Tuesday, March 11, 2008

Ang Trip ng Mga Tao

Kumain ng apoy
Maglakad sa bubog
Tumulay sa alambre
Magpapako sa krus t'wing mahal na araw
Manghampas ng lamok at magbugaw ng langaw
Pagkatapos ay ihahalo sa sabaw
Sabay higop pagkatapos magbanlaw.
Tumalon ng una ang ulo
Gumulung-gulong, magpasirko-sirko
Saka pagkaguluhan ng mga tao
Kasi feeling mo sikat ka
Kaya't papampam para makilala
Sadyang ang trip ng mga tao'y iba-iba
Tulad sa pakikinig ng musika
May ballad, jazz, rock, hip hop
at kung anu-ano pa
Kung baga sa dila iba-ibang panlasa.
Trip n'yang uminom
Trip mong lumamon
Trip n'yang magpalobo ng sipon
Trip mong magpakalbo
Trip n'yang magpatattoo
sa dibdib, sa puwet at
sa kung saan-saang sulok ng katawan.
Minsan kay hirap sakyan
Ang trip nilang sila lang ang may alam
Marahil sa kanila ito'y isang kasiningan
Ang maiba sa karamihan
Mapalad silang sumasalungat sa agos
Na 'di marunong magpahiram ng sepilyo't sapatos
At makitingin sa ibang relos
Sarili lang ang naging saligan
At 'di nakikinig sa kung anu-anong utos
Na sa kanila'y pilit ipinapayapos.
'Pagkat buhay sa mundo'y nakaiinip
Kialangang magkaroon ng hilig
Para may magawa't 'di nakatunganga
'Pagkat ayaw nting lagyan ng patlang ang ora
Mangahulugan man ito ng pagtakas
Ang mahalaga tayo ay maaliw
Kahit sa trip nati'y mistulang baliw
Sino'ng magsasabing ako'y isang hangal?
Kung trip kung tumula, bakit may angal?!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...