Friday, June 3, 2011

Librong Alay sa Pinoy FB Users


SADYANG matindi ang epek­to ng Facebook (FB) dahil na­ging bahagi na ito ng pang-araw-araw na buhay. Hindi lamang nating mga Pinoy, kundi pati na rin ng iba’t ibang lahi sa mundo. Hindi lamang ito basta daluyan ng komunikasyon kundi sa pamamagitan din nito ay nailalabas ng indibi­dwal ang kanyang saloobin o naibabahagi sa mga ka-FB ang kung anuman ang nangyayari sa kanyang buhay sa kasalukuyan. Kumbaga, nagmimis­tula itong salamin ng ating pagkatao.

Kung tutuusin ay magkasabay lang na pumasok ang Facebook at Friendster noong taong 2004. Pero mas naunang pumatok sa atin ang Friendster. Taong 2008 lang nang unti-unting naengganyo rito ang mga Pinoy. Hanggang sa mapangibabawan nito ang Friendster at kamakailan lang ay nagpasya ang pamunuan ng Friendster na magpalit ng format. Mula sa pagiging social networking site ay ninais nilang sa pagiging entertainment site na lang malinya. Tinanggap na nila na ang mundo ngayon ay pinaghaharian na ng Facebook.

Bakit hindi? Eh, mas ginawang kapana-panabik ng FB ang social networking site dahil sa paglalagay ng mara­ming features kaya naman mas maraming nagagawa rito ang users.

Kung may isa mang naapektuhan nang matindi ng FB ay ako na ‘yun dahil nakapagsulat ako ng libro tungkol dito. Oktubre lang noong nakaraang taon nang umpi­sahan ng inyong lingkod ang manuscript nito. Pagkatapos mabuo ang draft ay ipinasa ko agad ito sa aking publi­sher—ang Psicom. Malaki ang aking tiwala na lulusot ito dahil sa napapanahon ang tema at mukhang magtatagal pa ang adiksiyon ng mga tao sa FB. Wala naman kasi itong matinding kakumpetensiya. Enero na nang maaprubahan ang manuscript at pagkatapos lang ng ilang buwang paghihintay ay lumabas na ito sa malalaking tindahan ng libro sa Pilipinas.

Nakatutuwang malaman na nakasabay pa ito ng paglabas ng libro ni David Pogue ng New York Times. Ang ka­nyang libro ay pinamagatang “The Facebook Effect.” Si David Pogue rin ang nagsulat ng librong “The World According to Twitter.” Habang isinusulat ko ang aking libro ay ‘di ko pa alam na may gumagawa na rin pala ng libro tungkol sa networking site. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ‘in’ na ‘in’ ang FB sa kasalukuyan.

Siyempre, ang “Adik sa Face­book” ay nakabase sa istilo ng mga Pinoy kung paano natin gamitin ang FB. Isinulat sa paraang kaiga-igaya o kuwela para hindi nakaiinip basahin. Mababasa ang maraming ob­serbasyon mula sa paggamit ng pangalan, pagsusulat sa status, pagpapaskil ng mga litrato at marami pang iba. Lumikha rin ang FB ng sariling karanasan at naiugnay rin sa mga dati pang karanasan. Masasabing lumalabas din ang pagiging masayahin natin sa FB dahil sa pagla­lagay ng samu’t saring bagay na nagpapangiti sa bawat nakakikita rito.

Isang malaking karangalan para sa akin na makakuha ng komento mula sa komedyan­teng si Tado Jimenez at sa astig na manunulat na si Eros Atalia. Kung may Facebook ka ay siguradong makare-relate sa librong ito.

R

2 comments:

Anonymous said...

anong bang terms ng pagpapublish niyo ng articles? halimbawa may compilation ako, paano ko maipapasa? saan? at tsaka paano masasabing napili at maipapublish na? reply nga po.thanks a lot. hope to hear from you asap... www.facebook.com/marikrivera

Joy Ofilan said...

Kabibili ko lang po nito last feb 4. Last year pa pala 'to. hehehe. Tumpak lahat ng nasa libro nyo sir. Bibili pa ko ng iba pang libro mo. Sana may promo. hehe.. (buy 1 take 2) God bless!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...