Kung ang lahat ng bagay ay may katapusan
Ibig kong ito ay pigilan
Upang 'di na mabura sa dahon ng kasaysayan
(Mga pilas na kaganapan
ng takdang takdang katapusan)
'Pagkat ibig ko'y diwang imortal
At 'di pagpapatiwakal
Manahan ng walang hanggan
Sa kabuluhan ng pangangarap
('Di sa bunton ng alapaap)
Kung saan tunay na sarili'y mahahanap
Huwag mo akong tuldukan
Hangga't 'di ko pa nalalasap ang
tamis ng tagumpay
('Pagkat pagkabulilyaso'y nakaantabay),
Huwag mo akong tuldukan
Hangga't 'di pa nagkakaroon ng kulay
Ang huwad na bahaghari ng malay
(Ay, bakit tila lahat ay mapusyaw?)
Ibig ko pa ng kuwit at tandang pananong,
Pandamdam at malalabong kuneksiyon
Kaysa alayan ng tuldok na may
huling himaton
'Pagkat walang tuldok na umuurong
Sa anumang pangungusap tuldok ang tumatapos
Ngunit sa batas na ito'y ayokong yumapos
(Tulad ng pagsalungat sa agos)
Kahit na ang tulang ito'y maging upos
O mabitin dahil sa kuskos-balungos
No comments:
Post a Comment