Doon sa marurumi’t madidilim na sulok
Kasing laya mo ang agiw sa paglagalag
Ngunit ngayon agiw ka na ring ipinagpag.
Ano’t di makasaklaw ang mga galamay?
Upang lumikha muli ng sariling bahay
Nakakulong na lang sa loob ng posporo
Dibdib mo’y nagsisiklab tulad ng palito.
Hinahanap-hanap mo ang sariwang hangin
Naluluom ang hininga sa bagong dingding
Binigyan pa ng dahon upang h’wag magutom
Gayung kinalulunana’y tila kabaong.
Mistula ka ring gamu-gamong sinisila
Sa kamay ng nilikhang animo’y bathala
Walang kalaban-laban kapag kinukubkob
Gagambang maliit sa pagkasubasob.
Ano’t di kumawala kung merong kamandag?
Bakit di man lang makatakas o pumalag?
Oo nga pala’t bilanggo sa pagkabihag
Katunggakan sa diwang tawagin pang duwag.
Ngayon biglang bumukas ang bahay-posporo
At iyong masdan ang sariling anino
Pinalakad sa ibabaw ng walis-tingting
Upang kapwa gagamba mo ay pabagsakin!
No comments:
Post a Comment