Nag-aabang ng liwanag na ‘di masilayan
sa pagitan ng silahis ng mga araw
Hanap ay bulalakaw na kinalulunan
ng katuparan ng kanilang mga pangarap
Nawa’y maranasan ng namamanhid na pandalumat.
Subali’t kahit munting apoy ay ayaw lumiyab
sa naghihikaos na butuhing dibdib
Tanging pumapaso lamang ay init
ng walang tigil na pagsaklit ng pangamba
Habang nanlalamig sa haplit ng panahon
Nagigiyagis, may kirot na iniinda.
Ngunit ilang bulalakaw na nga ba ang nagdaan?
‘Di ba’t ‘di na mabilang ngunit sa binagsakan na ba
nito’y mayroon nang nahukay na ginto
O mga buto lamang ng nagaping ninuno?
Tila naghahanap ng ginto ng palayok sa
dulo ng bahaghari
Ngunit kawalan lang din naman ang kaurali.
Kailan kaya makakamit ang tunay na pag-asa
sa bayang pinagdilim ng mga kuno’y maka-masa
Sana’y kamtin nila ang lupit ng bulalakaw
Na susunog sa mga interes nila’t takaw…
No comments:
Post a Comment