Monday, November 14, 2011

Pinoy Indie Music sa Internet, Umaarangkada!



Kung musika lang ang pag-uusapan ay sadyang ‘di pahuhuli ang mga Pinoy sa paggawa ng kanta. Katunayan ay marami tayong mga artist at composer sa buong kapuluan. ‘Yun nga lang ay ‘di gaanoong napagtutuunan ng pansin. Dahil mas sinusuportahan pa ng iba ang mga awiting likha ng mga dayuhan kaysa sariling atin. Bukod dito ay sadyang kakaunti lang ang nakakapasok sa mainstream industry dahil napakahirap nitong pasukin.

Buti na lang at mayroong internet kung kaya’t nagsipagsulputan ang mga online radio station kung saan ay buong pusong sumusuporta sa mga musikerong Pinoy. Dahil dito ay nagkaroon ng pagkakataon na mapakinggan mapa-banda man o solo artist na pawang nasa hanay ng tinatawag na indie scene. Kahit sabihin pa na mayroon namang You Tube na maaaring mapagbahaginan ng obra. Maganda na rin na may internet radio na nagpapatugtog ng kanilang mga kanta. Napapag-isa pa nila ang mga artist na nagkalat kung saan-saan. Hindi katulad dati na wala talagang outlet ang mga musikerong nais maibahagi ang kanilang mga komposisyon. Maririnig lamang sila kung mayroon silang gig o tugtugan.

Kabilang sa Pinoy internet radio ay ang dig.com, radiopilipinas.com, sari-sarisounds.com, bootleg-radio.com at iba pa. Dahil din sa paglaganap ng social networks ay nagkaroon ng application para makapagtayo ng radio station sa Facebook. Ilan dito ay UR Facebook na itinatatag ni RJ o Ramon Jacinto matapos na mawala ang kanyang radio station sa FM. Isama na rin natin ang Renegade Radio Station na nakabase sa San Mateo, Rizal.

Banggitin na rin natin ang indiepinoy.com na nagpapa-download ng mga kanta ng mga indie artist para mapakinggan sa cellphone. Maging ang pilipinasjamsession.com na maraming bandang nakarehistro sa kanilang site. Maaaring mapakinggan ang kanilang kanta sa mismong profile ng banda o sa mismong homepage ng PJM. Nariyan din ang Indie News sa FB na walang sawang nagbabalita ng mga bagong kaganapan sa Pinoy indie music.

Ang ilan sa mga nabanggit na internet radio station ay mayroon ding mga sariling DJ na nagsasalita. Habang ang ilan naman ay sumasahimpapawid sa pamamagitan ng paggamit ng pod cast at walang DJ na nagsasalita. Kumbaga, tuluy-tuloy lang ang kanilang pagpapatugtog ng mga kanta. Ang ilan sa mga DJ o mismong humahawak sa mga ito ay mga musikero kung kaya’t tunay naman ang kanilang pagmamalasakit sa mga kapwa musikero. Ang maganda pa ay nag-oorganisa sila ng mga gig sa tulong na rin ng mga production na naglipana ngayon.

Kung tutuusin hindi naman ganoon kadami ang nakikinig sa internet radio kumpara sa mga tradisyunal na istasyon ng radyo kumpara sa ibang bansa na sadyang marami ang nakikinig ng internet radio. Ang mahalaga ay ang pagiging dakila ng layunin ng mga humahawak nito. Ito ay ang mapausbong pa ang musikang Pinoy. Sayang nga naman kasi ang talento ng mga musikerong Pinoy kung wala man lang silang magiging outlet. Hindi naman nais ng mga online radio na tapatan ang mga FM stations dahil malayo pa ito bago mangyari. Dahil na rin sa ating pang-ekonomikong kalagayan, na marami sa atin ay walang kakayanan na magkaroon ng kompyuter. Pero isa lang ang sigurado dapat lamang na tangkilikin ang musikang Pinoy. Marami pang mga artist na dapat mapakinggan hindi lamang yaong mga sikat. Marapat lamang na mapakinggan din ang kanilang mga likhang awitin.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...