Monday, December 8, 2008

The Devil Machine


Ang video karera ay isa sa pinakasikat na sugal sa Pilipinas dahil madali lang itong laruin. Mapa-bata man o matanda ay nalululong dito. Maghuhulog ka lang ng barya tapos pipindot ka ng numero ay ayos na, hintayin mo na lang kung tatama ba ito o hindi. Para ka ring nasa Sta. Ana o San Lazaro. ‘Yun nga lang ay nasa loob lang ng screen ang kabayo. Halos kahawig lang din ito ng videoke o ng mga sinaunang video games na hanggang ngayon ay nakakalat pa rin sa mga kanto sa tabi-tabi.
Noong teenager pa ako ay naglalaro rin ako nito, nakakawili kasi. At alam kong ito rin ang dahilan ng iba kung kaya’t naglalaro sila nito. Exciting kasi dahil papiso-piso lang ang taya tapos puedeng tumama ng malaki. Sabay-sabay pa nga kaming maglaro noon ng aking mga kaibigan. Kapag buo ang pera ay nagpapalit lang kami ng barya sa may-ari. May mga kakilala ako na sinusungkit ang barya sa loob sa pamamagitan ng alambre. Ang iba naman ay niyugyog ang katawan ng video karera para lumabas ang barya. Siyempre, ginagawa nila ito kapag walang nagbabantay. Mahirap na at baka mabugbog pa sila.
Noon pa man ay alam ko ng bawal na ang video karera pero sadyang ‘di ko mapigil ang aking sarili. Mabuti na lamang at hindi ako nalulong dito dahil lagi rin naman akong walang pantaya. Pero paano naman ang iba na nalulong rito lalo na ang mga kabataan, na sa mura nilang gulang ay marunong nang magsugal? Tulad ng ibang sugal, kakaunting beses ka lang makakatsamba dahil mas marami mang talo kaysa panalo. Kung kaya’t tinawag itong devil machine dahil sa masamang epekto nito sa mga tao.
Sa totoo lang, ang may-ari lang ng mga video karera ang lubos na dito ay nakikinabang at hindi ang mananaya. Sila ang nagkakamal ng barya-barya man kapag naipon ay aabot ito ng milyon kung maraming video karera ang hawak. Kaya’t kahit ipinagbabawal ay marami pa ring pangahas na ito ang gawing negosyo. Hindi mauubus-ubos kahit ano’ng gawing raid ng mga pulis. Ang malungkot ang ilan sa mga nag-mamay-ari ng devil machine na ito ay mga tiwaling pulis. Kaya’t madali nilang matunugan kung magkakaroon ng operasyon kaya’t naitatago agad nila ang kanilang video karera. Hmm, magmasid-masid sa iyong paligid at sigurado akong may video karera d’yan. Ito pa ang nakatatawa, sa mga alyas-alyas lang nakikilala ang mga may-ari ng video karera ito. Oo nga naman para hindi makilala ang kanilang pagkakakilanlan. Dito sa Rizal matunog ang alyas na Bong Sola! Pero wala namang mapagsabi kung sino ba ang mokong na ito, pwe!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...