Upang ang madugong balagtasan ay inyong saksihan
Panuorin ang dalawang makata na maglalaban
Nahaharap sila sa isang digmaang pangkaisipan.
Mag-iiba ang simoy ng hangin sa kasalukuyan
Magbabalik tayo at uugatin ang kasaysayan
Sa panahon ng Kastila kung saan may himagsikan
Upang malaman nating lahat ang tunay na katauhan.
Talagang napakahirap ang maging isang Lakandiwa
Lalo't kung haharapin ay napakabigat na paksa
May kaugnayan ito sa ating pagiging makabansa
Ngunit buong pusong tinanggap alang-alang sa madla.
Dapat bang maging Pambansang Bayani si Bonifacio?
Na Ama ng Himagsikan at isang Katipunero
Ito'y titindigan ng isang kabataang narito
Maghahayag ng kanyang katuwiran at argumento.
Hindi kami lumilikha ng pagkabaha-bahagi
Bagkus may layong magkaisa sa iisang lunggati
Kaya't magsuri tayo sa kanilang pagtutunggali
Na may kinalaman sa pagiging Pambansang Bayani...
Maka-Rizal:
Si Jose Rizal ay bayani dahil sa utak at panulat
Ang kadustaang sinapit ng baya'y isiniwalat
Pilit nilunasan ang mga sugat na 'di maampat
'Pagkat sa kanyang puso ay mahal niya tayong lahat.
Ipinatapon ng mga Fraile doon sa Dapitan
Ikinulong, tiniis ang nadaramang kalungkutan
Kamataya'y hinarap nang barilin sa Bagumbayan
Ito ay alang-alang sa pag-ibig sa Inang Bayan.
Si Bonifacio ay wala sa kalingkingan ni Rizal
Maraming alam na pilosopiya't usapang sosyal
Si Rizal ay mahinahon, maginoo't mapagmahal
Kanyang ginamit sa bayan ang pagiging intelekwal.
Kaya nga kinilala s'ya ng bagong henerasyon
'Pagkat ginawang Pambansang Bayani mula pa noon
'Di magbabago't mananatili sa habang panahon
Sasabihin kong maghabol kayo sa Bulkang Mayon!
Huwag ka nang maghangad pa na baguhin ang kasaysayan
Ngayon pa na may 'sang daang taon ang nakaraan
Babanggain pa ninyo kami at gustong makalaban
Hindi kami papayag na si Rizal ay mapalitan!
Maka-Bonifacio:
Umaayon ako na si Rizal ay totoong henyo
Ngunit ang kanyang edukasyon saan natutunan 'to?
'Di ba't sa mga Kastilang tawag sa atin ay Indio?
Sinabi pa n'yang tamad daw tayong mga Filipino.
Si Bonifacio ay pangmasa dahil sa anak-pawis
Nabuhay sa karalitaan at maraming tiniis
Sa kagaya naming dukha siya nawawangis
'Di katulad ni Rizal na elitista, 'sang peti-burges!
Si Bonifacio ang unang nagbunsod ng rebolusyon
Natatag ang Katipunan na pagsasarili ang layon
Laban sa mga Kastilang animo ay panginoon
Kung walang nag-alsa, nasaan na kaya tayo ngayon?
Si Rizal ay sumulat ng nobelang naglalagablab
Dahil dito ang damdamin ng mga tao'y nag-alab
Ngunit sa pag-aalsa ay ayaw namang makisunggab
Upang digmain at alisin ang mga dayuhang sukab.
Gaya na lang sa istorya ng isa n'yang nobela
Pinigil ang pagsabog ng lamparang de-bomba
Dahil lang sa pag-ibig ni Basilio sa kanyang nobya
Nawala na sana ang mga kalabang nanggagaga.
Kaya nga nais naming mabago ang pagkakamali
Si Bonifacio ang dapat maging Pambansang Bayani
'Pagkat ganap na kalayaan ang kanyang minimithi
Sa paninindigan kong ito'y walang makababali!
Mka-Rizal:
Noon ang Supremo'y sakop ng La Liga Filipina
Isa sa mga miyembro ni Rizal na taga-panguna
Kaya't papano'ng makahihigit ito sa kanya
Gayung doon lang nakuha ang kanyang mga ideya.
Ang 'di paglahok sa rebolusyon ay 'di karuwagan
'Di lamang nakukuha sa digmaan ang kalayaan
Nasa pakikipag-usap lang ito ng mabutihan
Nasa panawagan, petisyon at iba pang paraan.
Ang Katipunan ay marami ring pagkabigo
'Pagkat kulang sa armas at estratihiya ang hukbo
Kay raming naging kapalpakan niyang si Bonifacio
Mahina, 'di nakinig kay Rizal nang ito'y nagpayo.
Kung walang puwersa ay parang nagpapakamatayI
sip ang paganahin para magkaroon ng saysay
Dapat lang pangalagaan ang ibinigay na buhay
Kung nais pang masilayan ang darating na tagumpay.
Kasalanan ba ni Rizal kung mayamang isinilang?
Nalalamang 'di tayo magkakatulad nang nilalang
Kung makapagsalita ka ay parang isang kulang-kulang
Ang tingin mo sa 'yong sarili ay bayaning hinirang?
Mas marami pang bagay ang dapat pagtuunan ng pansin
Pati ang nananahimik na si Rizal ay guguluhin
Kung 'di titigilan baka ikaw ay kanyang multuhin
Magagalit ang mga Rizalistang kakampi namin.
Maka-Bonifacio:
May hihigit ba sa pag-ibig sa tinubuang lupa?
Maliban lamang sa pag-ibig sa Dakilang Lumikha
Pag-ibig na buong puso at kaluluwa
Ganyan ang pag-ibig ni Bonifacio sa ating bansa.
Ang 'di marunong magmahal sa sariling wika
Ay higit pa sa isang mabaho at malansang isda
'Di ba't ito ang sabi ni Jose Rizal na dakila
Ngunit ang gamit n'ya sa panulat aay wikang Kastila!
Iyang si Rizal ay talagang tapat sa bansang Espanya
Pantay-pantay na karapatan lang ang gustong makuha
'Di siya seperitista kundi isa lang repormista
Gayung maaari namang kamtin ang ganap na paglaya.
Si Bonifacio ay larawan ng bayang inaglahi
Ngunit matapang at handang lumaban hanggang sa huli
Pakikipagkasundo sa dayo ay 'di maaari
Durugin mang pino o kaya'y bayaran ng salapi.
Ang laya ay 'di hinihingi kundi ipinaglalaban
Maging katumbas man ng buhay at iyong kamatayan
Sa sariling bayan ay papayag ka bang yapakan
Sunud-sunuran lamang sa kanilang kagustuhan?
Sino'ng laging nagsasamantala batay sa kasaysayan'
Di ba't mga dayuhan at nasa mataas na lipunan?
Silang tunay na nag-umpisa ng gulo sa sambayanan
Kaya't isang anak-pawis ang dapat maging huwaran!
Maka-Rizal:
Kung si Rizal ay maka-Espanya 'di sana pinatay
'Di rin sana itinuring na erehe at kaaway
Kahit Chinese Filipino, makabayan namang tunay
Dugong kayumanngi ang sa ugat ay nananalaytay.
Mayroon naman akong nabasa tungkol kay Bonifacio
Binihag daw sila ng kapatid niyang si Procopio
Nagmamakaawa't takot na takot ang Katipunero
Maging Supremo ay may takot din na itinatago.
Walang kabuluhan ang iyong mga paninindigan
Napakarupok, parang buhangin ang iyong saligan
Gumagawa lang ng istorya na mapag-uusapan
Bakit ginugulo ang pag-iisp ng taumbayan?
Subukan mong dumulog kung pakikinggan ng Kongreso
Baka ikulong ka pa at pagkamalang sira-ulo
Gayung si Bonifacio mismo'y 'di naging ambisyoso
Ang maging Pambansang Bayani wala sa kanyang ulo.
Kung noon nga ay 'di siya ibinoto bilang pangulo
Imposibleng maging Pambansang Bayani ang inyong idolo
Ngayon pa lang huminto na sa kaaargumento
Tiyak na aangal din ang mga maka-Aguinaldo!
Si Rizal ay 'di lamang sa pisong barya nakauki
tAng aral niya sa aming isipan ay nakakapit
Sa kanino mang bayani ay 'di namin ipagpapalit
Kahit kayong mga maka-Bonifacio ay magpilit!
Maka-Bonifacio:
'Di ko sinasabing si Rizal ay 'di isang bayani
Katunayan iginagalang ko siya't pinupuri
Ngunit ang buhay ni Bonifacio'y namumukod-tangi
Kaya't nais namin siyang maging pambansang bayani.
Sa sobra n'yong paghanga kay Rizal ay tila sinasamba
Gayung tao lamang na kagaya natin ng hitsura
Ni ayaw mapintasan, ang gusto ay laging bida
Hoy, taong sipsip 'yang pagpuri mo kaya;y alam n'ya?!
Ang panulat ni Rizal ay minsanng nawalan ng bisa
Noong sabihin niyang itigil na ang pag-aalsa
Bagkus Rebolusyong Pranses naging modelo't ginaya
Nilusob nila at pinaslang mga walang-hiya.
Si Bonifacio ay tapat kapag umibig ang puso
'Di tulad ni Rizal na sa pag-ibig ay mapaglaro
Pati ang pinsan ay ginawa pa niyang kalaguyo
Ano pa ba ang masasabi ko kundi Inagkupo!
Huwag mong maliitin ang bayaning si Bonifacio
Baka mabuhay ang rebulto n'ya at sumugod dito
Pagkamalan kang si Dante Tirona na nang-insulto
O kaya naman ay ang pumatay na kanyang berdugo.
'Di ko itatakwil ang dakilang prinsipyo
Mali ka kung inaakala mong ako ay panatiko
Itataguyod 'to ng lahat ng masang Pilipino
Andres Bonifacio, Pambansang Bayani ang titulo!
Lakandiwa:
Sa sobra ninyong galing ako ay napapatulala
Marahil ang mga nakikinig din ay humahanga
Nahahawig sa dalawang bayani ang inyong adhika
Napansin sa pagkatao n'yo habang nagsasalita.
Ang mga patay ay tunay na wala nang magagawa
Ngunit nag-iwan sila ng bakas na 'di mabubura
Buhay na buhay pa rin ang kanilang mga gunita
Na ituturo rin sa mga isilang pang bata.
Ang mga bayni ay mayroon ding kahinaan
Tulad natin na nagkakamali sa kadalasan
Ang mahalaga ay ang naiambag nila sa bayan
Ito na lang ang ating tingan, mabuting pag-aralan.
Kanina ko pa nga nililimi sa aking sarili
Kung sa dalawang ito ay kanino ako kakampi
Sino bang karapat-dapat maging Pambansang Bayani?
Ikaw at ako ay siguradong mayroong napili.
Mga kaibigan, sa pasya ko ay ito ang buod:
Si Andres Bonifacio ay akin ding itataguyod
Dapat s;ya ang nasa taas kung ako ang masusunod
'Pagkat sa mga dayuhan ay 'di s'ya nanikluhod.
Ngunit panahon lang ang talagang makakapagsabi
Na ang panukalang ito ay kailan mangyayari
Si Rizal man o si Bonifacio ang Pambansang Bayani
Dapat kilanlin ng mga susunod pang salinlahi!
3 comments:
This is so informative.. Thank you because I really need this kind of debate :) More power to your blog sir. Hope you make more of it (:
love your post.. I'm writing an essay regarding mabini, rizal and bonifacio..great help! <3 :)
Thank you for this Blog ..
Kelangan ko to para sa debate
Nmen .. yiiee thank u thank u
Post a Comment