Na noon ay inakala nating wala nang wakas
Kung sa bawat paghagod sa aking noo
Ay sinusundan pa rin ako ng anino
Ng kahapong nagsasama pa tayo at masaya
Na kung minsan ay dinidilig ng luha,
Tinititigan mo rin kaya ang mga larawang
May kung anong ngiti sa ating mga labi
Ipinaghehele sa pagsintang namumukod-tangi
Mga larawang alaala ng pagsuyo
Ba’t patuloy pang kumurot sa puso?
Kahit matagal na tayong nagkalayo.
Hinahaplos ko ang bigay mong alaala
Naiisip kong narito ka at kayakap pa
Paano maaliw ang sarili sa pag-iisa?
Kung sa gunita ka na lang makakasama
Sadyang ang isip ko ay mapaglaro
At ang mukha mo rito ay ayaw maglaho
Hanggang kailan lilinlangin itong sarili
Sa ilusyong narito ka pa sa aking tabi
Sayang at tayo pa ay nagkawalay
Gayung ikaw lang ang tangi kong mahal
Masakit isiping iba na ang iyong kapiling
At kayo na ang nagsasama tuwing takipsilim.
Masilayan ko pa kaya ang ningning ng langit?
Muling madinig ang awit ng ating pag-ibig
Lubhang namamanglaw itong kaluluwa
At tila ibig makiramay angmga tala
Sa puso kong patay ay nakikihimakas
Sumasabay sa pagtugtog ng agunyas
Ngunit ang lahat ay di rito nagtatapos
‘Pagkat puso ay mabubuhay matapos ang unos
Ang damdamin ay paano masusugpo?
Kung nasa kaibuturan ito ng puso
Katulad ng dagat na labis ang lalim
Na di makakaya ninumang arukin.
Kailan muling magtatagpo ang ating landas
Kapag kabataan ba natin ay lumipas?
Matandaan mo pa kaya ang ngalan ko
Kung kapwa na tayo may uban sa ulo?
Manariwa kaya muli sa iyong alaala
Ang mga pinagsaluhan nating ligaya?
Bagama’t igupo ng pagiging hukluban
Ay di ko malilimot ang mga nagdaan
Kung kamatayan man ang sukatan ng pagsintang tunay
Mamatamisin kong ibigin ka habambuhay
Kung saan man ilagak ang iyong bangkay
Ay ibig kong sa tabi ng libingan mo mahimlay.
-Mula sa librong Pagtatalik ng Bolpen at Papel
No comments:
Post a Comment