Monday, November 10, 2008

Si Barack Obama Para sa Mga Pinoy


Marami ang nagdiriwang dahil sa pagkakapanalo ni Barack Obama bilang bagong presidente ng Amerika; hindi lang ng mga Amerikano kundi mga iba't ibang lahi sa mundo. Ibang klase kasi ang kanyang hatak kaya nga't nagkaroon ng Obama fever. Kahit sa mga survey pa lang ay lumamang na nang husto si Oba sa katunggali nitong si John Mcain. Tangan-tangan din ni Obama ang palasak na slogan na ginagamit ng sinumang pulitiko, ang "change o pagbabago." Pero inaasahan talagang malaking pagbabago ang magaganap dahi si Obama ang kanilang kauna-unahang African-American president.

Pero ang tanong, ano ba ang pakialam ng Pilipinas kay Obama at maging tayo at nakisawsaw din sa eleksiyong 'di naman para sa atin? Ilan nga sa ating mga kababayan ang nagtitinda pa ng t-shirt na ang tatak ay mukha ni Obama. Ngunit natural lamang na magkaroon tayo ng pakialam dahil ang Amerika ay itinuturing nating pinakamalakas na kaalyado. Ang ating ekonomiya ay tila nakasandig sa kanila dahil maraming mga negosyanteng Amerikano ang nag-invest ng kaniang negosyo sa ating bansa. Nakakautang din tayo ng salapi mula sa kanila sa pamamagitan ng IMF-World Bank. Kaya't kahit 'di pa si Obama ang nanalo sa pag-kapresidente ng Amerika ay patuloy silang magiging kadikit natin.

Sa pagkapanalo ni Obama ay nalansag ang diskriminasyon sa pagkakaiba ng kulay sa pagitan ng mga puti at itim. Patunay lang ito na hindi mahalaga ang kulay, ang importante ay ang prinsipyong ipinaglaaban nito. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nanalo si Obama. Sabi ng iba, sana ay maging eye opener din ito sa ating mga Pinoy na masyadong humahanga sa mga puti. gayung ang lahing kayumanggi ay 'di rin naman pahuhuli kung galing lang din ang pag-uusapan.

Isa sa mga prayoridad ni Obama ay ang pagbibigay ng trabaho sa mamamayang Amerikano kaya't nangangamba ang ilang nating kababayan na magiging dahian din ito ng pag-full out ng kanilang mga call center sa bansa natin. May balita na ring nagkakatanggalan na ng mga migrant workers sa Amerika dahil sa krisis pang-ekonomiya na kanilang kinahaharap. Ngunit sinasabi naman ng iba na 'di magkakaroon ng malawakang pagsasara ng call center sa atin dahil 'di hamak na mas mura ang bayad sa lakas paggawa rito kumpara kung kapwa Amerikano nila ang kanilang kukunin.

Kilala rin sa Obama sa pagtutol sa giyera sa Iraq, 'di tulad ni George Bush na giyera ang isinusulong laban sa Iraq. Kapag natigil na ang giyera roon ay 'di na tayo maoobliga na magpadala pa ang ating gobyerno ng mga sundalo natin para magpakita ng suporta sa giyerang wala naman tayong kinalaman.

Inaabangan naman ng ating mga Beterano at kanilang mga kaanak ang pagpapatibay sa Equity Bill o pagkapantay-pantay ng pagtanggap ng benipisyo sa pagitan ang mga beteranong Pilipino at Amerikano na nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang pandaigdig. Kinamatayan na nga ng maraming Beterano ang paghihintay na maisa-batas ito. Sinasabing suportado diumano ni Obama ang panukalang ito. Pero kailangan pa itong pagtibayin sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng Amerika bago maging ganap na batas. Ngunit bigyan kaya nila ito ng prayoridad gayung nasa gitna nga ng krisis ang Amerika?

Ang tanong ng ilang ordinaryong mamamayan, ngayong si Obama na ang presidente ng Amerika bawas-bawasan kaya nila ang pagkontrol sa iba't ibang kaparaanan sa mga maliliit na bansang kaalyado nila tulad ng Pilipinas? 'Yan ang magandang abangan kay Obama na waring pinagtiyap ng kapalaran na maging katunog pa ang apelyido sa pangalan sa numero unong terorista na si Osama Ben Ladin.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...