Monday, March 21, 2011

Biyaheng Abra



Ang inyong lingkod kasama si La Paz Mayor JB Bernos

Ang Abra ay napakapayak na lugar dahil simple lang ang pamumuhay dito. Binubuo ito ng dalawampu’t limang bayan. Kamakailan lamang ay nagawi kami sa bayan ng La Paz upang bisitahin ang mayor nilang si JB Bernos. Mga anim hanggang pitong oras ang biyahe rito mula Maynila papunta rito.

Tulad ng ibang mga probinsya ay pagsasaka at paghahayupan ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tao rito. Habang nagbibiyahe ay kapansin-pansin na parang karaniwan na lamang ang mga bakang tumatawid sa kalsada. Kaya’t kinakailangang magdahan-dahan sa pagmamaneho para ‘di mabundol ang mga ito.

Siyempre, maganda rin ang mga tanawin. Presko ang lugar dahil napapalibutan ng mga puno. Malayo sa lunsod na puro polusyon ang hanging nalalanghap.

Inaakala ng marami na ang Abra ay napakagulong lugar dahil sa mga naibabalita sa telebisyon at pahayagan na mga awayan doon ng mga pulitiko. Ngunit karaniwan na lang naman ang ganito. Kung tutuusin ay mas magulo pa nga sa ibang lugar. Kung may karahasan mang nangyayaring may kinalaman sa pulitika ay manaka-naka lamang ito. Ikinalungkot tuloy ni Mayor Bernos ang ganitong pagpapalaki ng balita ng mga nasa midya dahil nagiging masama ang imahe ng Abra sa paningin ng publiko.

Kung matatandaan ay ginawa pa ngang hot spot ng Comelec ang Abra noong Eleksyon 2010.Sinisiguro ng mayor ng La Paz na tahimik talaga sa kanilang probinsiya. Normal lang ang pamumuhay ng mga tao roon at walang nararamdamang takot baka kung ano ang mangyari sa kanila. Kaya’t sa mga nagnanais bumisita sa kanilang probinsya lalung-lalo na yaong mga investor ay huwag mag-aalinlangan.

Magiliw din sa mga bisita ang mga taga-Abra dahil inaasikaso nila nang husto ang kanilang mga panauhin. Na siya namang tatak na ng sinumang Pinoy, na basta’t may bisita ay nagpapakita ng kabutihan.

Pinatikim kami ni Mayor Bernos ng kanilang masarap na mga putahe. Katulad ng longganisa na gawa mismo sa kanilang probinsya. Halos wala itong pinagkaiba sa longganisang gawa sa Lucban, Quezon na sikat sa paggawa ng longganisa. Mayroon pang itlog ng hantik na seasonal lang diumano nakukuha dahil minsan lang naman mangitlog ang hantik sa loob ng isang taon. Natanong ko tuloy si Mayor Bernos kung kumakain din sila ng salagubang ay sinabi niyang ‘oo.’ Minsan na rin kasi akong nakatikim ng ganito nang minsang magtungo ako sa Ilocos Sur. Magkatabi lamang ang dalawang naturang probinsiya.

Pinatikim din kami ng isda na kung tawagin nila ay ‘kapa.’ Ang isdang ito ay tanging sa Abra lang diumano matatagpuan. Masarap din ang maliit at puting hipon na inihain sa amin. Mayroon din silang danggit na talaga namang napakalutong kainin. Dahil ang Abra ay bahagi ng Ilocandia ay masarap din ang kanilang pakbet. Sayang nga lang at walang papaitan na hinahanap-hanap ng aking panlasa. Tunay nga namang isang ‘di makalilimutang karanasan ang pagpasyal namin sa abra. Bukod sa napakatahimik na lugar ay masasarap din ang pagkain.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...