Monday, November 9, 2015

Multo ng Alaala

Mahal, matulog ka sa gabing payapa
Habang nalulumbay itong diwa
Sa buhay ko ay sadyang walang himala
'Pagkat mata ng puso'y kinukulaba.
 
Malalim na ang pagbalatay ng gabi
Lumalatay nang husto sa guni-guni
Bakit kapanglawan ang namumunini
Ang ibong asul patuloy sa paghuni.
 
Narito sa dibdib ko'y pawang hinagpis
Tila mayroong kanser na 'di matistis
Walang gamot na puwedeng makapag-alis
Sa sakit na likha ng matalas na kris.
 
Kay sarap damhin noon ng nakalipas
Buhay-pag-ibig may tuwang 'pinaranas
Ngayo'y wala ng paglaglag ng taglagas
Bulaklak kang naluoy dahil kumupas.
 
Walang kabuluhan tugtog ng silindro
Bagting ng gitara, kudyapi at piano
'Pagkat alaala mo ay nagmumulto
Humahaplos sa kasu-kasua't buto.
 
At bukas kapag sumikat na ang araw
Nawa'y matapos na rin ang 'yong pagdalaw
Sa nakaraan ayoko ng masingkaw
'Pagkat sa puso ko ikaw na'y pumanaw.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...