Tuesday, April 5, 2011

Ang Misteryosong Manunulat na si Bob Ong


Siya si Klaro, isang kartunista at kaibigan ni Bob Ong. Siya ang isa sa nakaaalam kung sino ba talaga si Bob Ong.


Lipas na ang panahon kung saan palasak ang paggamit ng pen name o alyas sa panulat. Noong araw, ginagamit ito para itago ang tunay na pagkakakilanlan ng isang manunulat. Ang ilan kasi ay mapanuligsa ang mga isinusulat kaya’t para mas malayang makapang-atake ay gumagamit ng pen name. Bahagi na rin ito ng pag-iingat para ‘di agad matunton ng kalaban. Samantalang ang ilang kababaihang manunulat naman noon ay gumagamit ng pen name na pang-lalake. Mas tanggap kasi ng mga mambabasa noon ang mga lalaking manunulat kumpara sa kababaihan.

Ngunit ang sikat na manunulat na si Bob Ong na nakapagsulat na ng walong libro ay bakit mistulang nagtatago pa rin sa likod ng isang alyas? Gayung sa panahong ito ay may mas kalayaang ipahayag ng isang manunulat ang kanyang mga saloobin. Isa lang ang maaaring sagot d’yan, nais niyang manatiling misteryoso. Kung makikita siya ng publiko, malamang ay dinumog na siya. Sa dami ba naman ng kanyang taga-hanga na matagal nang nasasabik na malaman kung sino ba talaga siya.

Madaling tinanggap ng mga mambabasa si Bob Ong dahil sa kapayakan ng kanyang panulat. Madaling maintindihan ng kahit na sino. Parang barkada lang ang kausap mo, ‘ika nga. Nakaugnay agad ang mga mambabasa sa kanyang mga isinusulat dahil totoong nangyayari ang mga ito at naranasan ng bawat isa sa atin. Katulad ng libro niyang ABNKKBSNPLAKO. Sino ba sa atin ang ‘di dumaan sa elementarya?

Nagsimula lang ang lahat sa blog na tinatawag na Bobong Pinoy, kung saan ay pinag-uusapan ng mga bumibisita ang kahinaan nating mga Pinoy. Sa pangalan na rin mismo ng blog nakuha ang alyas na Bob Ong. Base sa pagpapakilala niya sa kanyang sarili sa isa niyang libro, nasubukan na rin niyang maging guro at mamasukan sa opisina bago maging manunulat. Base pa sa kanyang kuwento, siya ay batang 80’s. Makikita ito sa ika-pito niyang libro na Kapitan Sino na ang setting ay noong Dekada 80.

Dahil si Bob Ong ay isang misteryoso ay maraming haka-haka ang nabuo tungkol sa kanya. May nagpapalagay na si Bob Ong ay isang babae. May nagpapalagay din na hindi lamang siya iisang tao dahil sa paiba-iba nitong istilo sa pagsusulat. May mga naniniwala namang hindi basta-basta lamang si Bob Ong dahil sa pagiging henyo nito sa pagsusulat. Sabi nga ng isa sa tagapagtaguyod ng panitikan sa Pilipinas na si Isagani Cruz, sadyang may alam sa literatura si Bob Ong. Dahil dito, may mga nagpapalagay na taga-akademiya rin ito. ‘Di niya maihayag ang kanyang sarili sa loob ng akademya kaya’t lumikha ng mga librong taliwas sa itinuturo sa mga paaralan.

Diyata’t nangungunang tagasaway si Bob Ong ng kumbensiyonal na paraan ng pagkukuwento. Bukod sa nilalaman ng kanyang mga libro, sa itsura pa lang ng cover ay kapansin-pansin na ang pagtaliwas nito sa karaniwang mga libro. Sa librong Bakit Baligtad Magbasa ang Mga Pilipino ay baligtad din ang cover nito. Samantalang sa libro niyang Paboritong Libro ni Hudas, wala sa mismong cover ang titulo ng libro kundi nasa ekstrang papel lang ito na ipinapasok sa libro. Nanggulat din si Bob Ong nang gawin niya ang Alamat ng Gubat na mukhang librong pambata. Pero hindi, dahil may tema itong pulitikal.

Paiba-iba rin ng istilo si Bob Ong mula sa pagsusulat ng non-fiction ay nag-fiction na siya. Ayaw niya kasing patali sa isang genre lamang. Nagtagumpay naman siya rito dahil kahit ano ang sulatin niya ay nagiging best seller sa bookstores. Katunayan, ang pinakabago niyang libro na Mga Kaibigan ni Mama Susan ay tungkol sa horror, na ang pagkakasulat ay gaya ng isang diary.

Hindi lamang sa mga mambabasa nakaapekto o nakaimpluwensiya si Bob Ong kundi pati na rin sa mga manunulat. Paano kasi ang ibang manunulat na nagsusulat ng librong may halong katatawanan ay madalas maiugnay kay Bob Ong. Madali na para sa ibang mambabasa ang magbansag ng gaya-gaya lamang sa kanya. Gayung ang bawat manunulat ay may kanya-kanyang karanasan at mga kaisipang ibig ipahayag. May mga mambabasa rin na walang ibang nakikilalang manunulat na Pinoy kundi si Bob Ong lang. Ngunit ‘di na ito kasalanan ni Bob Ong. Nangangahulugan lamang na ganyan katindi ang kanyang dating. Maituturing na nga siyang isang institusyon sa modernong pantikan sa Pilipinas. Kung kailan niya ipapaalam sa publiko ang tunay niyang katauhan ay siya lamang ang nakaaalam.

Para sa iba pang babasahin.

2 comments:

Hya said...

pa'no niyo po nakilalang si Klaro yan? At mapapatunayan niyo ho ba sa'min. :)

Anonymous said...

Lahat po ng sinabi nyo ay totoo. napaka misteryoso ni Bob Ong at sa palagay ko ay ito ang isag dahilan kung bakit mas tinatangkilik pa sya ng mga mambabasa.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...