Doon sa may upuan sa isang maliit na parke sa munting bayan namin sa San Lazaro, may nakita akong babae na nakayuko at umiiyak. Natawag niya ang aking pansin at sa sandaling iyon para siyang batu-balaning humigop sa pagkatao ko kaya hindi ko napigilan ang sarili ko para lapitan siya bagama’t sa pakiwari ko’y nahihiwagaan ako sa kanya.
“Miss, bakit ka umiiyak?”
Bigla siyang tumingin sa akin, malamlam ang kanyang mga mata dahil sa pag-iyak. Napakaganda pala niya, maamo ang mukha, matangos ang ilong, maganda ang hugis ng lagi. Taglay na yata niya ang lahat ng kagandahang hinahanap ko sa isang babae. Bigla kong naramdaman na lumalakas ang pintig ng puso ko. Diyata’t sa isang sansaglit gusto ko na agad siya. Sa buong buhay ko noon lang ako tinamaan agad sa isang babae.
Noong una’y hindi siya kumikibo, siguro dahil hindi pa naman niya ako lubos na kilala. Pero hindi rin siya nakatiis kaya nagsalita siya.
“Wala, malungkot lang ako”, mahinhing sagot niya.
“Eh di kung ganon, hayaan mo lang ako na tumabi sa ‘yo. Pwede mo akong kausapin para di ka malungkot. Huwag kang matakot sa akin, ha? Di naman ako masamang tao eh.”
Ewan ko ba, masyadong palagay ang loob ko sakanya. Alam kong ganun din sya sa akin kasi cool na cool s’ya habang kausap ko samantalang ‘yon pa lang ang una naming pag-uusap at, take note, sa kalaliman pa ng gabi, kakaiba talaga. Iba talaga ang hatak ng magagandang babae, nakakahypnotize, sa loob-loob ko. Para din s’yang alak, nakalalasing.
“‘Di ka ba natatakot na umupo-upo rito? ‘Di mo ba nababalitaan na may gumagalang aswang?” Wala sa loob ko na nasabi ko sa kanya. Gusto ko lang makita kung ano ang magiging reaksyon nya. Pero sa totoo lang, di naman talaga ako naniniwala sa aswang. ‘To see is to believe,’ ika nga.
“Aswang?! Sa panahon ngayon, naniniwala ka pa diyan?” natatawang sabi niya.
Pero sa isip-isip ko kahit may magpakita pang aswang ng gabing yun ‘di ako matatakot. Handa akong ipagtanggol ang babaeng itinitibok ng puson ko, este puso pala.
Rhodora pala ang pangalan niya, napakasimpleng pangalan, bagay na bagay sa kanya na simple rin kung gumayak. Lumipas ang ilang oras, wala akong ibang ginawa kundi ang mambola. Napag-alaman kong bagong lipat pala sila sa lugar namin, ulila na rin siya sa ama at wala s’yang ibang kasama kundi ang kanyang ina na matanda na raw. Hanggang sa nagpaalam na siya sa akin. Gusto ko sana syang ihatid pero ayaw naman niya kaya nakontento na ako. Tutal yun pa lang naman ang una naming pagtatagpo. Alam ko masusundan pa yun dahil hahanap-hanapin ko siya.
“Kailan uli kita makikita?” pahabol na tanong ko sa kanya.
“Kung gusto mo uli akong makita puntahan mo lang uli ako dito! Sige, bye!”
Hindi man lang niya sinabi sa akin kung saan siya nakatira, eh di sana pupuntahan ko na lang siya sa kanila. Pagkauwi sa bahay di ako agad nakatulog. Naiisip ko ang napakaamo niyang mukha. Nakaka-inlove, grabe! Putsa! Daig ko pa ang babaeng kinikilig nang mga oras na yon. Sarap siguro niyang romansahen, este, mahalin pala.
Umaga na.
“Hoy, Hilario! Gumising kang lalake ka, tanghali na!” bulyaw sa akin ng nanay ko.
“Ano ba, inaantok pa ang tao eh?” sabi ko habang pupungas-pungas pa.
Kumakain na kami ng nanay at ng kaptid ko nang magsalita ang nanay ko.
“Alam mo ba na may napatay daw kagabi sa labasan, si Ka Anding? Pinatay daw ng aswang!”
“Ano? Aswang na naman! Ano ba kayo nanay, ang tanda-tanda nyo na, naniniwala pa kayo dyan? Kalokohan!”
“Tumahimik ka ngang damuho ka! Eh sa ‘yun ang balita! Gusto mo bang hambalusin kita? Eh di lumabas ka ng bahay para malaman mo!” asar na asar si Nanay.
Tumahimik na lang ako, binilisan ko ang pagkain para makalabas agad ng bahay at tingnan kung totoo ang balita. Naisip ko si Rhodora, kung may aswang ‘buti di sya napahamak. Dapat kasi nagpahatid siya sa bahay para may bodyguard siya.
Lumabas nga ako ng bahay para makasagap kung ano nga ba ang nangyari. Naabutan ko pang nagkakagulo ang mga tao sa may kakahuyan. Andaming usisero at mayroon ding dalawang pulis na nag-imbestiga. Para ngang hindi tao ang may kagagawan ng pamamaslang. Parang gusto ko nang maniwala na aswang nga ang gumawa nun. Wakwak ang dibdib saka tyan! Wala ang atay at puso ni Ka Anding! Pero malay ko ba kung adik lang ang may gawa nun. Pwede naman yun eh. Ang mga adik pa, eh sira abg ulo ng mga ‘yun!
Naglakad-lakad muna ako nang makita ko si Rhodora na may hawak-hawak na bayong.
“Rhodora, ako na magbubuhat!” alok ko sa kanya.
Pinagbigyan naman nya ako.
“Ihahatid na kita sa inyo!” pagpipilit ko.
Hindi na sya nakatanggi dahil kinulit-kulit ko hanggang nakarating kami sa kanila. Kubo-kubo ang bahay nila, kunsabagay, dalawa lang naman sila ng nanay niya. Napapaligiran ng halaman ang kanilang bakuran. Maya-maya, biglang lumitaw ang nanay niya, mahaba ang buhok nito, malalim kung makatingin, para akong hinihiwa nang titigan ako nito. Para akong kinilabutan, dahil ba sa mabagsik ang anyo nya o ano?
“Halika na Rhodora! Pumasok ka na! Ikaw lalake makakaalis ka na!”
“Pasensya ka na Hill, ha? Masungit lang talaga ang nanay ko.” Medyo nahihiyang sabi niya sabay talikod para pumasok na sa bahay nila.
Nakakatakot pala ang nanay ni Rhodora, parang gustong mangain ng tao kung makatingin. Pero hindi hadlang ‘yun, kailangan kong lakasan ang loob ko dahil ang lakas ng tama ko kay Rhodora. Bakit ako matatakot? Mas natatakot yata ako na mapunta sya sa iba. Kailangang maging kami kahit tumanggi pa ang nanay niya na ligawan ko siya.
Gabi na naman, pinuntahan ko ang dating pinagkakitaan ko kay Rhodora. Gusto ko na uli siyang makita. May isang oras na akong naghihintay, nainip na ako. Paalis na ako nang bigla siyang dumating. Nakangiti siya sa akin kaya’t lalo tuloy akong na-inlove sa kanya.
“Rhodora, akala ko di ka na pupunta dito eh.”
Dalawang linggo ko pa lang siyang nakikilala pero nahulog na ang loob ko sa kanya. Eh siya kaya ganun din? Hindi na ako nakatiis kaya ipinagtapat ko na ang damdamin ko para sa kanya. Para kasi akong makukulob kapag hindi ko nasabi sa kanya. Noong una ayaw pa niya dahil hindi ko pa raw siya lubos na kilala. Pero dahil sa makulit ako, sinagot din niya ako. Pero sabi niya, huwag ko daw siyang pupuntahan sa bahay nila dahil kapag nalaman ng nanay niya tiyak na gagawa ito ng paraan para papaghiwalayin kami. Sa may park na lang daw kami magkikita lagi. Napakasaya ko ko noong gabing ‘yon, sa wakas naangkin ko na rin ang puso ni Rhodora at higit sa lahat maangkin ko na rin ang katawan niya, hehehe.
Kinaumagahan, gaya nang una ginigising na naman ako ng nanay ko. Tapos, habang kumakain kami sinabi na naman sa akin ng nanay ko na nambiktima na naman daw ang aswang. Pero wala akong pakialam sa aswang dahil mas nangibabaw ang saya ko dahil sinagot agad ako ni Rhodora. Hinayaan ko na lang ang nanay ko na magsalita nang magsalita. Napansin ng nanay ko ang saya ko, abot kasi hanggang tainga ang ngiti ko.
“Ano ba ang nakain mo? Ba’t ang saya mo? Tuyo lang naman ang ulam natin ah?” usisa niya.
“Secret,” nakatawang sagot ko.
Lumipas ang isang araw wala akong ginawa kundi isipin si Rhodora. Oh, Rhodora, Rhodora my love! Kaytagal kong pinangarap na makatagpo ng isang tulad niya. Naka-jackpot ako, swerte ko talaga. Sana hindi na kami magkahiwalay pa.
Gabi na naman, naghahanda pa lang ako para pumunta sa tagpuan namin ni Rhodora nang may sumigaw….
“Aswang!!! Aswang!!!”
Natigilan ako at napatakbo sa labas para tingnan kung ano ang ingay na ‘yon. Muntik na raw makapambiktima ang aswang. Mabuti na lang at may dalang itak yung bibiktimahin sana, tinamaan daw ng taga sa tagiliran. Kaso, mabilis pa ring nakatakas ang aswang. Pagkatapos, nang pumasok uli ako sa bahay ay nagpasya akong huwag nang umalis dahil ayaw na rin akong paalisin ng nanay ko. Baka biglang umatake raw uli ang aswang, ako naman ang madale. Hay naku, ang aswang ang matakot sa akin ‘no! Hindi sila sasantuhin ng anting-anting ko. Meron nga ba? Palagay ko hindi rin muna pupunta si Rhodora sa tagpuan namin.
Nang sumunod na gabi ay pumunta uli ako sa tagpuan namin ni Rhodora, pero wala siya. Ganun din ang ginawa ko nang mga sumunod na gabi pero wala pa rin siya. Bakit kaya? Hanggang sa maisip ko na pumunta na lang sa bahay nila, miss na miss ko na kasi siya. Nilakasan ko na lang ang loob ko kahit ba andun pa yung nanay niyang masungit. Kasi pakiramdaman ko para akong mamamatay kapag hindi hindi ko sya makikita. Para na nga akong nilalagnat, nag-aapoy sa init ang dugo ko para sa kanya dahil sa kasabikan.
Kahit madilim papunta sa kanila pinagtiyagaan ko itong lakarin para masilayan ko uli si Rhodora. Hindi ko pinapansin kahit may naririnig akong alulong ng aso.
“Tao po! Rhodora!” tawag ko habang nakatayo sa labas ng bahay nila.
Bumukas ang bintana at natanaw ko si Rhodora. Sumigla uli ang pakiramdam ko nang makita ko siya. Lumabas siya ng bahay at pinuntahan niya ako sabay yaya sa loob ng bahay. Pinaupo niya ako at nagmasid-masid sa loob ng bahay nila habang pinagtitimpla niya ako ng maiinom. Wala naman akong kakaibang nakita, napakasimple nga lang ng kabuuan. Napatingin ako sa dingding at nakita ko ang larawan ng nanay niya na naka-kuwadro. Nakakatakot namang tingnan. Kamukha ni “Aswang,” yung lumalabas lagi sa mga horror movie. Whew!
“O, magkape ka muna.”
“Salamat, ha. Mag-isa ka lang yata dito? Asan pala ang nanay mo? Di ka ba natatakot dito?” sunud-sunod kong tanong.
“Nagbakasyon sa kabilang ibayo, sa kamag-anak namin. Kaya ako lang mag-isa dito. Kaya di ako nakakapunta sa park,’sensya na ha?” malambing na sabi niya sabay hawak sa braso ko.
Naisip ko na napakaswerte ko pala dahil masosolo ko na rin si Rhodora. Nag-usap muna kami nang konti hanggang gumana ang kapilyuhan ko. Una, hinaplus-haplos ko muna ang balikat niya. Hinayaan lang niya ako sa ginagawa ko. Napapapikit lang siya habang nakatitig ako sa maamo niyang mukha. Hinawi ko ang nakalugay niyang buhok saka ko siya hinalikan. Napakalambot ng labi ni Rhodora, ang sarap kagatin, nakakagigil. Unti-unti kaming tumayo at naglakad papunta sa papag nila nang magkayakap. Unti-unti ko siyang hinubaran, syempre pati ako wala na ring saplot sa katawan. Nangyari nga ang bagay na aking inaasahan. Ipinaubaya niya ng buong-buo ang sarili niya sa akin kaya’t lalong nadagdagan ang pagmamahal ko sa kanya. Siya na ang babaeng gusto kong makasama habambuhay. Hindi dahil sa namagitan sa aming dalawa kundi ‘yun ang aking nararamdaman. At, hindi lang basta nararamdaman, para na siyang sangkap ng katawan ko, na kapag nawala ay tiyak na mapipinsala ako.
Iyon na yata ang pinakamasayang bahagi ng buhay ko. Bagama’t hindi ‘yon ang unang pagkakataon na makatikim ako ng romansa espesyal, iba talaga siya. Yun ay dahil sa totoong pag-ibig ang nararamdaman ko sa kanya at hindi lang pagnanasa. Wala na akong ibang hinihiling kundi ang huwag siyang mawala sa piling ko.
“Huwag kang matakot, pananagutan ko naman ito, eh,” paniniguro ko sa kanya.
“Hindi naman ito ang inaalala ko eh. Mahalin mo pa kaya ako kapag nalaman mo ang tunay kong pagkatao?” tanong niya habang nakahilig sa dibdib ko.
“Oo naman, kahit sino ka pa mahal pa rin kita.”
“Kahit sabihin ko na isa akong aswang?”
“Aswang? Huwag ka ngang magbiro ng ganyan.”
“Di ako nagbibiro, gusto mong patunayan ko sa ‘yo?” seryosong tugon nito at walang kakurap-kurap na nakatingin sa akin.
Tumayo siyang bigla, napabangon naman ako at umupo sa papag para tingnan kung ano ang susunod na mangyayari. Natigilan ako, unti-unting nagbago ang anyo niya. Mula sa pagiging maamo ang mukha ay naging aswang siya. Tumulis ang tenga, pumula ang mga mata at nagkaroon ng nakausling pangil. Ngumanga siya at tumutulo pa ang laway. Yaak, kadiri! Ang makinis at maputi niyang balat ay umitim at napuno ng balahibo na gaya ng isang unggoy. Napansin ko rin na nagkaroon din siya ng pakpak sa likod. Ang hirap ipaliwanag kung ano siyang klaseng aswang!
“Diyos ko, totoo nga!”
Sa buhay ko iyon ang first time na makakita ako ng aswang. Pero bakit pa ang mahal kong si Rhodora? Hindi na lang yung mga mukhang aswang diyan sa tabi-tabi. Hindi ako makapaniwala pero nagdudumilat ang katotohanan sa harap ko. Isang aswang ang minamahal ko.
“Ngayon mo sabihin kung mahal mo pa rin ako?!” mariing tanong niya sa akin.
Napansin kong lumuluha siya pero ewan ko, sandali lang ang pagkasindak na naramdaman ko. Mas nangibabaw ang pagmamahal ko sa kanya nang mga sandaling iyon. Imbis na matakot ako sa kanya o mandiri, nilapitan ko siya at niyakap nang buong higpit. Kahit nangangalisag pa ang balahibo sa katawan ko. Ikaw ba naman ang yumakap sa aswang, eh.
“Oo, mahal pa rin kita…” pagkasabi ko nito ay bigla siyang bumalik sa dati niyang anyo at niyakap niya rin ako.
“Kahit aswang ka pa, di magbabago ang pagtingin ko sa iyo.”
Alam kong hindi siya likas na masama, hindi naman niya kasalanan kung ang pinagmulan niya ay lahing aswang. Bikitma lang siya ng pagkakataon. Napatunayan ko na buhay ang pag-ibig, tama si Shakespeare. Kaya kahit aswang pa si Rhodora ganun pa rin ang damdamin ko sa kanya. Alam ko na kahit isa siyang aswang ay hindi niya magagawang patayin ako dahil mahal niya ako.
Isinalaysay niya sa akin na kahit aswang siya ay hindi pa niya nagagawang pumatay ng tao. Ipinagtapat niya sa akin na nanay niya pala ang pumapatay sa lugar namin. Naging mainit sila sa lugar na pinanggalingan nila kaya’t lumipat sila sa lugar namin. Nasa kamag-anak daw nila ang nanay niya ngayon at malapit na itong mamatay dahil napuruhan ng bibiktimahin sana nito.
“Malilimutan mo rin yang pagiging aswang mo. Tutal mag-isa ka na lang, ba’t di ka na lang sumama sa akin? Baka mapa’no ka pa rito sa bahay ninyo?” panghihikayat ko.
“Hayaan mo, pag-iiisipan ko.”
Hanggang isang gabi ay isinama ko siya sa bahay namin at ipinakilala ko sa nanay at kapatid ko.
“Kay-ganda palang bata nito,” puri ng nanay ko na botong-boto kay Rhodora.
“Iba ho kasi itong anak nyo ‘nay, may taste,” buong pagmamalaking sagot ko saka kami nagkatawanan.
“Teka lang, lalabas lang muna ako, bibili ako ng makakain. Kayo na muna ang bahala kay Rhodora.”
Umalis nga ako saglit ng bahay, pagbalik ko ay inabutan kong aswang na si Rhodora. Kitang-kita ko na kinakain niya ang mga lamang-loob ng nanay at kapatid ko. Dali-dali akong kumuha ng itak na nakasiksik sa gilid ng dingding. Pero bago pa ako makalapit ay bahagya niya akong naitulak. Pero kahit anong lakas niya ay nakuha ko pa ring tamaan siya ng itak sa braso. Panay ang sirit ng kanyang dugo. Napahawak pa siya sa braso ko dahil sa sobrang sakit. Habang ininda niya yun, sinamantala ko at tinagpas ko ang leeg niya hanggang sa gumulong ang ulo niya sa sahig.
Napahagulgol ako ng iyak dahil wala na ang lahat na mahal ko sa buhay. Dahil alam ko na kung sakali mang binuhay ko si Rhodora ako naman ang sunod iyang papatayin. Nakalimutan ko rin na kahit ano ang mangyari ang aswang ay aswang pa rin. Hindi ito mababago ng kahit pa ng tunay na pag-ibig. WAKAS
No comments:
Post a Comment