Laging nasa loob ng 'yong bahay-alapaap
Habang panloob na anino'y kinakaharap
Mapagtuwid na mundo'y binabaliktad
Taas noo't walang pagod sa pakikipagtalad.
Ang buhay para sa iyo'y abstraktong sining
'Di masukat-sukat dahil sobrang lalim
Tulad ng tulang nabubudburan ng talinghaga
Nakakalula't nakalalasing na kataga.
Maraming napatda sa kakatwa mong anyo
Payak na kairalan ganap ng iginupo
Upang sa tuklas-liwanag ay makipagsundo
Istilong nakahalo sa malapot mong dugo.
Ibinalabal mo ang silahis ng araw
Nang ang kaluluwang giya ay gininaw
Inilagay sa palad ang kumukulong alab
'Pagkat ayaw mo sa kilapsaw ng kalabukaw.
Mataos mong niyakap ang tunay na sarili
Upang talikuran imbing pagkukunwari
Salaming binasag ng kamay at kamao
Upang bigyang-daan ang diwang laberinto.
Ngunit bakit kaya 'di ka nila maunawa?
Na sa mundo'y may kanya-kanyang paniniwala
Panghuhusga't pintas laman ng kanilang dila
Nakatiwalag ka diumano sa konsepto ng kapwa.
Isinisigaw ng budhi mo ang kasarinlan
Sa gitna ng balanang may matang mapang-uyam
'Pagkat ibig mong maiba sa karamihan
Malayung-malayo sa mga nakasanayan.
No comments:
Post a Comment