Monday, November 9, 2015

Ang Daming Kulang

Patuloy ang pag-inog ng mundo
Paikot-ikot, nakakahilo
May lumalakd, may tumatakbo
May naiiwan, may nakapreno
Kanya-kanya tayo ng konsepto.
 
Walang hanggan ang ating pag-asam
Maraming bagay ibig makamtan
'Di makasulong at nababalam
Nakamulagat ang kahirapan
Ngunit kulang pa sa mayayaman.
 
Matapos maranasan ang lahat
Ay kulang, kulang pa at 'di sapat
Sumisidhi, lalong naghahangad
Sugatan sa pakikipagtalad
Umiiksi ang guhit sa palad.
 
Kumain, uminom at magsaya
Magpasiklab at magpakilala
Lumaban, makipagkumpetensiya
Ibig mahigitan bawat isa
Pinakamagaling ang matira.
 
Lahat sa mundo ay babahagya
Kulang sa pansin, kulang sa rangya
Kulang sa saya, puro luha
Sagana lang sa pagkabahala
Palaging naghahanap ng wala.
 
Mga bulag sa katotohanan
Tumatakip ang kabulaanan
Kulang kaya't nais madagdagan
'Pagkat marami ang isinilang
Na kapos ang isip, kulang-kulang.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...