Wala nang tatamis pa sa halik mo, mahal
Mas matamis pa sa pukyutan at asukal
Kapag nalalasap ako'y natitigagal
Puro halik na lang at wala nang mausal.
Sa t'wing naglalapat ang ating mga labi
Kadiliman ng paligid ay nahahawi
Ibig kong manatili't h'wag nang umuwi
Yamang ikaw lang ang tuwa't itinatangi.
Sadyang lumalakas ang tibok nitonmg dibdib
Sa t'wing mga puso nati'y nagsasanib
Bawat segundo ay lumalakas ang kabog
Sa lubos na kaligayaha'y nahuhulog.
Mahal ko, sa pagitan ng ating hininga
Naroon ang buhay at makulay na pagsinta
Sa labas ng daigdig 'di natin makita
Habang nakapikit ang ating mga mata.
Bakit kaya kung ikaw itong kahalikan
Humihimpil ang galaw sa sangkalupaan?
Pansin ay sa isa't isa lamang nakatuon
'Di sa lupa kundi sa ulap nakatunton.
Kaya't sa ganda mo ako ay sumasamba,
Habang ako ay may natitira pang hininga
Ay habambuhay na kitang maaalala
'Pagkat ang halik mo'y sadyang walang kapara!
No comments:
Post a Comment