Mas maiksi pa ang dagli sa maikling kuwento. Sadyang magkaiba ang dalawang ito pagdating sa istraktura. Dahil ang maikling kuwento ay nangangahulugan na buo ang istorya. May introduksiyon, gitna at wakas. Samantalang sa dagli ay pupuwedeng isang situwasyon o pangyayari lang ang iniikutan ng istorya. Madalas ang iba ay gumagamit ng first point o view na waring sarili nilang karanasan ang kanilang ikinukuwento. Ibig sabihin, hindi mo na kinakailangan pang ipaliwanag kung sino ba talaga ang iyong karakter.
Ang dagli ay nasa hanggang isang libong salita pababa. Mayroon pa ngang ibang manunulat na sumusunod sa pagbibilang ng salita sa flash fiction. Katulad na lamang ni Abdon Balde Jr. na may akda ng 100 Kislap. Ang koleksyon ng mga akda niya rito ay binubuo ng hindi aabot ng mahigit isang daan at limanpung mga salita.
Samantala ang maikling kuwento ay nasa isang libo hanggang limang libo salita.
Kung tutuusin ay matagal nang mayroong ganitong uri ng kuwento sa Pilipinas man o sa ibang bansa. Ngunit wala pa itong katawagan noon. Kaya’t maaaring sabihin na bagu-bago pa lang ang ganitong uri ng literatura. Noong taong 2007 ay lumabas ang aklat na “Mga Kuwentong Paspasan,” na inilathala ng Milflores Publishing kung saan ay napabilang ang akda ng dating Pinas editor na si Hilda Nartea at ang namayapa ng si Vincent John Rubio.
At ngayon naman ay lumabas ang libro ni Eros Atalia na inilathala ng Visual Print, ang Wag Lang Di Makaraos (100 Dagli Mga Kuwentong Pasaway, Paaway at Pamatay). Ayon kay Atalia, tatlong taon ang kanyang binuno sa pagsusulat ng aklat na ito. Ang Wag Lang Di Makaraos ay moderno sa paraan ng paglalahad at sinasalamin ang samu’t saring pangyayari sa ating lipunan sa paraang madaling unawain dahil simple lang ang paggamit ng wika.
Bagama’t maiksi lang ang dagli ay nag-iiwan naman ito ng tatak sa isipan ng mambabasa. Sabi pa nga ng ilan ay masyadong bitin. Pero kung minsan kung alin ang bitin ay ‘yun ang kinakailangang namnaming mabuti at pag-isipan nang husto. Maaari kasing ang dagli ay hindi lamang naglalarawan sa iisang bagay o situwasyon lamang. Bagkus sa maikling salita ay mas marami pa pala ang sinasabi. Ang maganda pa, kahit yaong mga walang hilig o tamad magbasa ay maaaring maengganyo dahil sa ito ay maiksi nga lamang. Angkop na angkop sa mabilis na daloy ng panahon kung saan karamihan sa atin ay mahilig sa instant.
Para sa iba pang babasahin.
1 comment:
nice book...
Post a Comment