Sunday, July 3, 2011

Maaliw at Mabaliw sa This is a Crazy Planets ni Ernest Lourd de Verya


Hindi nauubusan ng angas at talento itong si Ernest Lourd H. de Veyra. Kasabay ng kanyang pagiging bokalista ng bandang Radio Active Sago Project ay bigla na lang siyang naging TV Personality sa isa sa mga higanteng istasyon ng telebisyon sa bansa. At ngayon nga ay nakapaglathala rin ng libro- The Best of This is a Crazy Planets.

Ang nasabing libro ay binubuo ng tatlumpu’t isang sanaysay. Ang dalawumpu’t walo rito ay unang nailathala sa Spot.ph blog habang ang tatlong natitira naman ay sa mismong libro pa lang nailathala. Ngunit bago mailathala ang librong ito ay nakapaglathala na siya ng tatlo pang libro na puro patungkol sa tula. Ang mga ito ay ang Subtererranean Thought Parade, Shadowboxing in Headphones at Incestissimo. Ang huling libro ng tula ay nailathala ngayong taon lang din.

Naisip na rin naman dati ng manunulat na ito na mailalathala ang mga kalipunan ng sanaysay sa blog ni Lourd. ‘Di na rin ito nakapagtataka dahil maraming tumatangkilik sa kanyang blog. Isa pa, si Lourd ay isang mamamahayag hindi lamang sa telebisyon kundi nagsusulat din siya sa broodsheet. Kung kaya’t bihasa na siya sa pagbibigay ng opinyon sa publiko. Matalas ang pihit ng isip at dila ni Lourd sa mga isyung panlipunan.
Ngunit ‘di sa paraang maapoy na komentaryo ngunit sa paraang nakaaaliw. Dahil may kasama itong pagpapatawa. Sino’ng may sabing ang mga makata katulad ni Lourd ay mahirap arukin? Ngunit ‘di lamang ito ordinaryong pagpapatawa ang istilong ‘mockery.’
Layon din nitong makapagpamulat ng mga tao lalung-lalo na ng mga nasa poder ng kapangyarihan.

Sa libro ay tinalakay ang isyu mula sa mga kilalang personalidad gaya nina Kris Aquino, Manny Pacquiao, Hidden Kho, Katrina Halili at marami iba pa. Bakit tayo interesado sa kanila at ano ang epekto nila sa buhay natin? Bakit ultimo kaliit-liitang detalye tungkol sa kanila ay pinag-uusapan? Hay, iba talaga ang sikat!

Napagtuunan din ng pansin ni Lourd ang mga pasaway na mga killer buses na nagkalat sa Kamaynilaan. Pati na rin ang mga taxi drayber na namimili ng pasahero at nandaraya sa metro. Para kay Lourd, bunga ito ‘di lamang ng kawalang-disiplina kundi pati na rin ng mismong kawalan ng kaalaman sa batas trapiko. Marami kasing nakalulusot, kahit sino na lang ay akakakuha ng lisensya kahit yaong mga bulag pa!

Sinapul din sa libro ang kulturang popular katulad ng fashion, pelikulang Pinoy, AM Radio, Jejemon, musika ni Rico J. Puno at iba pang mang-aawit. Naipapaalala sa atin ni Lourd ang ilang mga kaganapan noon at inihambing niya ang mga ito sa kasalukuyan. Maging ang kinabukasan ay kanya na ring hinagip, ito ay sa “Inventions We’d Like to See in 2012.

May payo rin si Lourd sa mga kababayan natin na masyadong mataaas ang pagtingin sa sarili o sabihin nating yaong mga nagmamaganda! Ito ay mababasa sa sanaysay na “Umasal Lamang Ayon sa Ganda.” Samantala, sa “Sa Ikaaayos ng Mundo, ‘Wag Magsando.” Hindi sa ayaw ng sando ni Lourd kundi dapat na nasa tamang lugar ang pagsusuot nito. Nakakaalibadbad nga namang makakita ng mga nakasando na mahahaba ang buhok sa kili-kili at pawisan pa lalo na kapag kumakain ka sa restawran. O ‘yun bang biglang magtataas ng kamay habang nakasakay ka sa MRT o ‘di-kaya’y sa dyip.

Ayos lang kay Lourd kahit may mga tao na hindi natutuwa sa kanyang panulat at magkomento pa ang mga ito ng negatibo. Basta ayon sa kanya, huwag mo lang pakikialaman ang kanyang ilong at hairline. Tiyak d’yan na kayo magkakatalo. Mas maganda kung wala na lang personalan, sa isyu lang dapat pomukos.

Kung gustong maaliw at mapaisip ay dapat lamang na basahin ang librong ito ni Lourd. Sa huli ay masasabi mong pambihira talaga ang mga analisasyong ginawa ni Lourd sa iba’t ibang paksa. ‘Ika nga ng mga paboritong ekspresyon ng marami sa atin ngayon, “Wasak!”

1 comment:

MartinTC said...

Meron pala siyang libro! Astig talaga to si Lourd! Isa ako sa mga humahanga sa kanya!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...