Monday, June 27, 2011

Palawan Underground River: Pambato ng Pinas sa New 7 Wonders of The World

Ang Pilipinas ay punung-puno ng magagandang tanawin saan mang dako pumaroon. Kaya’t ‘di nakapagtatakang maraming turista ang dumadayo sa atin taun-taon para mamasyal. Kabilang sa dinadayo ng mga turista, mapa-dayuhan man o mga Pinoy ang Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP). Ngayon ay kasali ito sa pinagpipilian para mapasama sa New 7 Wonders of The World na inorganisa ng New 7 Wonders na itinatag at pinamamahalaan ni Benard Weber.

Ang  PPSRNP ay matatagpuan sa Saint Paul Mountain Range sa Nothern Coast ng isla. Nasa pagitan ito ng Saint Paul Bay at ng Babuyan River. Taong 1992 nang pangasiwaan ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa ang naturang pasyalan. Tinatayang may habang 8.2 kilometro ang underground river na ito.

Taong 2007 nang ito ay kilalanin bilang pinakamahabang underground river sa buong mundo. Bukod dito ay itinuturing din itong pinakamahalagang gubat sa asya dahil sa tulong nito sa eco-system sa dagat at gubat. Samantalang noong Disyembre 4, 1999 ay isinama ng UNESCO ang underground river na ito sa talaan ng World Heritage Site.

Napakagandang pagmasdan ang mga stalactites at stalagmites sa loob ng kuweba. Nagkalat din sa paligid ng kuweba ang iba’t ibang uri ng mga halaman at bulaklak. Pinamumugaran din ng maraming uri ng mga ibon kaya’t naman aliw na aliw ang mga turistang dumadayo rito dahil sa dami ng magagandang nakikita. Maganda rin sa pakiramdam dahil anila’y malamyos na hangin ang umiihip dito.

Sa darating na Hulyo 28 ay idedeklara ang dalawampu’t walong finalist. Hindi rin madaling mapabilang dito dahil nasa apatnadaan at apatnapu’t isa ang kalahok. Siyempre, sasalain pa itong mabuti dahil sa huli ay pito lang naman ang makapapasok. Ngunit hindi imposibleng mapasama ang ating pambato kung bawat isa sa atin ay boboto online para tanghaling isa sa bagong pitong lugar na kahanga-hanga sa mundo.


Bilang suporta para mapasama sa New 7 Wonders of The World ang PPSRNP
kamakailan lang ay nagkaroon pa ng konsierto para rito. Ito ay tinawag na Tunog Wonderground kung saan ay itinampok ang mga kilalang mang-aawit na sina  Ogie Alcasid, Dingdong Avanzado, Noel Cabangon, Lolita Carbon, Jim Paredes, Gloc 9, Bituin Escalante atbp. Bukod sa mga solo artist ay nakiisa rin ang mga banda gaya ng River Maya, Rocksteddy, Franco atbp. Naging matagumpay naman ang nasabing konsierto na ginanap na Quezon City Memorial Circle dahil marami ang dumalo. Umaasa ang mga organizer na ikakampanya ng lahat ng dumalo na iboto ang PPSRNP. Sa pamamagitan nito ay maipapakita natin sa buong mundo ang pagkakaisa nating mga Pinoy.

Ang botohan ay matatapos sa Nobyembre 10 at kinabukasan ay malalaman agad kung anu-anong lugar ang mapapasama sa New 7 Wonders of The World. Para makaboto i-text ang PPUR, PPUR7 (para sa pitong boto), o PPUR15 (para sa 15 boto) at ipadala sa 2861.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...