Si Aling Auring ay 74 anyos na subali’t wala sa isip niya ang tumigil sa pagtratrabaho tutal ay kayang-kaya pa naman daw niya. Tulad ng iba ay dumaan din siya sa maraming pagsubok bago narating ang estado sa kasalukuyan. Nagmula siya mula sa mahirap na pamilya sa Batangas at bata pa lang ay isinasama na siya ng kanyang ama para bumili ng mga paninda sa Divisoria. ‘Di nagtagal ay napaslang ang kanyang ama sa isang bus hold-up. Ngunit ang mga natutunan mula sa ama ay nakintal na sa kanyang puso’t isipan. Isang araw ay natagpuan na lang niya ang kanyang sarili na nagtitinda ng kasoy gamit ang kariton sa harap ng Simbahan ng Antipolo. Tiniis niya ang araw at ulan para lang makapagtinda at madalas din diumano siyang habulin noon ng mga pulis dahil wala siyang lisensiya para magtinda.
Dahil sa likas na ang pagiging matiyaga at may determinasyon sa buhay ay iba’t ibang negosyo ang kanyang pinasok. Nanduong magtayo siya ng pang-wholesale na tindahan sa may palengke, naging bus at jeepney operator din siya atbp. May nakapansin sa kanya sa husay sa paghawak ng negosyo at kinuha pa siya bilang distributor ng kilalang kumpanya na gumagawa ng alak sa loob ng maraming taon. Ngunit sa ‘di inaasahang dahilan bigla na lang siyang inalis sa trabaho ng kumpanyang pinapasukan. Imbes na panghinaan ng loob ay ginamit niya ang pagkakataon para muling makaalagwa at ituloy ang hilig sa pagnenegosyo. Siyempre, hindi siya nabigo dahil lahat ng kanyang pinapasok na negosyo ay lumalago. Siya raw kasi ang tipo ng tao na kapag naumpisahan ang isang bagay ay kailangan itong ituloy anuman ang maging kapalit.
Ngunit paano ba nagawa lahat ito ni Aling Auring? Ayon kasi sa kanya ay isa siyang college drop out! Ang lagi raw niyang iniisip sa pagnenegosyo ay kung ano’ng kailangan ng tao ay ‘yun ang ibinibigay niya. Bago rin daw niya pasukin ang anumang negosyo ay pinag-aaralan niya muna itong mabuti. Bukod sa pagsasaliksik ay dumadalo rin siya sa mga seminar at training courses tulad sa Asian Institution Management. Katunayan ay napakarami niyang mga certifiacates of attendance at plake mula sa mga dinaluhan niyang pag-aaral sa pagnenegosyo. Isa sa kanyang ipinagmamalaking plake ay noong makapagtapos siya ng MBA Class sa University of the Philippines.
Ngunit sadyang uhaw pa rin siya sa karunungan kaya't kung saan may seminar na alam niyang may matututunan siya ay kanyang dinadaluhan. Sa kasalukuyan,pinasok na rin ni Aling Auring ang construction business. Naniniwala siya na kung nagtagumpay siya sa kanyang mga negosyong pinasok ay magagawa niya rin dito.
1 comment:
hanga ako sa kanya...
Post a Comment