Saturday, August 20, 2011

Poets Not Dead: Nang umawit ang mga makata

                                       

Sinasabing magkaiba ang mundo ng makata at ng mga mang-aawit. Dahil ang isa ay hanggang sa papel na lang ang tinig. Nagkakabuhay lang ang tula kapag ito ay binibigkas. Habang ang isa naman ay nabubuhay sa pagkanta. Pero paano kapag umawit na ang mga makata? Katulad na lang ng aming duo ni JunJun Merano, na ‘di kuntentong ang tula ay manatiling hanggang tula na lamang.

Elementarya pa lang ay naggigitara na at gumagawa ng kanta si JunJun. Habang ang inyong lingkod naman ay nahilig sa pakikinig sa mga alternatibong awitin noong haiskul. Ito ang nakaimpluwensiya sa akin para magsulat ng mga liriko. Sa isip ko ay mga salitang waring nag-aawitan na kailangang mailabas. Oo, mas nauna kong nakahiligan ang ganito kaysa paggawa ng libro.

Nagkakilala kami at naging magkaklase ni JunJun noong kami ay nasa kolehiyo. Nagsanib kaming dalawa sa paglikha ng mga awitin. Ngunit nang makapagtapos ng pag-aaral ay nahinto ang aming tambalan. Para na rin harapin ang aming mga personal na buhay. Ngunit ang pagmamahal sa musika ay naroon pa rin. Kaya’t nitong taong 2011 ay binuo namin ang Poets Not Dead upang ipagpatuloy kung anuman ang aming nasimulan. Layunin naming ibahagi sa publiko ang mga nilikhang awit. Nang sa gayun ay huwag itong masayang.

Marahil may mga magtatanong kung bakit ganun ang aming pangalan? Simple lang, kami ay kapwa makata at ‘di na ito mawawala sa amin. Pareho kaming naniniwala na ang tula at musika ay sadyang magkaugnay. ‘Di ito maipaghihiwalay. Alisin mo ang tono at tugtog ng isang kanta at ito’y magiging tula. O lagyan mo ng tugtog at tono ang isang tula ito ay magiging kanta na. Lahat nang ito ay nanggaling sa kaloob-looban ng gamawa nito. Pero siyempre, may mga kanta na poetic ang dating.

Marami sa aming mga kanta ay isa munang tula bago maging kanta kabilang na rito ang Ulan at Bulaklak, Paano Ko Sasabihin, Kristal, Pikit Mata Kong Titingnan at iba pa. Sa Ingles naman ay nariyan ang Cry, Cry, Cry The Butterfly (halaw sa awiting pambata na Fly, Fly, Fly the Butterfly), Once in a Lifetime Pals at Watch The World How to Die na tumatalakay sa nangyayaring karahasan sa mundo.




                                      
                                                     

Naniniwala rin kami na bagama’t importante ang pagkakaroon ng trademark ng isang banda o grupo, dapat ay hindi ito nagpapatali sa iisang istilo lamang. Kaya naman iba’t ibang klase rin ang aming kanta. May love song, novelty o kung ano pa mang klase ‘yan. Nangyari ito dahil magkaiba ang aming impluwensiya namin ni JunJun sa musika. Mas impluwensiyado siya ng pop habang ako naman ay mahilig sa rock music. Pero nagpang-abot kami sa gitna. Kaya naman masasabi kong maganda ang aming tambalan. At ‘di kami nagtatalo kung ano ba ang dapat naming kantahin.

Ang aming duo sa kasalukuyan ay isa lamang indidependiyente at tulad ng iba, tanging sa internet matatagpuan ang mga kanta. Umaasa kami na sa hinaharap ay maraming maabot ang aming musika. Para marinig ang aming mga awitin maaaring hanapin ang Poets Not Dead sa You Tube o ‘di-kaya’y i-like ang aming page sa Facebook.

2 comments:

Arvin U. de la Peña said...

ayos..puwede ba ako mag contribute ng kanta sa inyo..madami kasi akong compose na mga kanta..

William said...

arvin, add mo ako sa facebook. dun tayo mag-usap. Ito e-mail add ko, makata1123@yahoo.com. thanks

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...