Mga kuha ni William M. Rodriguez II
Nalalapit na ang Kapaskuhan kaya’t mapapansing nagkalat na naman ang mga kapatid nating mga Aeta at Badjao sa mga lansangan sa Metro Manila at mga karatig lugar. Naging tradisyon na ito sa kanila dahil taun-taon na nila itong ginagawa.
Balewala sa kanila kung malayo man ang kanilang naging paglalakbay. Basta’t ang importante ay makarating sila rito sa atin para makapanlimos. Tutal minsan lang namang sasapit ang Pasko sa loob ng isang taon. Batid nila diumano na mababait ang mga tao kaya’t naghahari ang pagbibigayan. Ito ang gusto nilang samantalahin para may maipon silang pera.
Hindi nila alintana na mayroong krisis pang-ekonomiya dahil simula’t sapul ay pangkaraniwan na lang sa kanila ang kahirapan. Nakidagdag pa sila sa bilang ng mga pulubi na nagkalat kung saan-saan. Nagpapatunay lang ito na maraming naghihirap sa Pilipinas. Salungat sa ipinangangalandakan ng gobyeno na gumaganda na raw ang lagay ng ating ekonomiya.
Marami sa kanila na may tangan-tangan pang maliliit na mga anak para makatawag ng pansin sa mga tao. Kapag tiningnan mo ay talagang mga nakakaawa. Samantalang ang ilan sa kanila kahit sobrang tanda na ay nasa lansangan pa rin at nakikipagsapalaran para sa kaunting barya. Hindi rin nila alintana ang panganib, na sa isang iglap ay maaari silang masagaan ng mga sasakyan.
Ngayong Kapaskuhan sana ay maisip ng bawat isa habang sa gitna ng ating pagsasaya ay mayroong mga taong kumakatok sa ating mga puso para humingi ng kaunting regalo. Pero sapat na ba ang mabigyan lang sila ng limos tuwing Pasko? O baka kailangan talaga nila ng tulong mula sa kinauukulan? Paano na kung hindi naman Pasko? Naruon uli sila sa kani-kanilang mga lugar kung saan ay hindi abot ng modernisasyon. Balik sa kung ano’ng gawain man sila mayroon dati. Mga walang inaasahang magandang hinaharap dahil hindi mga nakapag-aral kaya’t ‘di marunong bumasa at sumulat. Basta ang alam nila ay kailangan pa rin nilang mabuhay sa kabila ng hirap na nararanasan.
Ano naman kaya ang kanilang inaasahan sa mga pulitiko na nagkalat ang mga poster na mayroong pang mga mukha nila at bumabati ng “Maligayang Pasko at Manibagong Taon.” At ano rin ang kanilang inaasahan sa mga nababalitang Presindentiable Candidates sa taong 2010 na ngayon pa lang ay pumupostura na para sila ang maging manok ng mga tao sa pagka-presidente?
Para sa iba pang babasahin.
No comments:
Post a Comment