“Ano ba ‘yan nakasasawa na rito sa bahay, wala man lang ibang magawa,” himutok ni Tikboy sa kanyang sarili. Kaya’t naglalaro sa isip niya na lumayas na lang siya sa kanilang bahay. Tutal sanay naman siyang pumuslit sa bahay nila kapag dis oras ng gabi. Tapos babalik kapag nagsawa na siya sa labas nang walang nakapapansin. Sa bintana siya ng kanyang kuwarto dumadaan. Pero kung tutuusin ay hindi naman niya kailangang gawin ‘yun, kahit magpagabi siya ng uwi ay hindi naman siya nakatitikim ng katakut-takot na sermon sa kanyang mga magulang. Siguro dahil sa lalake siya at wala namang mawawala sa kanya kahit gabihin pa siya ng uwi. Ginagawa niya ‘yun para may thrill, ‘yun bang kagaya sa mga palabas sa telebisyon na sobrang higpit ng magulang kaya kailangang pang gawin ang bagay na ‘yun.
Gusto niyang lumayas ng tuluyan para malaman niya kung ano ang magiging reaksyon ng kanyang mga magulang. Kung matutuwa ba ang mga ito o malulungkot? Pakiramdam niya kasi ay wala naman silang pakialam sa kanya. Abala kasi sa pagtratrabaho ang mga ito. Kaya’t ni hindi man lang nila magawang mag-family bonding gayung nag-iisa na nga lang siyang anak. Hinahanap-hanap niya ‘yun tulad noong maliit pa lang siya. Naaalala niya madalas pa sila noong kumain sa mga fast food kapag day off ng kanyang mga magulang. Nami-miss din niya ang pagpi-picnic nila noon sa park. Feeling niya tuloy ay para siyang bata na nananabik sa presensiya ng magulang.Hay, kay sarap balikan ng mga araw na ‘yun. Porke’t malaki na ba siya ay hindi na niya kailangan pa ng atensyon ng magulang?
Dahil sa halos ‘di na siya pinapansin ng kanyang magulang ay ibinaling na lang niya ang kanyang atensyon sa mga barkada. Naroong matuto siyang manigarilyo at uminom ng alak. Mabuti na lamang at walang nagdrodroga sa mga barkada niya. Dahil kung hindi ay baka naging talamak na rin siya sa droga ngayon. Tulad ng mga kabataang naligaw ng landas dahil kulang diumano sa aruga ng magulang. Pero sa pagkakataong ito, gusto niya ring layuan ang kanyang mga barkada na naging kanlungan niya kapag siya ay nalulungkot. Kasi paulit-ulit lang din ang kanilang mga ginagawa. Kaya’t kung lalayas lang din siya, ang gusto niya ay hindi siya makikitira sa kahit na sino’ng kakilala niya dahil madali lang siyang matutunton ng kanyang mga magulang.
Pero saan naman kayang magandang pumunta? Hindi kaya maging palaboy na lang siya? Nang biglang mag-klik sa kanyang isipan ang Luneta! Tama, doon magandang pumunta tutal kabisado naman niya ito dahil madalas ssilang pumasyal dito noon. Nasa ganuon siyang pagmumuni nang biglang dumating ang kanyang ermat at erpat. Halatang pagod sa buong araw na pagtratrabaho. Binati naman siya ng mga ito sabay tanong kung kumain na ba siya?
“Hindi pa po, hindi naman kasi ako nagugutom, eh.”
“Ganun ba, sige kapag nagutom ka, kumain ka lang ,ha,” sabi ng kanyang ina habang ang kanyang ama ay diretso agad sa kusina para maghanda ng makakain.
Halata ang pagka-asiwa sa reaksyon ni Tikboy. Hindi man lang niya kasi naramdaman ang sinseridad sa kanyang mga magulang. Kung nag-aalala sana ito sa kanya eh ‘di sana ay pinilit siyang kumain ng mga ito. Tulad noon na kapag ayaw niyang kumain ay talagang kinukulit siya ng mga itong kumain.
Buo na ang pasya ni Tikboy, mamaya kapag tulog na ang kanyang mga magulang ay lalayas na siya. Babayu!
Ilang sandali lang ay nagligpit na ng ilang mga damit sa kaniyang kuwarto at isinilid niya ito sa kanyang pack bag. Hindi na siya nag-iwan pa ng note dahil hindi naman siya magsu-suicide kundi lalayas lang. Pakiramdam niya ay kaya na niyang tumayo sa sarili niyang mga paa. Kahit sa totoo lang ay napakabata pa niya. Kinse anyos pa lang siya at ni minsan ay hindi pa niya naranasang magtrabaho kahit ‘yung magagaan lang. Pero hindi niya naiisip ang mga ito. Ang gusto lang niya ay makatakas sa bahay para mawala ang kanyang pagkabagot.
Ni wala man lang siyang pamasahe kaya nag-123 na lang siya. Pero sa kamalasan ay kakaunti lang ang mga pasahero kaya’t halata ang sino mang hindi magbabayad. Nang bababa na siya ay sinigawan siya ng drayber, “Hoy, bayad mo!!” Kunwari ay wala siyang narinig sabay takbo. Mabuti na lang at mabilis siyang tumakbo dahil kung inabutan pa siya ng drayber ay baka madagukan pa siya. Asar na asar kasi ang drayber.
Pagdating niya sa Luneta ay umupo si Tikboy sa isang bench. Kahit gabi na ay masigla pa rin ang paligid dahil hindi nauubusan ng mga taong namamasyal o nagda-date. Inggit na inggit siya sa mga love birds na nakikita niya. Mayroong pang hindi naman mag-syota dahil parang mag-tatay kung titingnan. Mayroon ding mga foreigner na may kasa-kasamang Pinay. Nakatutuwang tingnan dahil hanggang kili-kili lang ng Kano ang Pinay. Natatawa si Tikboy, doon niya napatotohanan na mahihilig talaga ang ibang foreigner sa medyo exotic ba o animalistic na beauty.
Naaaliw siya nang husto sa iba’t ibang tao na kanyang nakikita. Pero naramdaman niyang nag-aalburuto na ang kanyang sikmura. Hindi nga pala siya kumain bago umalis ng bahay. Sana ay nagbaon man lang siya ng kahit na ano’ng nasa loob ng ref nila. Lalo lang nagutom si Tikboy nang makakita siya ng mga dumadaan na may dala-dalang pagkain. Para tuloy gusto niyang manghingi na lang ng pagkain sa mga tao. Pero mayroon pa siyang kahihiyan at sa buong buhay niya ay hindi pa niya nagagawang manlimos ng pagkain. Siya pa nga itong mahilig mamigay ng pagkain sa mga barkada niya.
Mukhang masuwerte si Tikboy dahil may nakita siyang tirang pagkain sa isang upuan na kanyang nadaanan. Nakita niyang kaaalis lang ng may-ari at konti pa lang ang bawas ng kanin at fried chicken at may kasama pang softdrinks. Dahil sa gutom na gutom ay mabilis niya itong nilantakan kahit may nakakakita pa sa kanya. Solb. Kahit papaano ay napawi ang kanyang gutom. Pero paano na kaya sa mga susunod pang mga araw? Samantalang sa kanila kahit ano’ng oras na gusto niyang kumain ay nakakakain siya. Heto siya ngayon, taga-salo na lang ng tira-tira ng iba. Pero walang puwang sa isip ni Tikboy ang pagkahabag sa sarili. Gusto niyang panindigan ang ginawa niyang paglayas sa kanila. Iniisip niya kung alam na kaya ng kanyang mga magulang ang ginawa niya. Siguro hindi pa, dahil sa mga oras na ‘yun ay natutulog na ang mga ito.
Hindi na niya namalayan kung ano’ng oras na dahil wala namang siyang dalang relo. Pero alam niyang malalim na ang gabi dahil nakararamdam na siya ng matinding ginaw ng hangin at mahamog na rin ang paligid. Patuloy pa rin ang kanyang lakad kahit wala naman talagang patutunguhan. Nang mahagip ng kanyang tingin sa ‘di kalayuan ang isang babae na wari niya ay kasing edad lang niya. Nakatayo ito sa isang tabi at waring may hinihintay. Nakamaiksing short ang babae at medyo hapit ang pang-itaas na kasuotan. Nakasigarilyo pa ito na tila cool na cool lang. Ano kaya ang ginagawa ng babaeng ‘yun sad is oras ng gabi, isip-isip ni Tikboy. Maya-maya lang ay nawala ang pagtataka ni Tikboy nang mayroong lumapit ditto na matandang lalake. Sa tingin niya ay singkuwenta anyos na ito o higit pa. May katabaan ang mama at medyo napapanot na. Sandali lang nag-usap ang dalawa at nang umalis ang mga ito ay nakaakbay na ang lalake sa babae. Prosti pala ang babae. Akala niya ay kung ano lang. Nanghihinayang siya sa kalagayan ng babae dahil may hitsura pa naman. Pero ano nga ba ang kanyang magagawa?
Naglalaro tuloy sa isip na Tikboy, ano kaya kong sumadlayn din siya kagaya ng babae na nakita niya. May hitsura naman si Tikboy kaya’t sigurado siyang matatakam sa kanya ang mga bading at maging matrona. Pero agad niyang iwinaksi ang ganung kaisipan dahil hindi niya maatim sa kanyang sarili na ganun ang kanyang gagawin. Pero nauunawaan niya ang mga taong nasa gayung kalagayan. Ayaw niyang manghusga at baka masyado ng gipit ang kanilang kalagayan. May kasabihan nga na “Ang taong gipit sa patalim kumakapit.” Pero siya gipit na ba? Eh, siya lang naman ang naggigipit sa sarili niya.
Maya-maya lang ay nagulat siya dahil may lumapit sa kanya na akala niya ay maton. Paano ay ang laki-laki ng katawan, para ngang goon sa mga pelikula sa paningin niya at may bigote pa! Akala niya ay kung ano ang sasabihin sa kanya nito. Naku baka holdupper ang mama. Eh, ano ba naman ang makukuha sa kanya kung sakaling hoholdapin siya. Bayag? Pero nang magsalita ang lalake ay parang matatawa si Tikboy dahil ang hinhin ng boses nito na animo’y talagang Pilipina. Nagpakilala ito sa pangalang Larry sa araw at Lara naman daw sa gabi. Kanina pa raw niya nakikita si Tikboy na palakad-lakad kaya’t nagpasya na siyang lapitan siya. Habang nagsasalita ito ay panay naman ang haplos sa braso ni Tikboy kaya’t naaasiwa tuloy siya sa mama.
“Boy, puwede ka ba?, tanong ng mamang na may kasama pang kindat.
“Ha, ano’ng puwede?,” kunwari ay ‘di niya nakukuha ang ibig ipahiwatig ng kausap.
“Sus, ikaw naman parang ‘di mo pa alam. Kung puwede ba tayong mag-motel?”
Nakupo, nalintekan na. Sa laki ng katawan ng mama ay baka kung ano pa ang mangyari sa kanya kapag sumama ito sa lalake. Kapag pinag-tripan pa siya nito ay hindi siya makakapalag. Mahirap na. Pero biglang pumihit ang kalokohan sa ulo ni Tikboy kaya’t sinakyan niya ang sinabi ng mama.
“Sa magkanong presyo naman?”
“Ikaw, 500 ok na ba sa iyo?”
“Masyadong payat.,” pang-aalaska ni Tikboy.
“Kung gusto mo ay sa akin ka na lang tumira tapos papag-aralin pa kita,” pangungummbinse ng mama.
Napaisip ng kaunti si Tikboy. Kapag sumama si Tikboy sa lalake ay wala na siyang problema sa tirahan at pagkain. ‘Yun nga lang ay gagamitin lang siya ng gagamitin nito. Hindi puwedeng walang kapalit lalo’t alam naman niyang hindi pilantropo ang kanyang kaharap ng sandaling iyon. Kundi isang may pusong babae na nagnanasa sa kanyang murang katawan. Kaya’t imbes na magpatangay sa tukso ay magalang niyang tinanggihan ang alok ng mama.
“Salamat po ng marami pero ayoko po.”
Ngiti lang ang naging tugon ng kanyang kausap at sabay na tumalikod ito para maghanap na lang ng ibang kabataan na papayag sa kanyang kagustuhan.
Bago umalis ang lalake ay nagbilin pa ito na mag-iingat daw siya dahil baka makatagpo siya ng mga may masasamang loob. Sa palagay ni Tikboy parang alam na alam ng mama kung ano ang meron sa lugar na ‘yun. Baka madalas itong magpunta roon para mag-pick up ng lalake. Kinabahan si Tikboy dahil sa sinabing ‘yun ng mama, pero tiwala pa rin siya na walang mangyayaring masama sa kanya.
Patuloy pa rin sa paglalakad si Tikboy, patuloy na nag-oobserba sa paligid. Nang mapagod ay tumayo siya sa isang tabi. ‘Di pa gaanong natatagalan sa pagkakatayo ay mayroon uli sa kanyang lumapit na lalake. Pero wala sa hitsura o boses nito ang pagiging bading o silahis. Nakipagkuwentuhan lang ng kaunti sa kanya ang lalake at nagpakilala ito sa alyas na Boy Negro. Hindi naman kaitiman ang lalake kaya’t nagtaka tuloy siya kung bakit ganito ang alyas ng kausap niya.
“Oo, alam ko iniisip mo. Kaya Boy Negro ang tawag sa akin dahil maitim ang budhi ko,hehe.”
Hindi alam ni Tikboy kung matatawa ba siya o kakabahan sa sinasabi ng lalake. Bigla tuloy niyang naalala ang habilin ng mamang kausap niya kani-kanina lang na mag-ingat siya.
Tinanong ni Boy Negro kung ano ang ginagawa niya ng dis oras ngt gabi sa Luneta. Inamin ni Tikboy na isa siyang stokwa o naglayas sa kanilang bahay. Pinayuhan pa siya ng kausap na mas makabubuting bumalik na lang siya sa kanilang bahay. Mas mabuti na rind aw sa kanila dahil may kasiguruhan pa ang kanyang buhay. Samantalang sa labas ay hindi niya alam kung ano’ng kapalaran ang naghihintay sa kanya. Ramdam ni Tikboy ang pagmamalasakit sa mga sinabi ni Boy Negro kaya’t parang biglang napalagay ang kanyang loob dito.
Naglalakad-lakad muna ang dalawa. Walang ideya si Tikboy kung ano ang kanilang gagawin ng mga sandaling yaon. Biglang tumnigil si Boy Negro sa paglalakad at sinabi kay Tikboy na panuorin nito ang kanyang gagawin. May nilapitan itong isang lalake na nakatambay malapit lang mula sa kanyang kinatatayuan. Akala nga niya ay kakilala ito ni Boy Negro. Pero laking gulat ni Tikboy nang may hinugot na patalim si Boy Negro mula sa beywang nito sabay tutok sa lalake. Hindi yata’t isa pala itong holdaper!
“Pare, huwag kang papalag, holdap ‘to.”
“Ha, pare naman taga-rito lang ako sa malapit. Wala namang taluhan.”
Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Nagmamatigas ang lalake. Ayaw nitong ibigay ang kanyang wallet at relo. Kaya’t napilitan si Boy Negro na pagsasaksakin ang kanyang biktima. Hindi mabilang kung ilang beses na sinaksak ang lalake basta’t nakita na lang ni Tikboy na humandusay ito. ‘Yun ang kauna-unahang pagkakataon na makakita siya ng patayan.
Pagkatapos ng krimen ay bumaling si Boy Negro kay Tikboy. “Ano bata, ayos ba?”
Bigla na lang nakarinig ng pag-wang-wang ng sasakyan ng pulis ang dalawa.
Kinabahan nang husto si Tikboy at pinagpawisan siya ng malapot. Gustong maniginig ng kanyang mga tuhod. Samantalang si Boy Negro ay parang wala lang mangyari at ngingiti-ngiti pa na parang nasisiraan na ng ulo. Naisip ni Tikboy na hustler na siguro ito sa panghio-hold up. Sinenenyasan na lang siya nito na tumnyaakbo na. Bigla na lang nawala si Boy Negro sa may kawalan at naiwan si Tikboy na nakatanga.
Gumagapang pa rin ang kilabot sa kanyang katawan dahil sa nasaksihan niyang krimen. Pero bago pa man makalapit ang mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ay mabilis din siyang nakatakbo. Mahirap na at baka siya pa ang mapagbintangan na bumatay sa lalake. Habang tumatakbo ay panay ang kanyang lingon dahil baka may humahabol sa kanya. Nakahinga ng maluwag si Tikboy nang mapagtanto niyang walang humahabol sa kanya. Sandali siyang nagtago sa likod ng isang puno habang pinapakiramdaman pa rin ang kanyang paligid. Pakiramdam niya ay para rin siyang kriminal dahil nagtatago siya sa mga alagad ng batas. Binuksan niya ang loob ng kanyang damit at sabay na nagbihis. Basang-basa na kasi ng pawis ang kanyang katawan. Saka kung sakaling may nakakita sa kanya na kasama siya ni Boy Negro ay mahihirapan itong ituro siya dahil iba na ang suot niyang damit.
Maya-maya pa ay naglakad na lang si Tikboy at nakisabay sa ibang naglalakad. Ayaw niyang ipahalata sa mga tao na may kakaibang nangyayari sa kanya. Sa may Quirino Grandstand kung saan ay madalas na pagdausan ng kung anu-ano’ng rally. Malapit lang ito sa Manila Bay na madalas nilang pagpinikan ng kanyang pamilya. Mayroon siyang nakitang sako sa isang isang tabi, kinuha niya ito at saka inilatag sabay higa. Pagod na ang isip at katawan ni Tikboy dahil sa ginawa niyang pagtakbo. Naiisip niya, kung nanatili lang sana siya sa kanilang bahay eh ‘di sana ay hindi siya nakasaksi ng krimen. Mahimbing na rin sana ang tulog niya ngayon habang nakahiga sa malambot niyang kama. Kung bakit kasi nilapitan siyang nang Boy Negro na ‘yun eh gayung pahamak lang pala ito. Buwakang ina niya! Sana mahuli na siya ng mga pulis para hindi na makapambiktima.
Ibang klase rin pala ang fighting spirit ng mga holdupper, wala silang pakialam kahit alam nilang delikado ang ginagawa nila. Baka naman balak sana yang isali sa sindakato. Sa tingin niya kasi ay may iba pa itong ka-grupo. Pero pasalamat na rin siya dahil baka sapilitan siyang i-recruit ni Boy Negro kung hindi lang nagsipagdating ang mga pulis. Nakatulog siya na ganito ang kanyang mga iniisip. Ni hindi pa siya dinadalaw ng panaginip ay biglang may pulis na lumapit sa kanya.
Nang gisingin siya ng pulis ay agad siyang napabalikwas sa pagkakahiga dahil sa gulat niya. Lumakas ang kabog ng kanyang dibdib, inisip niyang mukhang sasabit siya sa krimeng ginawa ni Boy Negro. Nasa harap niya ngayon ang pulis na malaki ang katawan at maaskad ang mukha. Malaki pa ang boses nito kaya lalong natakot si Tikboy. Kung puwede nga lang tumakbo ay tatakbo uli siya.
“Bata, ano’ng ginagawa mo rito, ha?
“Wala po, natutulog lang po,” manginig-nginig na sabi ni Tikboy.
“Bakit mukhang takot na takot ka,? Adik ka, no?”
“Naku, hindi po, estudyante po ako.”
“Patingin nga ng ID mo?”
“Hindi ko po dala, eh.”
“Ganun ba. Bawal ang mga menor de edad na pakalat-kalat dito sa Luneta. Sa presinto ka na lang magpaliwanag.”
Bagama’t nahihintakutan ay nakahinga ng maluwag si Tikboy dahil wala naman palang kinalaman kay Boy Negro kung bakit siya hinuli ng pulis. Sumama na lang siya ng matiwasay. Ayaw niyang magkamali ng kilos at baka samain pa siya. Lalo na’t ang tingin niya sa mga pulis ay kontrabida o isang monster gaya ng mga naririnig niya sa iba at napapanuod niya sa mga pelikula.
Dinala ng pulis si Tikboy sa mobile car at nadatnan niya roon ang isa pang pulis na may edad na at medyo panot na.Nasa likod ng mobile car ang dalawang kabataan na sa palagay niya ay mga rugby boys. Nakatulala ang mga ito at parang wala sa mga sarili. Baka feeling nasa heaven pa.
“Kabo, may bagansya na naman tayo. Sibat na tayo para madala ang mga ito sa presinto.”
Sa may unahan pinpuwesto si Tikboy, katabi ng pulis na humuli sa kanya. Biniro pa siya nito na ipagmaneho niya sila. Walang-hiya may pagka-joker din pala ang pulis na ito, isip-isip ni Tikboy. Pero ni hindi niya magawang mangiti dahil ang pakiramdam niya sa mobile car ay parang kabaong ni Kamatayan.Ihahatid na siya sa kaniyang huling hantungan, kasama ng mga rugby Boys.
Pero ang alam niya sa sina-salvage ay ‘yung mga talamak na kriminal at hindi ang kagaya niya na wala namang ginagawang masama.
Habang umaandar ang sasakyan ay kung anu-ano ang naglalaro sa isipan ni Tikboy. Nagtataka siya kung bakit hindi man lang siya pinosasan ng pulis. Paano kung mang-agaw siya ng baril at itutok niya ito sa pulis. Pero kapag nanutok siya ay tututukan din siya ng pulis na nasa likuran nila. As if naman na maagaw niya ang baril, eh mukhang malakas pa sa kalabaw ang pulis na humuli sa kanya. Eh, kung agawin na lang kaya niya ang manebela para pare-pareho na lang silang bumangga.
Nasa gayung siyang pag-iisip nang magsalita ang pulis na nasa likuran nila. “Ano p’re, idespatsa na natin ang mga mokong na ‘to, he he.”
“Naku, huwag, ang babata pa ng mga ‘to. May kinabukasan pa ‘tong nasa tabi ko. Maliban d’yan sa katabi mo na mga rugby boy.”
Napahagalpak ng tawa ang dalawang pulis gayung wala namang nakatatawa. Nakahinga ng maluwag si Tikboy nang mapagtanto niyang binibiro lamang sila ng mga pulis. Dinala nga sila sa presinto, ine-record lang ang kanilang pangalan sa log sheet sabay dala sa kanila sa isang bakanteng selda. Huwag daw silang mag-alala dahil hindi naman sila magtatagal. Ayaw daw nila ng ganun, may libre silang tulugan. Nabatukan pa ng isang pulis ang isang rugby niyang kasama dahil ngingisi-ngisi pa ito habang ipinapasok sa kulungan.
“Buksan n’yo na lang ‘yang electric fan para hindi kayo lamukin,” ani ng pulis na humuli kay Tikboy. Walandyo, marunong din palang magmalasakit ang mga pulis, isip-isip ni Tikboy. Ayos na sana kaso biglang humirit ang rugby boy na nabatukan ng pulis.
“Kuya, may pagkain ba kayo d’yan? Gutom na kami,eh!”
Narinig ito ng pulis na nambatok sa kanya sabay lapit, “Ano’ng pagkain? Gusto mong pakainin kita ng bala!”
“Si Kuya naman para nagbibiro lang, eh. Masyado kang high blood baka mapaano ka n’yan.
“Aba’t loko-loko talaga ‘to, ah.”
Inawat ng mga kasamahang pulis ang naasar sa rugby boy dahil akmang bubuksan nito ang selda para saktan uli ang rugby boy.
Maya-maya lang ay nahimasmasan na ang dalawang kasama niya. Humupa na ang mga tama nito. Nakakuwentuhan nila si Tikboy. Nagpakilala ang mga ito sa pangalang Bon at Jing kapag pinagsama ay tunog Bondying. Napag-alaman niyang magkapatid sila kahit wala silang pagkakahawig. Magkapareho lang sila ng ina pero magkaiba ng ama. Pangatlong asawa na ang kinakasama ng kanilang ina ngayon. Malupit raw sa kanila ang ama-amahan at lagi silang binubugbog nito. Kaya nagpasya na sila na maging palaboy na lang kaysa naman manatili pa sa kanila. Gusto sana nilang isama ang iba pa nilang kapatid kaso maliliit pa ang mga ito.
Ilang ulit na rin silang na-bagansiya kaya kilalang-kilala na sila ng mga pulis na humuli sa kanila. Dinala na rin sila sa DSWD pero tumakas lang sila dahil mas gusto raw nila na malaya sila. Kaya naman daw sila nagra-rugby ay para ‘di nila maramdaman ang gutom. Nahihirapan daw kasi silang mag-delehinsiya ng pagkain kung minsan. Awang-awa si Tikboy sa kalagayan ng magkapatid. Naisip niya na masuwerte talaga siya kumpara sa magkapatid dahil kahit minsan ay hindi pa siya nasasaktan ng kanyang mga magulang. Dahil nga sa nag-iisang anak ay spoiled ito masyado noong bata pa siya.
Bakit nga ba nagawa pa niyang lumayas sa kanila. Ito tuloy bukod sa nbaakasaksi siya ng krimen ay naranasan pa niyang mapasok sa loob ng bilangguan. Pero sigurado naman siya na pakakawalan din naman sila agad dahil wala naman silang nagawang anumang krimen maliban sa pakalat-kalat sa park sa dis oras ng gabi.
“Mukhang malalim yata ang iniisip mo, ah?,” tanong ni Bon.
“What’s your problem, men?,” ayuda naman ni Jing.
“Wala naman naaalala ko lang ang mga magulang ko. Nagtatampo kasi ako sa kanila kaya ako naglayas. Masyado kasi silang abala sa trabaho kaya wala na silang panahon sa akin.”
“Sus, buti nga sila abala sa trabaho, eh ang tatay-tatayan naming laging walang trabaho. Kaya kami nina ermat ang madalas dumiskarte kapag walang panggastos sa bahay. Hindi ba, Jing?”
“Aba oo medyo may katamaran ang tatay-tatayan naming ‘yun. Nagpapalaki lang yata ng bayag ‘yun, eh.”
Sa narinig ni Tikboy ay lalo siyang nakaramdama ng pagkahabag sa magkapatid. Pakiramdam tuloy niya ay para siyang nahihiya sa dalawa. Dahil ipinamumukha ng mga ito na napakababaw ng kaniyang dahilan para lumayas sa kanila. Nasabi tuloy ng magkapatid na baka abala sa pagtratrabaho ang kanyang mga magulang ay para na rin mabigyan siya ng magandang kinabukasan. Kung sila pa nga raw ang nasa kalagayan ni Tikboy ay matutuwa sila. Hindi raw nila gagawin ang ginawa niya ngayon. Kung nakalilimot man daw ang kanyang mga magulang ay siya na ang gumawa ng paraan para magkasama silang tatlo paminsan-minsan. Siya na ang maglambing sa kanyang mga magulang. Dalaw-dalawin niya ang mga ito sa lugar na kanilang pinagtrtrabahuan at dalhan ng pagkain, suhesyon pa ng magkapatid.
Kung makapagsalita ang magkapatid ay para nilang inuusig si Tikboy. Pero hindi naman niya masisisi ang mga ito dahil na rin sa hindi magandang kundisyon ng kanilang pamilya. Sa kabilang banda ay naisip din naman ni Tikboy na may katuwiran nga naman ang magkapaitid. Hindi kaya masyado lang siyang nagiging makasarili? Ni minsan kasi ay hindi niya naitanong ang kanyang mga magulang kung may kailangan ba ang mga ito sa kanya? Wala rin siyang matandaan na naglambing siya sa mga ito. Para sa kanya ay malaki na siya kaya’t nakokornihan siya kapag maglalambing pa siya sa kanyang mga magulang. Ni kapirasong ngiti nga ay hindi man lang niya maibigay sa mga magulang.
Tinigilan na lang ng magkapatid ang pagsasalita tungkol sa mg magulang ni Tikboy nang mapansin ng mga ito na nangingilid na ang luha sa mga mata ni Tikboy. Dahil pati sila ay parang maiiyak na rin dahil sa sobrang lungkot na kanilang nadarama.
“Siya, siya tama na nga ‘yan. Matuklog na tayo at baka magkaiyakan pa tayo rito,” sisinghot-singhot na sabi ni Jing.
Pagkasabi ni Jing na matulog na lang sila ay ipinikit agad ng magkapatid ang kanilang mga mata. Maya-maya lang ay narinig niya na naghihilik na ang mga ito dala na rin siguro ng sobrang pagod. Natatawa pa si Tikboy sa hitsura ng magkapatid dahil mga nakanganga, si Bon ay tulo laway pa. Kung may dala lang sana siyang mani ay baka i-siniyut na niya ito sa bibig nila. Samantalang si Tikboy ay hindi pa rin makatulog. Kung bakit pa kasi inistorbo ng pulis ang tulog niya noong nasa Luneta niya. Saka malapit na rin naman mag-umaga.
Habang nagpapatay ng oras ay dinadama niya ang kanyang pagkakakulong. Naiisip niya matindi siguro ang ginagawang sakripisyo ng mga nakakulong. ‘Yung bang sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay ‘yun at ‘yun lang ang lalakaran at makikita mo. Para kang baboy na nakakulong sa loob ng kural o ‘di kaya’y parang aso nasa loob ng kulungan niyang bakal. Boring dahil wala man lang chicks. Ayon sa mga naririnig niya ‘yung mga bagong pasok sa kulungan na medyo may hitsura ang ginagawang babae. tinitira raw sa puwet. Pabor ito sa kanya kung bading siya kaso hindi. Pero ayos na rin kaysa magpakalat-kalat pa siya sa kalye dahil baka kung ano pa ang mangyari sa kanya. Hindi naman siya katulad ng magkapatid na mga batang kalye talaga.
Pinapakiramdaman niya rin ang paligid baka may ginagawang milagro ang mga pulis sa loob ng presinto. Pero tahimik lang sila at pakape-kape, para ‘di siguro antukin. Baka mamaya ay may tumawag sa kanila tapos hindi sila makapagresponde dahil mga tulog! Tahimik din sa kabilang selda. Wala siyang ibang marinig kundi ang hilik nga ng magkapatid pati na rin ang pagbulong ng lamok sa kanyang tainga kahit pa mayoong nakabukas na electic fan. Sa gitna ng katahimikan ay bigla siyang humatsing ng malakas. Pero hindi nag-react ang mga pulis na nasa labas. Nasundan pa niya ito ng malakas na ubo animo’y mayrong tb.
“Ano ba ‘yan, ang lakas mong humatsing at umubo. Baka dito ka pa magkalat ng H1N1, ang sabi ng isang pulis.
“Sorry po, tsip nalamigan lang yata ako,” despensa ni Tikboy.
Pero kunwari lang ‘yun, ang totoo ay gusto lang basagin ni Tikboy ang nakabibinging katahimikan. Tahimik nga ang paligid pero hindi ang isip ni Tikboy. Kung puede nga lang ay gusto niyang magsisigaw para mailabas ang kanyang emosyon. Pero mahirap na at baka mayamot sa kanya ang mga pulis at makulong pa iya ng matagal. O ‘di kaya’y maisipan ng mga ito na dalhin siya sa Mental Hospital dahil mapapagkamalan siyang nasisiraan na ng ulo. Ayaw yata niyang magbakasyon sa Mental at magkatoyo nga siya sa ulo.
Kaya’t minabuti na lamang niyang huwag nang ituloy kung anuman ang kabaliwan na kanyang naiisip. Mas mabuting sarilinin na lang niya ito. Kahit pakiramdam niya ay parang gustong-gusto ng sumabog ng kanyang kalooban. Isa pa, baka ang magkapatid pa ang mapagbuntunan niya ng sama ng loob. Ayaw niya itong mangyari dahil itinuturing na rin niyang bagong kaibigan ang magkapatid kahit sila pa ay rugby boys.
Ilang sandali pa ay sumapit na ang umaga. Gising na rin ang magkapatid na sina Bon at Jing at nakikipagkulitan sa kanya. Inabutan sila ng kape at tinapay ng pulis na humuli kay Tikboy. Pagkatapos mag-almusal ay pinalabas na rin sila sa kulungan.
“Sana ay huwag na kayong babalik dito, lalo na kayong dalawang magkapatid,” paalala ng isang pulis.
“Bakit boss ayaw n’yo na ba kaming makita?,” hirit ni Jing.
“Oo, nakakasawa na kasi ang mga pagmumukha n’yong dalawa.”
“Salamat po sa inyo,” ang sabi naman ni Tikboy.
Pagkatapos nilang magpaalam ay lumabas na nga sila ng presinto.
“Paano ‘yan mga ‘tol. Sana makita ko pa kayo.”
“Sus, alam mo naman kung saan kami hahanapin,” sagot ni Bon.
“Saka ‘tol huwag ka nang maglalayas, ha. Tingnan mo ang nangyari sa iyo. Nakasama ka pa naming sa kulungan, hehe., pang-aalaska naman ni Jing.
“Kung hindi ako nahuli ng pulis hindi ko kayo nakilala.”
“Wala ba d’yang kiss,” pagbibiro ni Jing.
Natawa lang si Tikboy. Bigla niya tuloy naalala ang baklang lumapit sa kanya sa Luneta. Pagkatapos ng biruang ‘yun ay umuwi na si Tikboy sa kanila. Tulad ng kanyang inaasahan ay sarado ang kanilang bahay. Pumasok na siguro sa trabaho ang kanyang mga magulang. Hindi man lang nila napansin na naglayas si Tikboy. Minsan kasi ay may mga pagkakataon naman na hindi talaga ito umuuwi sa kanilang bahay. Kung ilang araw siguro siyang hindi umuwi ay saka lang siya pag-aabalahang hanapin ng kanyang mga magulang, isip-isip ni Tikboy.
Dahil sa sarado ang pintuan ng bahay nila ay pumunta ito sa likod at sumampa sa bintana ng kanyang kuwarto. Pakiramdam niya ay pagod na pagod pa rin siya kung kaya’t ipinasya niyang matulog na lang muna. Pero sandali lang siyang natulog. Lumabas siya ng kanyang kuwarto at pumunta sa may kusina. Walang pagkain sa lamesa. Baka hindi nakapagluto ang kanyang ermat. Mabuti na lang pala ay nakapag-almusal siya sa kulungan. Paalis n asana siya ng kusina nang mapansin niya ang kutsilyo na nasa lamesa. Kinuha niya ito at dinala sa kanyang kuwarto.
Pagdating sa kanyang kuwarto ay inilapag niya sa kanyang kama ang kutsilyong kinuha niya sa kusina. Nagsalang siya ng cd sa radyo ng paboritong niyang banda na nalilinya sa musikang EMO, ang My Chemical Romonce. Maingay ang ganitong uri ng musika subali’t ramdam mo ang kalungkutan sa bawat liriko ng pinapakinggan niyang mga awitin. Kaya’t tamang senti si Tikboy.
Dinampot niya uli ang kutsilyo sabay hiwa sa braso niya. Sinusubukan lang niya kung gaano kasakit ang mahiwa ng kutsilyo. Balak niya kasing maglaslas ng pulso. Napasigaw sa sakit si Tikboy. Mabuti na lang at hindi naitodo ang paghiwa niya sa kanyang braso. Bigla siyang napatakbo at sabay kumuha ng bulak para linisin ang kanyang sugat. Kumuha rin siya ng alcohol sabay ipinahid sa kanyang sugat. Napangiwi siya dahil sa matinding sakit. Hindi na niya itinuloy ang balak niyang pagpapatiwakal dahil hindi na niya kinaya pa.
Naiisip tuloy niya ‘yung mga taong tuluyan ng inanod ng problema at nagpasyang tapusin na ang kanilang buhay. Napakasakit siguro ng kanilang kamatayan. ‘Yun nga lang matusok ka ng alambre ay masakit na paaano pa kaya ang paglalaslas ng pulso. Biglang sumagi sa isipp ni Tikboy ang isa niyang kaibigan na dahil sa sobrang depressed sa pag-ibig ay naglaslas ng pulso? Pero masuwerte pa rin ang kaibigan niyang ito dahil naisugod agad sa hospital bago pa man maubusan ng dugo.
Sumagi rin sa kanyang isip na ano kaya kung uminom na lang siya ng muriatic acid. Ayaw niya rin dahil masyado itong mabagsik. Ayaw niyang makitang bumubula ang kanyang bibig. Makakain ka nga lang ng sabon ay masama na ang lasa, muriatic acid pa kaya? Lalong ayaw niyang magbigti dahil ayaw niyang tingalain siya ng kanyang mga magulang na nakasabit sa kung saang parte ng kanilang bahay. Isa pa, hindi niya ma-imagine ang kaniyang sarili na nakalawit ang dila. Baka mapintasan lang siya ng mga makakakita sa kanya. Masabi pa nilang, “Ano ba ‘yan, ang pangit na ni Tikboy.” Kaya’t iwinaksi na lang niya ang ideya ng pagpapatiwakal. Para hindi madagdagan ang kanyang kalungkutan ay pinalitan niya ng masasayang tugtugin ang kanyang pinakaikinggan. Baka sakaling mag-iba ang mood niya. Hindi nga siya nagkamali dahil maya-maya lang ay iba na ang pakiramdam niya.
Lumipas ang maghapon na nagkulong siya sa kanyang kuwarto hanggang sa maggabi ay saka pa lang siya lumabas. Nakaupo siya sa sala ng may nagbukas sa kandado ng kanilang bahay. Dumating na ang kanyang mga magulang.
“O, Tikboy and’yan ka pala,” magkasabay na sabi ng kanyang mga magulang.
“Opo.”
Niyaya agad ng mga ito na kumain si Tikboy at ‘di na niya ito tinanggihan pa dahil gutom na rin si Tikboy.
Habang kumakain ang mag-anak ay napansin ng kanyang erpat ang sugat sa kanyang braso.
“Iho, bakit may sugat ka sa braso mo?”
“Ah, ito wala ‘to, nadulas lang ang kutsilyo paghawak ko kanina.”
“Aba’y mag-iingat ka kapag may hawak kang kutsilyo para ‘di ka masugatan,” pagpapaalala naman ng kanyang ermat.
Hindi na lang siya kumibo, pero dahil sa sinabing ito sa kanya ng kanyang ina ay naramdaman niya na may nag-aalala pa pala sa kanya ang kanyang mga magulang. Hindi nga lang niya magawang ikuwento ang ginawa niyang paglayas. Mas nais niyang solohin na lamang ito at huwag nang ikuwento kahit pa sa iba. Binilisan na lang niya ang pagkain dahil pakiramdam niya ay nagutom talaga siya. Pagkatapos kumain ay dumiretso uli si Tikboy sa kanyang kuwarto at minsan pang pagbulay-bulayan ang mga naganap sa kanya sa Luneta.
Kinabukasan ay naging normal na ang lahat para kay Tikboy. Siya na lamang ang gumawa ng paraan para magkalappit sila ng kanyang mga magulang imbes na maghintay pa siya na maging malambing sila sa kanya. Naisip niyang baka nga masyado lang itong abala sa kanilang mga trabaho. Dahil sa ginawa niyang ito ay naging maganda naman ang relasyon niya sa kanyang mga magulang.
Hindi naman siya umiwas sa kanyang mga barkada. Hindi na nga lang siya sumasama sa mga gimik ng mga ito dahil alam niyang wala itong mabuting idudulot para sa kanya. Kung kaya’t sa inis ng mga barkada sa kanya ay sila na mismo ang umiwas kay Tikboy. Dahil ayaw nila ng may pa-good boy sa kanilang barkada. Wala naman itong epekto kay Tikboy. Ms maganda nga ang ganuon para kahit papaano ay magkaroon ng pagbabago sa kanyang buhay. Goodbye na sa mga bisyo! Dahil sa hindi na nabarkada ay itinuon na lang niya ang kanyang atensyon sa pag-aaral.
May mga pagkakataong naalala pa rin niya ang nangyari sa kanya sa Luneta. Minumura niya sa kanyang isip na si Boy Negro na muntik nang magpahamak sa kanya. “Buwakang ina kang Boy Negro ka! Sana matigok ka nang leche ka!” Naiisip niya rin ang magkapatid na sina Bon at Jing? Kumusta na kaya sila? Ano ba ang inaasahan niya sa mga ito kundi ganun pa rin? Naisip niya tuloy uling bumaklik sa Luneta, hindi na para maging stokwa kundi para mamasyal na lang at balikan ang bago niyang mga kaibigan.
Kaya ganun nga ang kanyang ginawa.Isang umaga ay bumalik siya sa Luneta. Hindi na bilang isang naglayas na anak kundi pumapasyal na lang. Feeling niya nga ay para siyang isang turista. Ayaw na niyang pumunta roon sa gabi, baka kung anu-ano na naman ang kanyang makikita. Hindi niya inaasahan na makikita niya si Boy Negro sa ganuong oras dahil ang pagkakaalam niya sa mga holdupper ay sa gabi aktibo. Takot lang nitong mang-hold up sa araw. Buti kung mandurukot ito na walang pinipiling oras, isip-isip ni Tikboy.
Malawak din ang Luneta kaya saan niya kaya mahahanap ang magkapatid. Habang naglalakad ay palinga-linga siya, baka sakaling makita nga ang dalawa. Marami rin naman mga palaboy na naroon. Basta’t ‘pag may nakita siyang sumisinghot ng rugby ay ang magkapatid na iyon. Mayroon siyang dalawang kabataan na nakatagilid, marusing ang kanilang gamit at parang may kung ano’ng ginagawa. Sa tingin niya ay sumisinghot ang mga ito ng rugby.
“Huli kayo!,” biglang sigaw ni Tikboy sa dalawa. Nang humarap sa kanya ay ibang tao pala ito.
“Punyeta ka! Sino ka bang gago ka, ha? Upakan kita, eh., asar na sabi ng isa.
“Sorry mga tsong. Akala ko kayo sina Bon at Jing.”
“Ah, ‘yung dalawang kumag ba? Hanapin mo sila, andun sila malapit sa Manila Bay. Baka tatalon na sa dagat!,” pang-aalaska naman ng isa pa.
Nakahinga ng maluwag, akala ni Tikboy ay mababanatan na siya ng wala sa oras. Kung nagkataon, umagang-umaga ay makakakita siya ng bituin sa langit. Bago niya iwan ang dalawa ay kinikilan muna si Tikboy ng mga ito, pambili lang daw ng yosi. Dahil sa ayaw masaktan ni Tikboy, wala siyang magawa. Dumukot siya ng bente sa kanyang bulsa at ibinigay sa kanila. Pagkatapos ay dali-daling naglalakad si Tikboy papunta sa sinabi ng dalawa. Umaaasang nanduon nga ang magkapatid.
Pagdating doon ay hindi naman niya nakita ang mga ito. Wala siyang ibang naabutan kundi ang ilang mama at ale na nagpapahinga sa mga upuan na naroon. Kaya’t ang ginawa na lang niya ay napaupo na lang sa may malaking bato na kanyang natapatan. Sayang kung hindi niya makikita ang dalawa, may dala pa naman siyang pagkain para sa kanila. Naisip niya kasing baka hindi pa kumakain ang dalawa. Lalo’t alam niyang padiskarte-diskarte lang sila, naruong kumain at lunurin na lang sa rugby ang mga sarili para hindi maramdaman ang gutom.
Mahigit sang oras na siyang nakaupo at nang mainip siya ay naisipan niyang umuwi na lang. Baka maghintay lang siya sa wala at hindi na niya makita pa ang magkapatid. Habang naglalakad ay biglang may mga kamay na tumakip sa kanyang mga mata. Nagulat pa siya at biglang kinabahan dahil baka si Boy Negro lang ‘yun.
“Bon…Jing kayo ba ‘yan?”
“Kami nga, he he,” sabay alis ng mga kamay ni Bon sa mata ni Tikboy.
“Akala ko ‘di ko na kayo makikita, eh.”
Tuwang-tuwa si Tikboy at nakita niya ang magkapatid. Pagkatapos magkamustahan ay napansin ni Tikboy na may hawak-hawak na plastic ang mga ito.
“Ano ‘yang hawak n’yo?
“Rugby!”, sabay pang sabi ng magkapatid at bigla nila itong sinighot na akala mo ay isang napakabangong bagay dahil bakas ang kasiyahan sa kanilang mga mukha habang ito ay kanilang ginagawa.
Niyaya pa nila si Tikboy na subukan niyang sumignghot ng rugby.
“No, thanks mga bro. Chongke nga ‘di ko tinikman rugby pa kaya. Saka nagbago na ako, iwas bisyo na baga.”
“Ikaw naman masyado kang pa-good boy. Sige na suminghot ka kahit isang beses lang para malaman mo ang pakiramdam namin,” ayuda ni Jing. Isipin na lang daw nito na para lang siyang trabahador sa sapatusan, kung saan ay karaniwan na lang ang pag-amoy ng rugby.
Dahil sa kakukulit ng magkapatid ay napilitang suminghot ng rugby si Tikboy. Dahil first time makasinghot ay tinamaan agad ito ng hilo.
“Putsa, ang tapang naman ‘yan! Ayoko na!”
Pagkatapos malaman ang reaksyon ni Tikboy ay hagalpak sa tawa ang magkapatid at hinikayat pa uli nila si Tikboy na suminghot pa. Pero mariin ang pagtanggi ni Tikboy kaya’t hinayaan na lang nito na panuorin niya sila. Napatunayan nga nitong bihasa na ang magkapatid kung pagsinghot lang din ng rugby ang pag-uusapan. Nakalimutan na tuloy ni Tikboy na may dala siyang pagkain para sa mgkapatid.
Maya-maya lang ay may tama na ang magkapatid. Naiilang tuloy si Tikboy sa mga nakakakita sa kanila dahil baka napapagkamalan na rin siyang rugby boy. Pero hindi niya iniwanan ang magkapatid kahit na may tama na ang mga ito. Naniniwala siyang hindi naman siya tataluhin ng mga ito kahit na may tama pa sila. Mabuti na lang at walang kakaibang trip ang magkapatid, madalas ay napapatulala lang ang mga ito. Minsan ay ganito rin naman ang ilan sa kanyang mga barkada kapag nalalasing kaya’t sanay na siyang makakita ng ganitong eksena.
Mabuti na lamang pala at behave ang magkapatid dahil kung hindi ay baka madamay pa siya sa kung ano mang kalokohan na gagawin nila.
“Tikboy, ayos ka lang ba d’yan?,” manginginig-nginig na boses ni Bon.
“Baka gusto mo uling tumira ng rugby?,” ayuda naman ng isa.
“Ayos lang ako mga ‘tol. Huwag n’yo na akong isipin.”
Nagyaya pa ang magkapatid na maglakad-lakad muna sila pero sinabi ni Tikboy na maupo na lang sila sa may damuhan. Mahirap na raw kasi kapag magpagala-gala pa sila at baka kung ano pa ang mangyari. Sumunod naman sa kanya ang magkapatid. Maya-maya pa ay biglang inantok ang mga ito, sabay higa sa damuhan at nakaidlip. Nang magising ay naalala niya na may pagkain pa siyang dala at saka nila pinagsaluhan.
“Ang sarap naman ng dala mong pagkain. Sarap sigurong tumira sa inyo n’yo. Ano kaya kung ampunin mo na lang kami?,” pagbibiro ni Bon.
“Kumain lang kayo ng kumain mga ‘tol.”
Nang mabusog ay saka sila naglakad-lakad, kung titingnan ay nasa wisyo na uli ang magkapatid. Kahit sa totoo lang ay may konting tama pa ang mga ito.
“Ano ba ‘yan wala man lang ka-chicks-chicks ngayon dito. Pero sa gabi ang dami, mga pakawala nga lang!,” pang-go-gud taym ni Jing. Hagalpak sa tawa ang tatlo, kung titingnan ay parang mga walang problema.
“Eh, kung mambakla na lang kaya tayo?,” suhestiyon naman ni Bon.
“Ginagawa n’yo ba ‘yun mga ‘tol?”
‘Di agad nakaimik ang magkapatid sa tanong ni Tikboy. Imbes na sagutin ang tanong ay ibinalik nila ang tanong sa kanya.
“Hindi, ah., “ sabay ikunuwento niya na may nakilala siyang bakla at humingi ng kanyang serbisyo at tinanggihan niya ito.
“Kung sabagay hindi mo naman kailangan pang gawin ‘yun dahil may kaya nga pala ang pamilya mo,” naglulungkut-lungkutan na boses ni Bon.
Sinabi ng magkapatid na hindi sila nagbebenta ng laman. Kung ginagawa raw nila ito eh ‘di sana ay baka hindi ganito ang kanilang kalagayan. Baka wala na sila sa Luneta dahil nagpa-alaga na lang sa bakla. Naisip tuloy ni Tikboy na may pinanghahawakan pa rin palang prinsipyo ang magkapatid kahit na gaganitu-ganito lang sila. Pero may mga kaibigan daw ang magkapatid na ganito ang gawain.
Nasa ganun silang usapan nang bigla maigbiro si Tikboy na kung mayroon ba raw silang kilalang mga holdupper?
“Holdupper, wala. Kami mga holdupper, hehe,” pagbibiro ni Bon. Pero inamin ng magkapatid na mayroon ngang mga holdupper sa naturang lugar kung kaya’t pinag-iingat siya ng mga ito. Lalo na’t nakaharap na ni Tikboy ang isa sa kanila.
“Sus, ano ba naman ang makukuha nila sa akin, bayag?,” kalmadong sagot ni Tikboy para ‘di siya mahalatang kinakabahan sa sinabi ng dalawa. Sa totoo lang kasi ay parang nakikita pa rin niya sa isip si Boy Negro.
Lumipas ang oras wala silang ginawa kundi maglalakad-lakad at maghuntahan. Malapit na ang maggabi kaya’t nagpaalam na si Tikboy, pero inawat muna siya ng magkapatid at sinabing maya-maya na lang siya umuwi tutal ay maaga pa naman. Huwag daw siyang matakot dahil may kasama naman siya. Kunsabagay ay minsan lang naman ang gagawin niyang pagpasyal sa Luneta, hindi nya nga alam kung kalian uli siya mkakabalik. Kaya’t sinusulit niya ang bawat sandali habang kasama pa sin Bon at Jing. Malay din ba niya na baka ‘yun na lang din ang huling punta niya. Nakakaramdam pa rin siya kasi ng nginig kapag naaalala niya si Boy Negro. Nagmistula tuloy itong multo sa kanyang isipan na labis niyang kinatatakutan.
Biglang nakaramdam na naiihi na si Tikboy kaya’t nagpasama ito sa magkapatid para mag-CR. Tamang-tama at naiihi na rin ang kasama niya. Pagdating sa loob ng CR ay pasipul-sipol pa si Tikboy habang dyumidyingel. Nahuling umihi si Tikboy sa dalawa dahil naipon ang ihi sa kanyang pantog dahil medyo nagpigil siya ng ihi. Nagsusuklay na siya habang nasa harapan ng salamin nang biglang makita niya sa salamin ang mukhang pamilyar na pamilyar sa kanya. Hindi yata’t si Boy Negro ang nasa likuran niya!
“Musta, Tikboy? Mabuti naman at napunta ka uli rito.”
Hindi makaimik si Tikboy at medyo nanginginig na ang kanyang katawan. Nang makita niya kasi ito ay biglang bumalik sa kanyang alaala ang krimeng kanyang nasasaksihan. Malinaw na malinaw ang kanyang nakikita. Pinagsasasak ni Boy Negro ang kanyang biktima nang hindi ibinigay ang kanyang hinihingi. Nakailang saksak si Boy Negro at tuluyan nang natumba ang lalake.
“Hoy! Hindi ka na nakaimik d’yan ang sabi ko, kumusta?, sabay pukol nito ng makahulugang ngiti sa kanya. Pakiramdam tuloy ni Tikboy ay parang demonyong makangisi ang nasa lkuran niya. Hahawak pa sana si Boy Negro sa balikat ni Tikboy pero mabilis niya itong hinawi.
“Aba’t suplado na ka na ngayon, ah.”
“Pare, please lang huwag mo na akong guluhin. Nananahimik lang ako.”
“Kung nananahimik ka ay bakit ka pa bumalik dito? Baka gusto mong ikaw ang patahimikin ko?”
Aalis na sana si Tikboy kaso ay pinigilan siya ni Boy Negro at bigla siyang inakbayan nito. Hindi makapalag si Tikboy dahil sa higpit ng akbay nito sa kanya. Pakiramdamdam niya ay para siyang nililingkis ng sawa. Gusto sana niyang humingi ng tulong kina Bon at Jing, kaso ay nasa labas na ang dalawa at naghihintay sa kanya.
“Hoy! Ano’ng kaguluhan ‘yan!, usisa ng mama na nakaamoy na mayroong hindi magandang mangyayari.
“Ah, ito ba. Kapatid ko ito. Lumayas siya sa amin. Hinahanap na ng magulang namin. Kaso, matigas ang ulo ayaw pang umuwi, eh.”
“Katarantaduhan! Mukhang may masama kang binabalak sa bata, eh!”
“Huwag kang makialam, problema naming magkapatid ‘to.”
Nasa ganung pagtatalo si Boy Negro at ang mama nang makakuha ng tiyempo si Tikboy. Lumuwag nang kaunti ang pagkakahawak sa kanya. Sinamantala niya ito, mabilis siyang kumilos. Kinagat niya sa braso si Boy Negro. Inapakan pa ang paa sabay tinuhod ang betlog nito. Napahiyaw ito sa sakit.
“Aaahhh! Putang ina mo, Tikboy! Gago ka talaga!”
Mabilis na tumakbo si Tikboy habang namimilipit sa sakit si Boy Negro. Ni hindi na niya nilingon pa ito. Ni hindi man lang niya naisip na may kasama siya kaya’t nilagpasan niya ang magkapatid na naghihintay sa kanya sa labas. Dala na rin ng kanyang matinding takot.
“’Tikboy, saan ka pupunta?!,” sigaw ni Bon.
“Mukhang masama ‘to. May trobol yata. Habulin mo na si Tikboy, ako na ang bahala rito,” ang sabi naman ni Jing.
“Sige ‘tol. Ikaw, na tumingin kung sino ang kalaban ni Tikboy d’yan.”
Papasok pa sana si Bon sa loob ng CR nang makita niyang papalabas si Boy Negro na nakahawak pa rin sa kanyang betlog na sinipa ni Tikboy. Naisip niya agad na ito ang kalaban ni Tikboy.
Pinagtawanan pa ito ni Bon, “Hoy, betlog! Ayos ka ba d’yan? Hahaha!”
“Pamilyar ka sa akin, ah. ‘Di ba rugby boy ka? May nakita ka bang tumakbo?”
“Ba’t ko naman sasabihin sa ‘yo, Eh, kaibigan namin ‘yung sinasabi mong tumakbo?”
Biglang nagpantig ang tainga ni Boy Negro sa narinig niyang ito. Naasar pa siya lalo nang harangan siya ni Bon.
“Padaanin mo ako, boy. Kung ayaw mong samain ka!”
Imbes na makinig ay bigla pang dumamba si Bon sa kanya. Pero dahil sa malakas ang huli ay madali niya itong naipagpag. Bagsak si Bon sa semento, sabay tumakbo nang mabilis si Boy Negro. Palibhasa ay hindi na masakit ang betlog niya.
Samantala, hingal na hingal na sa kakahabol si Jing kay Tikboy.
“Hoy, Tikboy, hintayin mo naman ako! Ang bilis mong tumakbo!”
“Hindi, ayokong huminto baka maabutan ako ng humahabol sa akin! Uuwi na ako!”
“Huwag kang mag-alala si Bon na ang bahala sa kanya!,” pero ‘di pa rin nakalma si Tikboy at dire-diretso pa rin ang takbo.
Ilang sandali nlang paglingon niya ay nasa likuran na niya si Boy Negro. Sayang at hindi ito napigilan ng kanyang kapatid kung kaya’t nasa likuran na niya. Mabilis na kumilos si Jing at pinatid niya ito dahil alam niyang posibleng maabutan nito si Tikboy. Bagsak si Boy Negro at tumama pa ang mukha sa semento.
“Bull eyes!,” tuwang-tuwa si Jing. Tatayo sana agad si Boy Negro pero mabilis na nakakita ng bato si Jing sabay ipinukpok sa ulo nito. Napahiyaw ito sa sakit, pakiramdam niya ay para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa. Dahil sa ginawang ito ni Jing ay nawalan ito ng malay. Hindi niya inaksaya ang oras, patuloy pa rin niyang hinabol si Tikboy na sa tingin niya ay parang nawawala na sa sarili. Isip-isip niya, grabe talaga ng naging epekto ni Boy Negro sa kanya, para bang na-trauma na ang kanilang kaibigan.
Maya-maya lang ay nakita ni Jing na may sasakyang paparating. Dapat ay maiwasan ito ni Tikboy, kailangan niyang magbigay ng babala para hindi ito mabangga. Sumigaw siya ng ubod lakas, “Tikboy, may sasakyan papalapit na sa ‘yo!!!”
Kaso, hindi ito narinig ni Tikboy dahil nagmistulang bingi sa sigaw ni Jing. Kung kaya’t nabangga si Tikboy. Imbes na tumigil ang sasakyan ay dumiretso lang ito, sa takot na rin ng drayber dahil mayroon siyang nasagasaan.
Nanlumo nang husto si Jing sa sinapit ng kanilang kaibigan. Siya namang dating ni Bon at nakita niyang nakahandusay na lang sa daan si Tikboy. Hindi magkamayaw ang mga taong naroroon sa pag-usisa sa nangyaring aksidente. Sabay na lumapit ang magkapatid kay Tikboy. Nagmakaawa sila sa mga tao na tulungan silang madala sa ospital si Tikboy. May malay pa si Tikboy, pero tumanggi siyang dalhin pa siya sa hospital dahil alam rin naman niyang hindi na siya magtatagal.
Bago malagutan ng hininga nasabi pa niya sa magkapatid, “Uwi na ako mga ‘tol, maraming salamat sa inyo.” Walang magawa ang magkapatid kundi ang mapiyak na lamang. Ramdam nila sa kanilang mga puso na hindi nila mallilimutan si Tikboy. Na minsan sa kanilang buhay ay nagkaroon sila ng isang kaibigan na nagpahalaga sa kanila kahit pa sila ay mga rugby boy.
Friday, November 20, 2009
Sunday, November 15, 2009
Freely Abrigo: Astig na kartunista!

Hawak-hawak ni Freely ang karakter niyang si Kulas.
Kung pahusayan lang din sa pagguhit ang pag-uusapan ay ‘di pahuhuli si Freely Abrigo, isang freelance cartoonist na maipagmamalaki ng ating bansa. Masasabing kahanay siya ng iba pang magagaling na kartunista sa atin gaya nina William Conteras, Bladimir Usi at iba pa.
Taong 1994 pa nang unang mailathala ang kanyang comics strip sa isang national tabloid at kinalaunanan ay ginawa na niya itong karera. Buhat noon ay kung saan-saang tabloid at magazine na siya nakapag-drawing. Bukod kasi sa napagbibigyan ang hilig ay nakapagbibigay pa siya ng kasiyahan sa mga tao. Kung kaya’t ‘di na niya kaya pang bitawan ang pagdra-drawing dahil ito talaga ang kanyang linya.
Ang pagkahilig sa sining ay waring namana niya sa kanyang ama na dating manunulat. Ang sa kanya nga lang ay sa pagguhit, pero ang maganda kay Freely ay sanay na siyang magbitaw ng mga comics dialogue. Patok ang kanyang mga jokes, nakatutuwa rin ang hitsura ng kanyang mga comics character. Ayon sa mga kapwa niya kartunista, ang hitsura ng kanyang mga character ay parang gawa ng foreigner. Pero Pinoy na Pinoy naman ang oryentasyon. Si Freely ang may likha ng pamosong comics character na si Kulas, ito ay regular na lumalabas sa Manila Bulletin. Nailathala pa nga ito bilang isang aklat noong taong 2007, sa ilalim ng Visual Print Enterprises.
Pagdating naman sa pagguhit ng editorial cartoons, nakukuha agad niya ang gustong palabasin ng nagpapaguhit sa kanya. Pero kahit ‘di pa utusan ay kayang-kaya niyang bigyan ng interpretasyon ang mga mensahe na ipinapabasa sa kanya. Mahusay din siya sa paglikha ng caricature ng mga sikat na personalidad man o hindi at ang kakayahan niyang ito ay nagagamit niya sa kanyang propesyon. Bukod sa pagdra-drawing sa iba’t ibang uri ng babasahin ay naranasan na rin niyang mag-drawing para sa t-shirt na idinidisenyo ng Spoof Unlimited.
Ngunit kung titingnan ay malayo sa personalidad ni Freely ang kanyang mga iginuguhit dahil kadalasan ay tahimik ito at seryoso. Kumbaga, hindi pa-kengkoy kung kumilos. Ang katangian niyang ito ay maaaring iugnay sa kanyang pagiging seryoso sa trabaho.
Sa puntong ito ay sadyang nakadadaya ang panlabas na kaanyuan. Dahil sa kanyang kalooban ay isang masiyahing Freely ang naghahari, na kapag humirit ay siguradong kuwela!
Sa kasalukuyan ay abala si Freely ‘di lamang sa pagguhit ng kanyang Kulas komiks, marami pa siyang ginagawa. Kabilang na rito ang pagguhit sa Filipino Magazine na ang distribusyon ay nakabase sa Guam. Gumuguhit din siya sa lokal magasin na Pambata Magazine. Pinagtutuunan din niya ng pansin ang paggawa ng indie komiks, ang sinasabing bagong mukha ng industriya ng komiks. Ito na rin ay para maitaguyod pa niyang lalo ang pagmamahal sa sining. Isa rin siya sa mga aktibong kasapi ng Samahan ng mga Kartunista sa Pilipinas(SKP).
‘Yan si Freely Abrigo, panalo!
Tuesday, September 29, 2009
Sa pag-ugoy ni bagyong Ondoy!
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
Kamakailan lamang ay rumagasa ang bagyong si Ondoy. Maraming lugar sa Metro Manila ang nalubog sa baha. Ganun din naman sa bayan ng Rizal kabilang na ang Cainta, San Mateo at Rodriguez at iba pa na binaha rin nang husto. Wala ritong kawala mapahirap man o mayaman. Katunayan ay maraming mga subdibisyon ang lumubog sa baha. Nag-iwan si Ondoy nang mahigit sa isang daang patay at pagkasira ng milyun-milyong halaga ng ari-arian.
Kahit pa ang mga lugar na dating hindi naman binabaha kapag mayroong bagyo ay binaha rin. Ang isa sa matinding dahilan, bukod sa malakas ang bagyo ay ang mga baradong kanal na dulot ng mga basura!
Iba’t ibang kuwento o eksena rin ang nalikha ni Ondoy. Nariyan ang ipinamalas na kabayanihan ng mga rescuer, na hindi nagdalawang-isip na tumulong sa mga na-trap sa kani-kanilang ikalawang palapag ng bahay o ‘di kaya’y sa bubungan. Kahit ang simpleng pag-alalay lang sa mga tumatawid sa baha at pagtutulak ng mga sasakyang lumubog sa baha ay maituturing na ring isang kabayanihan.
Marami ring na-stranded na mga pasahero kung saan-saang lugar. Kabilang na ang mga galing Cubao na pauwi sa Cogeo, Antipolo at iba pa. Nagmistula tuloy alay-lakad ang eksena, ‘yun nga lang ay sa baha! Marami namang truck ang nagpasakay kaso sa dami ng mga tao ay ‘di nila kayang isakay ang lahat. Isa pa, usad pagong din ang andar ng sasakyan kaya’t mas pinili talaga ng iba na maglakad para lang makauwi sa kani-kanilang bahay.
Ang kahabaan ng Marcos Hi-way papuntang Masinag ay nagmistulang ilog. May mga kababayan pa tayo na ginawang raket ang pagpapasakay sa kanilang balsa-balsahan. Habang ang ilan naman sa mga bata ay nagsipaglaro at lumangoy pa sa gitna ng baha. ‘Di alintana na maaari silang magkaroon ng sakit sa balat dulot ng maruming tubig.
Siyempre, bumaha rin ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kaliwa’t kanan din ang mga isinagawang medical mission. Masarap isipin na kapag ganitong may sakuna ay nabubuhay ang diwa ng bayanihan sa ating mga Pinoy. Maging si Apple Deapp, isang Pinoy na mieyembro ng international group na Black Eye Peas ay nanawagan pa sa buong mundo na tulungan ang mga biktima ng bagyo sa atin.
Ang maganda sa atin, kapag may dumarating na sakuna ay nagagawa pa nating ngumiti at tumawa. Ang iba nga ay idinadaan sa biro ang mga pangyayari. Kahit mayroong nang nakikitang lumulutang na ahas ay idinadaan sa biro. May ilan nga lang na nakagat ng ahas. Marahil ay alam nating huhupa rin ang malakas na ulan at muling sisikat ang araw.
Isang taos-pusong pakikiramay sa lahat ng mga namatayan ng kaanak dahil sa pananalasa ni bagyong Ondoy.
Friday, September 18, 2009
Kuwentong Lasing: Ang librong malakas ang tama!
.jpg)
Mga kaibigan, narito na ang launaha-unahang libro tungkol sa alak sa 'Pinas! Siguradong lahat ng umiinom ng alak ay makaka-relate. Puwede rin itong basahin ng kahit hindi pa umiinom ng alak. Hanapin n'yo na lang sa mga bookstore. Sana ay inyong suportahan. Basahin ang introduksiyon na nakasulat sa libro bilang free taste...
Panimula
Sa wakas ay narito na ang libro tungkol sa alak. Tatagayan kita ng mga kuwentong nagbuhat kung saan-saan. Hindi sa pinapangunahan ko ang magiging reaksyon mo. Pero alam kong sa paksang aking napili ay tatamaan ka na ng hilo . Relaks lang, umayos ng upo. Kaunting warm up muna, inhale, exhale.
Exhale, inhale.
Tapos na, hindi ka na makahinga? Sige, ituloy lang ang pagbabasa. Kunwari ay seryoso ka sa ginagawa mo para umelibs sa iyo ang mga kasama mo. Wow, genius nagbabasa ng libro! Huwag lang pahalatang tungkol lang pala sa alak ang binabasa mo. Baka sabihin pa nilang bad influence ang author kahit hindi.
Hindi ka tuturuan ng librong ito kung paano ang uminom ng alak dahil baka nga marunong ka na at mapahiya pa ako. Malay ko kung malakas ka ring uminom gaya ng iba. Tamang kuwentuhan lang tayo rito at walang personal. Hindi man tayo close, puwede mo akong ituring na ka-beermate. Pag-uusapan natin ang ilang bagay-bagay na naglalaro sa isipan ng mga taong nasa impluwensiya ng alak. Makikita ito natin sa kanilang ikinikilos at pagsasalita. Ang ilan dito ay tungkol sa kabuwisitan at siyempre mawawala ba naman ang katuwaan? Kung mayroon mang mga tao na interesanteng pag-usapan aba’y ang mga manginginom na ‘yun. Para maging patas isinama ko na rin ang mga karanasan ko na tiyak na kapupulutan ninyo ng aral.
Bago ko pa ikuwento nang ikuwento ang kabuan ng libro ay ititigil ko na ang pasakalye. Huwag kang bibitaw sa pagbabasa. Tapos kung ano man ang nabasa mo puwedeng sa atin-atin na lang. Huwag mong ikukuwento sa iba. Mas mabuting pabilhin mo rin sila ng kopya para ayos ang buto-buto.
Cheers!
William M. Rodriguez II
Tuesday, September 1, 2009
De kuryenteng biyahe

Sa modernong panahon, hindi na kataka-taka ang pagpapatakbo ng sasakyan na ang ginagamit ay kuryente imbes na gaas. Siyempre, nangunguna na rito ang mga tren ng LRT at MRT na kayang maglulan ng kung ilang libong katao sa loob ng isang araw.
Hindi pa nga lang gaanong kalat ang mga sasakyang de kuryente dahil ang sektor ng transportasyon ay nakadepende pa rin sa paggamit ng gaas. Kaya’t kapag nagkakaroon ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamihilan ay apektado ang lahat. Nagiging sanhi pa nga ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilijin. Ang iba ngang mga drayber para makatipid ay LPG ang inilalagay sa kanilang mga asakyan para umandar. Kahit alam nilang may kaakibat itong panganib kapag hindi naging maaayos ang pagkakakabit.
Mayroon na rin namang mga electric motor bike na mabibili sa ilang tindahan ng motorsiklo sa bansa. Kahit nga kotse ay mayroon na rin. Ngunit lubhang kakaunti pa lang ang mga kumpanyang gumagawa nito dahil sa ‘di pa naman malakas ang demand. Pero posibleng darating din ang araw magiging karaniwan na lang na makikita ang mga ito sa kalye. Katulad sa cellphone, kailangan din nito ng charger para magkaroon ng power. Kung bilis lang ang pag-uusapan ay hindi rin pahuhuli ang mga ito sa de gaas na sasakyan. Ang maganda sa ganitong uri ng sasakyan, dahil walang ibinubugang usok ay environmental friendly ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay mayroon electronic jeep na bumibiyahe sa lungsod ng Makati na nagsimula pa noong Hulyo 2007 pa unang bumiyahe. Ito ay proyekto ng GRIPP(Green Renewable Independent Power Producer) at sinasabing kauna-unanhang pang-public transport na electric vehicle sa Southeast Asia.
Bukod sa Makati ay mayroon namang electric van na bumibiyahe sa lungsod ng Quezon. Pero hindi ito pampasada kundi naghahatid at nagsusundo ng mga tao na papunta sa Ali Mall hanggang Gate Way o ‘di kaya’y vice versa mula Gate Way hanggang Ali Mall. Para makasakay ay kinakailangan mo lang pumila at maghintay. Hindi ito pang-karaniwang van na alam natin na may pintuan. Ito ay walang harang kaya’t madaling makasasakay ang mga pasahero. Malaking ginhawa ito para sa mga namamasyal sa Cubao dahl ‘di na nila kailangan pang maglakad ng malayo para lang magpalipat-lipat sa iba’t ibang establisiyemento sa naturang lugar.
O, ano pang hinihintay n’yo? Tara, sakay tayo sa de kuryenteng biyahe!
Monday, August 24, 2009
Relihiyon at pulitika


Dalawang lider-relihiyon na ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na tumakbo bilang pagka-presidente sa halalan sa taong 2010. Sila ay sina Bro. Mike Velarde ng El Shaddai Movement at Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord Movement, kapwa mayroong ilang milyong miembro. Matatandaang noong taong 2004 ay tumakbo na rin si Bro. Eddie sa panguluhan. Samantalang si Bro. Mike ay kilalang taga-suporta lamang ni dating Pangulong Joseph Estrada. Bukod sa kanila ay nariyan din si Among Ed Panlilio, na isang pari na naging gobernador ng Pampanga.
Nagsawa na kaya ang mga taga-Simbahan sa sistema ng pulitika sa bansa kung kaya’t maging sila ay nakikisawsaw na rin sa pulitika? Magagawa kaya nilang alisin ang korapsiyon sa gobyerno kung sakaling isa man sa kanila ang maging pangulo ng Pilipinas? Tutal sila ay hindi mga trapo bagkus ang taglay nilang prinsipyo ay nakasalig sa kanilang pagiging alagad ng Diyos. Hindi matatawaran ang kanilang integridad dahil sa kanilang pagiging pagiging lider ng Simbahan. Kumbaga, hindi sila magiging korap dahil naruon na ang pagkatakot sa Diyos sa kanilang mga isipan. Ang problema nga lang, sa dami ng dominasyon sa Pilipinas ay tiyak na hati-hati ang mga ito. Maging ang ilang kapwa pari nga ni Among Ed ay tutol sa balak niyang pagtakbo sa pagka-presidente. Kaya’t paano nila kukunin ang kanilang mga suporta? Isama pa natin dito ang ilang mga pulitiko na nagpahiwatig na ng kanilang pagnanais tumakbo sa pagka-pangulo. Tiyak na magiging labu-labo ang eleksyon sa pagka-pangulo sa 2010 dahil sa dami ng inaasahan ng mga kandidato.
Sinasabi pa ng iba na sadyang magkaiba ang relihiyon sa pulitika. Pero karapatan din naman nilang tumakbo lalo’t hinahangad lang nila ay pagbabago katulad ng pinapangalandakan ng mga kandidato kapag papalapit ang halalan. Kung tutuusin ay hindi na bago ang pagtakbo ng isang taga-Simbahan sa pulitika. Minsan ay tumakbo na rin sa pagka-pangulo ang tagapagtatag ng Philippine Independent Church o Aglipayan Church na si Gregorio Aglipay noong panahon ng Commonwealth. Ngunit siya ay tinalo ni Manuel L. Quezon sa eleksyon noong taong 1935. Kaya’t ang buong panahon ni Aglipay ay itinuon na lamang niya sa pagpapalawig ng kanilang samahan.
Ngunit kahit wala pa sa pulitika ay hindi nawawalan ng kapangyarihan o impluwensiya ang relihiyon. Malilimutan ba natin ang ginawang pag-akay sa mga tao ng namayapa nang si Cardinal Sin na magtipun-tipon sa makasaysayang Edsa 1 para pabagsakin ang diktadurya ng rehimeng Marcos? Masyado ring vocal ang relihiyon partikular ang Simbahang Katoliko kapag mayroong mga isyung maaaring makaapekto sa moralidad ng mamamayan. Ipagpalagay man ng iba na nasobrahan lang sila sa pagka-konserbatibo. Kinukuwestiyon pa nga ito ng iba dahil nakasaad mismo sa Konstitusyon ang paghihiwalay ng Simbahan at ng Estado kung kaya’t hindi dapat sila makialam sa pulitika. Ngunit kung iisipin ay trabaho rin nilang pangalagaan ang kapakanan ng kanilang kawan sa mga bagay na alam nilang makasasama sa pag-iisip ng mga tao. Mahirap naman ‘yung nakikita silang may maling nangyayari sa lipunan pagkatapos ay hindi sila magsasalita.
Ngunit isa lang ang sigurado, kinakailangan din ng mga pulitiko ang relihiyon. Kaya nga’t nililigawan nila ang mga ito para makuha ang kanilang basbas. Sa dami ba naman ng mga miembro ng isang relihiyon. Natural lamang na lalakas ang kanilang tsansa na magwagi ang isang kandidato. Ngayong ang ilang mga taga-Simbahan naman ang tatakbo kailangan pa ba nila ng basbas ng mga pulitiko? Hmmm…
-William M. Rodriguez II
Monday, August 17, 2009
Isang kagat sa karera ng aso

Patuloy pa ring nakabinbin sa Kongreso ang pagsasabatas sa pagkakaroon ng karera ng Greyhound sa bansa partikular sa Cebu at Luzon . Ang greyhound ay isang uri ng breed ng aso na malaki at mabilis tumakbo. Kaya naman ginagamit sa karera sa ibang bansa. Mayroong dalawang bersiyon para rito kapwa sa Mababa at Mataas na kapulungan ng Kongreso. Ito ay ang House Bill 5291 at Senate Bill 5648.
Layunin diumano ng ganitong panukalang batas na mabigyan ng trabaho ang mga tao. Ngunit ito ay mariing tinututulan ng mga animal lover. Kabilang na rito ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na nagtataguyod para sa kapakanan ng mga hayop. Ayon sa mga tumututol sa pagsasabatas ng karera ng mga greyhound ay magbubunsod lang ito ng kalupitan sa aso. Dahil kapag wala nang naging pakinabang pa ang isang greyhound sa bandang huli ay ididespatsa rin ang mga ito. Patunay diumano rito ang walang habas na pagpaslang sa mga aso kapag ito na ay kanilang pinag-retiro. Subali’t sinasabi ng mga mambabatas na nagtataguyod sa panukalang batas na ito ay hindi raw nila ito gagawin bagkus ay kanila pa ring aalagaan kahit hindi na nagagamit pa sa karera.
Sa ibang bansa ay laganap ang Greyhound racing partikular sa USA . Subali’t ilan na sa kanilang Estatado gaya ng Guam at New Hampshire ay itinigil na rin nila ang ganitong gawin dahil sa hindi naging magandang epekto nito sa mga hayop at maging sa tao na rin. Kaya’t bakit nga ba naman natin yayakapin pa ang isang batas na ibinabasura na ng iba. Maaaring ito ay makapagbigay ng trabaho sa iilan. Ngunit ilan namang tao ang mawawalan ng trabaho kung sakaling ito ay maisabatas sa atin? Ang higit lang diumano ritong makikinabang ay ang Fox New Millenium Amusement Club Inc. at Southeast Asia Greyhound Racing Club Inc., mga samahang sumusuporta para maisabatas ang karera ng mga greyhound sa ating bansa. Kung tutuusin ay marami na nang mga sugal na atin and’yan ang sabong ng manok, karera ng kabayo at kung anu-ano pa. Kaya’t bakit kailangan pa itong dagdagan?
Ayon pa sa mga kritiko ng greyhound racing, magdadagdag lang ito ng pagbaba ng moralidad ng ating mga kababayan, magpapalala ng krimen at siyempre ng kalupitan sa mga hayop. Sa ibang bansa diumano ang mga mananaya ng greyhound racing ay yaong mayroong maayos na kalagayan sa buhay. Subali’t sa atin, karamihan diumano sa magiging parokyano nito ay ang mga mahihirap nating kababayan. Aminin man sa hindi ay marami sa mga Pinoy ang umaasa lang sa suwerte kung kaya’t bakit marami ang mahihilig sa sugal.
Sa kabilang banda naman, dapat ay maging mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng pagbabawal ng pagkatay sa aso. Dahil hindi maikakaila na marami pa rin ang kumakatay ng aso kahit pa ito ay ipinagbabawal ng batas. Paano na lang kaya kung maging legal ang karera ng mga aso? Saan pa lulugar ang mga kawawang hayop na ito para matigil ang ginagawang kalupitan sa kanila ng mga tao? Para saan pa at tinawag silang Man’s best friend?
Subscribe to:
Posts (Atom)


