Friday, March 7, 2008

Prusisyon ng Mga Bangkay

Nakahilera ang mga bangkay
Ng mga bata, baguntao at matatanda
Sa kalsada, airport, muwelye,
hospital, morge't puneraya.

Buong paligid ay luksang-luksa
Sa bawat mata may namumuong luha
Samu't saring damdami'y kumakawala
Ng panghihinayang, kalungkutan,
Pagkaawa, galit at pangungulila
Habang nakatirik ang itim na kandila
Pinagliliwanag ng nakikisimpatyang tala
Na naroruon sa lawak ng buntala
May hinahawing balimbon ng hiwaga
Na sa bawat lumisan ay bumubulaga.

May bahid-sindak sa mga lumulubong labi
Na bunga ng mahaba't maiksing pakikipagtunggali
Sadyang pumapaslang ang bawat sandali
Tila nakahilera sa bitayan para mabigti
'Pagkat may berdugo at garoteng pumuputi
Bawat hininga sa hukay lang mauuwi
Buhay ay sa alabok lang hinabi
Papel na gampanin sa mundo'y kakaunti
Panambil na ginagalawan mapuputol agad ang tali.

Nakapila sila habang isa-isang naglalakad
Na walang dala-dalahan halos hubo't hubad
Sa haba ng pila halos 'di makausad
Sa danang mahirap mabanaag
Bagama't may gabay ng liwanag
Na sa kanila ay bumubulag
Inuulinig ang huling pagtawag
Kung kukuning pataas o ilalaglag
Habang sa mundo'y natiwalag.

Ito'y 'di Sta. Cruzan ng mga bangkay
O parada ng mga kaluluwang buhay
Halimunmon ng bulaklak ay walang saysay
Pati handog na tula na nananalaytay
'Pagkat dugo'y 'di na nananalaytay
Nilang mga patay na tila nahihimlay
Prusisyon sa huli nilang paglalakbay.

4 comments:

Pinoy Wit said...

hi william. salamat sa pagbisita. napadaan din ako at nagbasa. intense tong post na to ah

b3ll3 said...

di ko binasa ang post mong ito kuya and i want to request na magpost ka na po ng iba para hindi ko nakikita un pic..may phobia po kasi ako sa patay eh...thanks!

Unknown said...

Ah ganun ba sorry talaga ha burahin ko na lang ung pcture para d k n matakot.

jobelle said...

anu ang ibig sabihin ng halimunmon?

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...