Ako ay malaya singlaya ng mga ibon
Hinahagkan anbg mga ulap sa himpapawirin
Wala akong pakialan sa 'yo, sukat at tugma
Yamang mababa ang 'yong lipad
Dahil ang pakpak mo'y nabali.
Matagal ng panahon nang kita'y itinakwil
'Pagkat ang tulad mo'y antigong nasira
Nararapat ibasura at sunugin.
Ako ay alagad ng makatang si Abadilla
Na naghahangad ng reporma noon sa panulaan
Nagtagumpay naman siya sa kanyang layon
Marami ring mga makatang tumatangkilik.
Bakit kapag mayroon bang nagbabasa?
Bibilangin pa bang isa-isa ang mga pantig
Masyado ka lang kasing nagpapasiklab.
Tingnan mo ang marami kong mga eksperimento
Walang sinabi sa tula mong pinagsawaan na
Panahon pa 'yan ng ating mga ninuno
'Di ka ba nabuburat sa ganyang taludtod?
Sukat at tugma:
Ako ang dalit ng dakilang si Balagtas
Unang makatang lauredo ng Pilipinas
Ikaw lang ang nagsabing ako ay kumupas
Ang pag-ibig sa akin ng makata'y wagas.
Magandang bigkasin ang tula kung may tugma
Parang inihihele sa langit ang diwa
Komposisyo ako pagdating sa lirika
'Pagkat taglay ko ay hiwaga at mahika.
Malayang aludturan madaling sulatin
'Di tulad ko dapat na maging malikhain
'Pagkat bawat pantig ay iyong bibilangin
Sa dulo'y may tugma at talinghagang angkin.
Mababaw ka lang at 'di tulad ng mga bugtong
Parang pangungusap na pinagdugtong-dugtong
Tapos ngayon ay masyadong nagmamarunong
Nang-aasar ka yata, anak ng tipaklong!
Malaya naman ako sa tulang de-kahon
Ang isipa'y sa sukat at tugma nakatuon
'Di ako nabubuhay sa lumang panahon
Gayung nasasaklaw ang buong henerasyon.
Ang may-akda:
Makata, ikaw na ang bahalang humabi
Kung aling taludtod ang gusto mong mahabi
Paumanhin kung sila man ay nagtutunggali
Ito kasing lumabas habang nagmumuni.
No comments:
Post a Comment