Tuesday, March 11, 2008

Body Piercing





Nagdurugo ang aking diwa
Pinagdurugo ng karayom
Na nakabaon sa inyong tainga,
Kilay, ilong, labi, dila, leeg, utong
at lambi ng ari
Nagsisipagpintog ang inyong laman
Habang pinaghihilom ang sugat
Na brutal na pagtusok
Dugoy waring naglahong usok
Habang ang araw ay di makapamurok.

Animo kayo si Frankeinstein
Na maraming pako sa katawan at ulo
Batid kong di maluwag ang inyong turnilyo
Ito ay ekspresyon ng sarili
Tulad ng bansang nagsasarili;
Nais magbagong-anyo
Laban sa lipunang mistulang hunyango
Na maraming itinatago
Bukas ang inyong mga isip sa tanawing
Waring naroon lang sa panaginip
Iniiba ang karaniwang hitsura
Upang ang sarili ay ganap na makilala.

Animoy banal na rituwal sa India
Na kinasisinagan ng kultura
O galing sa kanluran at ginagaya
Mga burluloy na sagisag ng eksistensiya
Na itinarak sa katawang nag-iinit
Makipagniig sa nagtutulisang aspile at perdible
Nagpapakita ng galit sa mundo
At pagsaway sa mukha ng litrato.

Kay sarap hilahin ng mga hikaw na nakalambitin
Parang nagsisipagkislapang bituin
Sa mga daliri ay nagsisilbing singsing
Yamang lahat ng bagay ay maituturing na sining
Ngunit nais koy tubog sa ginto at di mumurahin.

Huwag ninyo akong paandaran
Na animoy di ninyo iniinda ang sakit
Na animoy labis sa tapang
Ang inistensil na dibdib
Dahil gumamit lang kayo ng anestisya
Pinagana ang kinang ng pera
Nag-iingat din kayong matetano
Kayat ayaw ng manu-mano
Sanay na kayong gumamit ng pampamanhid
Ayaw danasin ang hapding walang patid,
Ayaw namnamin ang sakit sa sandaling itinutusok ang hikaw
Habang hinihila para malagyan ng pakaw
Dahil marami sa inyo ang di balat-kalabaw
Ngayon ngang natutusok ang gunam-gunam
Ayokong maengkanto ng kung anong uri ng karamdaman
Tulad nyo rin akong takot sa kalawang!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...