Monday, November 9, 2015

Lupang Ina Mo!

O, bayang na sa dusa at hirap
Mabigat na krus nakapasan sa balikat
Pag-asa't kaliwanagan 'di mahagilap
Baliktarin man, pula't asul na watawat.
 
Araw na dumadaa'y gabi't pamamanglaw
Ang lambong ng ulap pakapal ng pakapal
Kahit saan walang ningning na maaninaw
Sa kadiliman mayroong mga halimaw.
 
Ang bulaklak walang samyo o halimuyak
Mga dahon at talulot nalalagas
Magandang ibon nabalian ng pakpak
Walang ibang maawit kundi pahimakas.
 
Lupang ina mo ay punong-puno ng tinik
Nagkalat ang ahas sa labas ng talahib
Sa bangko nakap'westo'y patabaing biik
Mga baboy at buwayang maninibasib.
 
Marami ng dugo ang dumanak sa lupa
Binhi ng galit sumisigid, 'di maupat
Kaya't nauuhaw pa rin ang mga linta
Sa lupang ina mo'y maraming nagdidigma!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...