Mga paru-parong mapaghimagsik ang namukad
Sumasabay sa ihip ng hangin at lumilipad
Bahaghari ang pangarap sa pakikipagtalad.
Hinahawan ang matinik at madawag na syudad
Sinasalakay ang pulutong ng sanlaksang higad
Saanman lumakad mga insekto’y masasabad
Malakas ang pwersa ng malalaking personalidad.
Nagsipagtaas ang mga mapanirang damo
Mahirap bunutin ang ugat at pinakapuno
Paano matatagpas iyang buktot na anino?
Kung masusugatan ka mula paa hanggang ulo.
Nagdadagitan sa taas ang agila’t bwitre
Kayraming mapuksang mga balang at ibang peste
Sa parang ng digma ay nag-aalab ang guni-guni
Nagliliyab din ang mata ng nakaupong kapre.
Sa talulot ng bulaklak may luhang tumilamsik
Sabay agos ng dugo sa batis ng pagkahindik
Masdan mo ang kulay pulang parang kulay balasik
Kamatayan ang inani sa binhing inihasik.
Kasama, mamitas tayo ng adelpa’t at orkidyas
Ialay sa puntod ng mga nagsipaghimakas.
Hayaang liparin ang halimuyak sa itaas
Huwag bigyang bango ang nasirang talipandas.
No comments:
Post a Comment