Napawaglit sila dahil sa pagkawakawak
Ang gulanit mong damit lalo pang nagagahak
Bawat makakita'y nang-uuyam, nanghahamak
Ngunit 'di ka nila mapigil sa paggalugad
Nag-aapuhap sa kagubatan hanggang syudad
Bagama't ang takbo ng mundo'y napakakupad
Natitirang kabaitan nagkatilad-tilad.
Ngunit ang mga supling mo lamang ay narito
Marami silang tulad nina Crispin, Basilio
Na kung tawagin ng iba ay buhay na multo
Nasa ilalim ng tulay, dampa't enstruwelo
Kabataang laging napapagsamantalahan
Ng mga bagong Fraile sa ating lipunan
Nagtratrabaho na sa napakamuran gulang
Katawan din nila'y inilalako sa dayuhan.
Ba't ka pa maghahanap ng kislap ng bituin?
Sa buntalang malaon ng sinumpa ng dilim
Pagkabusilak wala sa ulap na abuhin
Kundi nasa palad ng nagdidildil ng asin
Sisa, iyo nang pahirin namumuong luha
Mga anak mo ay 'di tunay na nawawala
'Pagkat tulad mo rin silang hanap ay paglaya
Sa gitna ng dilim waring nangangaluluwa.
Ah, ibalik na sa sarili ang dating bait
At muling hanapin yaong nawaglit na langit
'Pagkat sa baya'y walang paraisongg marikitt
Naghahari'y sama, kabigua't hinanakit
Nababatid mo kung sino'ng lumapastangan
Mapalitan man ng utak-hayop ang isipan
'Pagkat sa mabahong amoy lang ay malalaman
Magsuot man ng maskara ang mga sukaban.
Sisa, ikaw ang sagisag nitong Inang Bayan
Nabulid sa kumunoy at putik ng karimlan
Kanilang binaliw sa matinding kahirapan
Maraming ia na nasira ang kataauhan
Ang pagkamulat ay 'di matatagpuan kay Rizal
Kundi nasa mga anak mo na nagmamahal
Magpuputong sa 'yo ng hustisya at dangal
Na uusig at pupuksa sa mga kriminal!!!
No comments:
Post a Comment