi sariling wika ang iyong gamit. Marami diumanong mga libro na nakasulat sa Ingles na bagama't ang pinapaksa ay kultura nating mga Pilipino ay walang bisa sa kabuuan. Hanggang doon lang ito dahil 'di naman nakakapukaw sa pagiging nasyonalismo natin. Ibinigay pa niyang halimbawa ang manunulat ng drama o dula na si Alberto Florentino na nagsusulat sa wikang Ingles. napansin daw nitong walang gaanong pumapansin sa kanyang dula. Subali't nang isalin ito sa wikang Pilipino ay naintindihan na ito ng mga karaniwang tao na kanya namang ikinatuwa.

Dahil sa paninindigang ito ni Rio Alma ay marami siyang nakabangga na mga proffesor na nagtuturo at nagsusulat sa Ingles. Sa kabilang banda naman ay sinabi niyang kailangan din ang wikang Ingles 'yun ay kung ibig mong abutin ang mga dayuhan. Isa pa, magagamit ito sa pagtratrabaho sa abroad at pagko-call center!

Literaturang Pinoy sa kasalukuyanNang tanungin si Rio kung ano na ang kalagayn ng literaturang Pinoy sa panahong itto ay dagli niyang sinagot na wala na itong sigla. Dahil mismong mga Pilipino ay wala ng pakialam sa literatura. Napansin niya ito nang maglibut-libot siya sa Pilipinas para mangalap ng mga katutubong sining para sa kanyang pananaliksik. Ni wala man lang daw kamulatan ang mga taong kanyang napapagtanungan gayung sa sariling bayan nila ito nagmula. Maging ang mga publikasyon diumano sa atin ay kaunti lang ang mga librong Pinoy na inililimbag. Samantalang kapag may bagong librong galing sa Kanluran ay kontodo sila sa pagpro-promote.

Para raw maibalik ang tangkilik ng mamamayan sa ating literatura ay kailangang baguhin ang sistema ng edukasyon, tumulong ang mga publisher pati ang ibang sektor ng lipunan. Siyempre, kailangan nating pahalagahan ang sariling kultura.

Payo sa mga gustong magsulat
Kinakailang diumanong habang nasa murang edad pa lang ay mag-umpisa ng sumulat. Kailangan din ng malawak na engkuwentro sa panitikan o sa madaling salita ay magbabasa. Subali't hindi ito sapat kailangan diumanong pag-aralan ang buhay dahil dito ka kukuha ng iyong isusulat. Huwag lamang puro pampersonal ang isulat. Mas maganda kong iuugnay mo rin ang mga nasa iyong mga paligid para hindi lang ikaw ang nasisiyahan pati na rin ang iba.

Para sa iba pang babasahin.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...