Si Jun Cruz Reyes ay maituturing na hari ng post-modernong Panitikan sa Pilipinas pagdating sa pagsusulat ng kuwento. Mas kilala siya bilang ‘Amang Jun’ sa mga batang manunulat. Ang kanyang istilo ay hindi umaayon sa tradisyon. Mula nang unang gawin niya ang kanyang unang kuwento (Isang Lumang Kuwento) noong taong 1973 at makilala siya sa kuwento niyang ‘Utos ng Hari’ ay hindi pa rin siya lumalayo sa pagwasak sa kumbensyon na paraan ng pagkukuwento. Bago pa man dumating si Bob Ong ay nand’yan na siya.
Mabuting basahin ang bagong nobela ni Amang Jun na pinamagatang ‘Ang Huling Dalagang Bukid at Ang Autobiography na Mali, Isang Imbestigasyon.’ Alamin ang kuwento sa likod ng kuwento sa pagsusulat ng isang nobelang hindi tapos at kung paano naipasok ang autobiography ng manunulat.
Maaari bang magsama ang piksyon at ‘di-piksyon kung nobela ang pag-uusapan? Bakit hindi, yamang ang piksyon naman ay hinugot sa realidad. Katunayan, ang bago niyang libro ay nagkukuwento tungkol sa proseso ng paggawa ng kanyang nobelang binalak sulatin. Gagawin pa nga itong gawing documentary film kaso ay nabitin din. Hindi matahimik si Amang Jun kung kaya’t hindi niya hinayaang mabaon na lamang ito sa limot. Ngunit imbes na tapusin ang nobela ay binigyan niya ito ng bagong anyo at ito nga ang naging resulta.
Nakasentro ang ‘Ang Huling Dalagang Bukid’ sa bayan ng Wakas kung saan ay napabayaan na ang mga bukid dahil wala nang gustong maging magsasaka. Sa halip ay ang pangingibang-bayan ang solusyon para makatikim ng asenso sa buhay. Ang bukid ay nakunberte sa subdibsiyon, golf course at iba. Dati-rati ay ang mga lalaking may matitipunong katawan lang ang umaalis na karamihan ay nagiging construction worker sa Saudi. ‘Di naglaon ay ang batang kababaihan naman ang sumunod, na pumasok sa pagiging entertainer sa Japan.
Hindi natapos gawin ni Amang Jun noon ang nobela dahil may banta sa kanyang buhay kapag umuuwi siya sa kanyang bayan sa may Hagunoy, Bulacan. Sa bayan niya kasi siya kumuha ng mga karakter sa kanyang kuwento. Nag-interbyu pa nga siya ng isang entertainer sa Japan. Napag-iinitan siya ng ilang nasa kapangyarihan dahil sa pagiging makamasa ng kanyang panulat. Palibhasa ay may nasasagasaan ang kanilang ego kung kaya’t ganoon na lamang ang kanilang reaksyon. Dahil sa nailahad naman sa ‘Ang Huling Dalagang Bukid’ ang kanyang mga nais talakayin ay mistulang tapos na rin ang nobela. Ang kuwento ng bayan ng Wakas ay kumakatawan sa kabuuang-anyo ng Pilipinas kung saan ang pangingibang-bayan ang solusyon n gating mga kababayan para matakasan ang hirap ng buhay.
Gaya nang nasabi, tinalakay ni Amang Jun ang kanyang autobiography. Nailaysay niya nang malinaw at buhay na buhay ang iba’t ibang totoong karakter sa kanyang bayan sa Bulacan. Mula sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay, barkada at iba pa. Mula pagkapaslit hanggang sa maging magturo siya sa U.P. ay kanya ring naikuwento. Waring ikinuwento niya rin ang mga ito para maunawaan ng mga mambabasa kung paano ba siya nahubog bilang manunulat at kung bakit ayaw niya sa mga bagay na dogmatic o tradisyunal.
Dahil sa pagiging post-modernong manunulat ay itinuturing ng ilang kritiko lalo na ‘yung nakaangkla pa rin sa tradisyon na mali ang kanyang paraan ng pagsusulat. Mahilig kasing gumamit si Amang Jun ng mga salitang balbal na inaayawan nila. Para kasi sa kanila ay mayroong pamantayang dapat na sinusunod sa pagkukuwento. Hanggang pati ang tamang pagkilala sa kung ano ang katangiang dapat na taglayin ng isang manunulat ay pinakialaman na rin nila.
Kapag sinabi kasing nobela, ang alam lang ng marami ay isa itong buong kuwento na nakasentro lamang sa isang paksa. May malinaw na simula at wakas. At hindi puwedeng magsanib ang kuwento at sanaysay. Ngunit sa ginawa niya, pinapatunayan niya lang na puwede ang hindi puwede!
Para sa iba pang babasahin.
2 comments:
di ko pa nababasa iyan..
Mapanuri, maalam, mapagpalaya. ‘Yan ang aking makabuluhan at kakaibang pagdanas sa panitikang ala Jun Cruz Reyes. Pinagtibay nito ang aking ugnay bilang mambabasa sa labas ng pahina. Ang Huling Dalagang Bukid ay nangahas hubaran ng maskara ang isang maselan, mapait, at mapangahas na paksa. Binangga niya ito sa natatanging pamamaraang nalalaman niya, ang pagsulat (ng nobelang hindi tapos sa pinagsamang anyo ng sanaysay at kwento na di ko mawari kung fiction o non-fiction.)
Post a Comment