Lumalamig daw ang simoy ng hangin ‘pag nalalapit na ang Pasko. Pero putsa ano’ng malamig heto at pinagpapawisan ako dahil sa init. Sabayan ng busina at trapik sa kalsada. Ang Metro Manila nga naman bukod na sa matindi ang noise at air pollution ay samu’t sari pa ang eksenang nagaganap bawat sandali. Nagbabasa ako ng libro habang sakay ng dyip. Pero ‘di sumasakit ang mata ko bagama’t usad pagong ang andar ng sasakyan ay bigla namang aandar kapag saglit na nawawala ang pila ng mga sasakyan.
Paghinto uli ng dyip ay may mga batang lansangan na sumampa sa dyip na sinasakyan ko. Batang babae at lalaki. Pero di sila karaniwang batang lansangan na laging umaakyat para manghingi ng pera. Dahil sila ay mga katutubong Badjao na dumarami bago sumapit ang Araw ng Kapaskuhan. Bakit nga ba hindi eh malalambot ang puso ng mga tao kapag nalalapit na ang ganitong panahon? Kaya dapat lang na samantalahin. Dahil pagkatapos ng Pasko balik uli ang iba sa pagiging walang pakialam sa kapwa. Mukhang magkapatid ang dalawang ito. Ang isa ay medyo malaki na at may hawak-hawak na lata. Kung titingnan ay para itong alkansya. Malaki ang lata na nasa gitna. Habang ang dalawang nasa gilid ay parang alkansya kung titingnan. Akala ko nga lalagyan ito ng pera.
Biglang namigay ng sobre ang batang babae na bukod sa madumi na ang damit ay may uhog pa ito. Mas maganda siguro kapag may tumutulong uhog para makakuha ng simpatya. Kung kulangot nga lang ito baka puwede pa itong pitik-pitikin para mawala. Ampangit kasing tingnan, e. Alangan namang mag-volunteer pa ako na punasan ang uhog ng bata. Anak ng patis talaga kung bakit ang daming nagkalat na pulubi sa Pilipinas. Kahapon lang ay may kumatok sa bahay namin at nanghihingi ng donasyon para diumano sa gaya niyang senior citizen. Kung titingnan mo naman ay di pa naman ganoon katanda tapos maayos pa ang porma. Baka naman nahihiya siyang magmukhang gusgusin sa harap ng tao. Nalimutan yata ng aleng ‘yun na simpatya ang kinukuha niya para makatanggap siya ng pera sa mga may-ari ng bahay na kinakatok niya. Parang ‘yung isang mama na kumatok din sa amin at nanghihingi ng pera dahil marami raw siyang anak. Kung ‘di ba naman eng-eng, eh. Pero ang mga batang Badjao na ito siyempre iba ang istorya nila.
Pagkatapos mag-abot ng sobre ang batang babae ay sabay umawit naman ang kanyang kuya na sinasabayan pa ng pagtambol sa lata. Pero in fairness ha, may rhythm din kahit na ganoon lang ang kanyang instrumento. Pero wala akong maintindihan sa lyrics dahil katutubong wika ang kanilang ginamit. Di gaya ng mga estudyanteng nakasakay ko na panay ang Inglesan. Ang tanging naiintidihan ko lang ay “Kedeng-kedeng.” Sa pandinig ko ay parang “kendeng-kendeng, ikerndeng mo Neneng.” Ang tambol ay sinabayan ng pagsayaw ng batang uhugin.
Hindi ko alam kung maaaliw ako sa ganitong uri ng pagtatanghal. Basta alam ko gusto lang makiamot ng mga batang ito sa biyayang tinatamasa ng iba na mas maayos ang kalagayan sa kanila. Natatawa naman ang mga kasakay ko sa d yip sa nanatanging pagtatangahal. Pagkatapos mag-duo ng magkuya ay kinuha na nila ang sobre. Ang sobre na ibinigay sa akin ay nilagyan ko ng dalawang piso. Kung baga sa patay, mabuti na rin ako ang nag-aabuloy kaysa ako ang ipinanghihingi ng abuloy. Bumaba na sila ng sinasakyan namin para pumara uli ng panibagong dyip. Sana ay makarami sila ng delihensiya. Malayo na ang dyip na sinasakyan ko sa kanila pero ‘di pa rin nabubura sa isip ko ang imahe ng batang uhugin at waring naririnig ko pa rin ang kanta ng kanyang kuya, “Kedeng-Kedeng.”
No comments:
Post a Comment