Parang kabuteng nagsulputan ang pamimirata sa bansa, kahit saang sulok ay mayroon nito. Hindi lamang mga kasuotan ngayon ang pinipirata kundi mga kanta at pelikula. Noong hindi pa uso ang CD ay cassete tape ang ginagaya. Dahil sa pag-usbong ng teknolohiya ay madali nang mamirata, sa internet i-down load lang ang kanta at pelikula may kopya ka na.
Bagama't puspusan ang isinasagawang panghuhuli ng Optical Media Board sa mga namimirata ay hindi pa rin ito masugpo-sugpo. Nagpapakita lang ito na napakalalim na ng problema ng pirata sa bansa. Sinasabing ang makina na ginagamit dito ay kayang mag-duplicate ng libu-libong kopya ng CD sa isang operasyon lang. Ang pamimirata ang dahilan ng pagtamlay ng industriya ng pelikulang Pilipino. Kapag foreign film nga 'di pa rito naipalalabas pero meron na agad sa mga bangketa. Noong araw daw ay nasa 500 ang nagagawang pelikula sa loob ng isang taon, pero ngayon ay nasa 50 na lamang. Sumisigla nga lang ang industriyang ito kapag mayroong mga film fest.
Ang pagtitipid na rin ng karamihan ang dahilan kung bakit patok ang mga pirata dahil sa kamurahan ng presyo. Tutal, ang musika at pelikula raw ay madali lang pagsawaan kaya't ok lang kung madaling masira. Nakuha mo naman ang gusto mong marinig at mapanuod. Ang mga namimirata rin ang nagpapalaganap ng mga pelikulang bastos. Nakabuyangyang pa kung ibenta sa mga bangketa lalo na sa may bandang CUBAO! Maging ang software industry nga ay pinasok na rin ng mga pirata. Katunayan noong taong 2004 ay naitalang P3.7 bilyon ang nawala sa mga kompanyang gumagawa ng software.
Hindi mapapasubaliang limpak-limpak na salapi ang nakakamal ng mga utak sa likod ng pamimirata. Naging kabuhayan na rin ito ng ilan nating mga kababayan ng nagtitinda ng mga piniratang cd. Ayon sa isang programa na ipinalabas sa telebisyon ay hinihi nilang ang pamimirata ay ginagamit upang pondohan ang terorismong isinusulong ni Osama Ben Ladin. Posibleng may katotohanan lalo na't ang problema sa pamimirata ay pandaigdigan.
Hindi lamang ang mga artist at producer ang nasasagasaan ng pamimitrata. Kundi mismong mga tumatangkilik dito dahil sinisira nito ang ating pagkatao sa pagbili ng mga nakaw na likha ng isip at pagod ng iba. Iligal ito kaya't walang nakukuhang buwis dito.Kaya kapag bumibili ka ng mga pirata sino kaya ang tinutulungan mo? STOP PIRACY!!!
No comments:
Post a Comment