Tuesday, March 11, 2008

Karagatan

Malalim na karagatan ang lumipas
Umaawas sa sisidlan, walang katumbas
Tubig man ay kuyumin sadyang tumutulas
'pagkat lagi't lagi na lamang pumupulas.
Sa silid ng isip narito't umaapaw
Patuloy ang agos bagama't umiigpaw
Maingay ang ali-iw gayung 'di mababaw
Sa kalinawan ay 'di mapapalabusaw.
Ang buhay ay tunay ngang isang paglalayagg
Kusang nagpapatuloy kahit 'di kinayag
Ngunit minsan ay nagmimistulang lagalag
Kung sa'n patutungo 'di maipaliwanag.
Laging nagbabadya ang bunganga ng laot
Pinagiging duwag ka dahil sa saligutgot
Ngunit gumagaod pa rin ng waalang takot
Kahit ang dilim at lamig ay nanunuot.
Ipinangangahas ang kinalululanang baangka
Maging ang sariling buhay ay itinaya
Sa nagngingitngi na panahong merong sigwa
Mapalad ang taong may matibay na pithaya.
'Pagkat mas maunos pa yaong pagmimithi
Kaysa sa daluyong at bagsik ng buhawi
Mandaragat na lakas ng loob ang iwi
'Di amtutumbalik ang taglay na lunggati.
Sa pag-iisa, nangangarap ng sirena
May kung anu-ano'ng naglalarong pantasya
Kinikiliti, kinikilig na pandaman
Ang lintek na syokoy ayokong makasama.
Iginupo ko na ang balyena at pating
Mga dambuhalang kung umasta ay haling
Kinatay ko na sila pagsapit ng tabsing
nang maging payapa sa aking pamamansing.
Dagat na puno ng isdang naglalanguyan
May tawilis, tandayag, berbakan
Tanigi, talakitok, kapak naririyan
karagatang naging akwaryum ng isipan.
Sa lambat ng ggunita ay kakawag-kawag
Sa kailaliman ng puso'y pipitlag-pitlag
Bawat daloy tila may ibig ipahayag
Kahit kanino pa man dapat matanyag.
Ito'y kasing halaga ng kabibe't perlas
Kayamanang 'di mawawala't mawawalsdas
Mga kwentong kailnama'y 'di magagasgas
Matuyo man ang dagat at 'di na mamalas.
Gunitang tila lumot s halamang dagat
Doon na nagsitubo buhat nang mag-ugat
Nakakapit nang husto't 'di na makatkat
Mga sandali 'to ng ating pagkamulat.
Damhin mo ang pagsalpok ng mga alon
Hampas nito'y may dalang kaba't hinahon
May sandali ng pagkalubbog at pag-ahon
May pagbabagong ginaganap ang panahon.
May talinghagang hatid ang dalampasigan
Na nag-uugnay sa ating mga karanasan
Pinaglapit ng mapagpalang kalikasn
Lupa't langit humahalik sa karagatan.

Para sa iba pang babasahin.


1 comment:

Anonymous said...

magaling, sana maging isa ka s magiging sikat na manunulat balang araw

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...