Sa naninikip na lalamunan
Habang nakatingala sa lawak ng kalangitan
Pinapasok ang amoy sa butuhing dibdib
May bagong ingay ka bang naririnig?
Humihimlay sa hungkag na panaginipLutang na lutang ang isip.
'Di ka naman sapatos na nangangailanganng pandikit
Ngunit lagi't laging may hawak-hawakna plastik
Habang sumisinghot ang rugby na natatakpan ng damit
Bawat salampak sa gilid ng kalsada'y paglilibag
Waring alikabok ka ring ibinabalibag
Dinadalit mo ang salauladong ritwal
Sa lalim ng gabi o kapag tirik ang araw.
Marahil kinakalyo ka ng sama ng loob
Sa 'yong pagbagsak at panandaliang pag-imbulog
Takbo ng oras waring natutulog
Ibig mong limutin ang gutom at uhaw
Maging manhid sa kabila ng kanilang pagdalaw
Kaya't sumisidhi lalo ang pananabik
Pumipitlag ang paghahanap ng 'sang adik.
Kung ang buhay ay paglutang sa alapaap
Ikaw lamang ay isang mumunting kulisap
Na may liwanag na aandap-andap
Ang buong puso't isip mo ay kinaraw
Sa hulagway ng basag na gunam-gunam
Katahimikan mo'y matagal ng nababalam...
No comments:
Post a Comment