Kapag nagawi ka sa Burnham Park sa may Baguio City, hindi puwedeng hindi mo mapapansin ang isang nagtitinda roon ng kape. Kung manamit kasi ay talaga namang nakapustora na akala mo ay pormang mayaman na animo’y gagad sa Amerika o ‘di-kaya’y sa Europa. Kaya naman kapag inalok ka niya ng kape ay hindi mo siya matatanggihan dahil natuwa ka sa kanyang itsura. Saan ka ba naman makakakita ng ganitong klase na nagtitinda ng kape kundi siya lang?
Si Carlito Ruasol o mas kilala sa tawag na Mr. Hot ay limampu’t apat na taong gulang at tubong Laguna. Dekada ‘70 pa nang manirahan siya sa may Baguio. Dati siyang barista sa mga hotel subali’t mas ninais niya na magtinda na lang ng kape sa Burnham Park. Kung tawagin nga ang gaya niya ay ‘Coffe Star Patrol.’ Hindi lamang kape ang kanyang iniaalok. Kung gusto mo ng tsokolate o kahit pa ng cereal ay mayroon din siya. Sa ngayon ay may limang taon na niya itong ginagawa. Pero wala pang isang taon nang pumustora si Mr. Hot. “Mas maganda na rin ito, may sarili akong kita kaysa namamasukan pa. Saka tumatanda na rin ako, ayaw ko nang bumalik sa mga hotel,” pahayag ni Mr. Hot.
Itinuturing niyang isang seryosong propesyon ang kanyang ginagawa at hindi basta nagtitinda lang ng kape. Masaya siya dahil sumasapat naman ang kanyang kinikita sa pangangailangan ng kanyang pamilya. Malakas diumano ang kanyang kape lalo na kapag umagang-umaga. Alam naman natin na malamig ang klima sa bagyo kung kaya’t masarap talaga ang magkape anumang oras na iyong gustuhin.
Sariling ideya lamang ni Mr. Hot ang kanyang porma. Talagang dinebelop niya ang kanyang sarili para maging kaaya-aya sa paningin ng mga tao. Iba-iba ang kumbinasyon ng kanyang damit, may kulay pula, may itim at mayroon ding black and white. “Nakita ko kasi sa ibang magkakape na ayaw silang kagatin ng kostumer dahil siguro nga hindi nila nagugustuhan ang attire nila,” sabi pa niya. Hindi niya ito ginagawa para maging bida bagkus ay nais lamang niyang mabuhay. Wala naman siyang sikreto. Bukod sa pagkakaroon ng magarang porma ay maayos ang pagbibigay niya ng serbisyo sa mga kostumer. Hindi niya ring nakalilimutang maging magalang at magiliw sa kanila.
Maraming mga regular na kostumer si Mr. Hot. Mula sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Baguio hanggang sa mga nagdi-jogging sa Burnham Park tuwing umaga. Siyempre, kahit mga dayo ay sa kanya bumibili ng kape dahil pamilyar na sa kanila ang kanyang mukha. Ilang beses na rin kasing nainterbyu si Mr. Hot ng malalaking TV network at ng iba’t ibang pahayagan at magasin. Hindi lamang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa Thailand, Malaysia, US, Korea at Japan. Hindi niya akalaing dahil sa kanyang pananamit ay magiging ganito katindi ang magiging dating niya sa mga tao.
Hindi lamang mga turista ang nartutuwa kay Mr. Hot kundi pati na rin ang lokal na pamahalaan. Dahil kasi nagmistula siyang ‘tourist attraction’ sa Burnham Park. Ang sabi nga ng isang manunulat na Koreano sa sinusulatan nitong magasin, na kapag sinabing Burnham Park ay kakabit na nito ang pangalan ni Mr. Hot. Isa pa, nakatutulong din siya sa pagbibigay ng impormasyon sa mga tao kung ano ba ang bagong kaganapan sa Baguio. Katunayan nang makausap siya ng mamamahayag na ito ay may dala-dala itong brochure hinggil sa schedule ng Panabengga.
Pinapatunayan lamang ng kanyang kuwento na sa pamamagitan ng konting gimik ay puwedeng mag-klik ang ginagawa. ‘Yan si Mr. Hot, kumbaga sa kape ay walang kasing init, umusok-usok pa!
No comments:
Post a Comment