Ginising pati mga kasamahang natutulog
Nagsipag-ahon lahat kahit yaong nakalubog
Dumadagundong ang buong lupa at kumukulog.
Nagkagulo nga ang buong bayan sa nasaksihan
Kay rami ng buwayang naglalakad sa lansangan
Parang may crodocodile's Power, weirdong himagsikan
Napopoot sila't iisa ang nasa isipan.
Walang magawa itong mga pulis at sundalo
Kahit pa ang mga hustler na hunter doon sa Zoo
Pinagbabaril pero 'di tinablan ang mga 'to
Parang may agimat o sapi ng demonyo.
Nagsitungo agad sila roon sa may Kongreso
Nangasindak ang mga nanduon na pulitiko
At kanilang inamoy ang bawat isa kung sino
Sabay lamon sa ilang kongresistang walang puso.
Hindi lang 'yun marami pa silang mga sinugod
Mga buwayang pulis at kapitalistang uod
Maging lider relihiyon na nakakatisod'
Di sila kinahabagan kahit pa manikluhod.
Ang mga mahihirap na tao ay nagdiwang
Nawala na rin sa wakas ang mga mananagpang
Na sa ating lipunan ay laging nagmamatapang
At itong mga buwaya ang bayaning hinirang.
Ang mga buwayang hayop ay mayroon ding dangal
Kaya't h'wag ikukumpara sa ibang taong hangal
Porke't nananahimik sila at 'di umaangal
'Di nila 'yun matanggap dahil daw nakakaduwal.
Ang mga buwaya tapos manlapa ay lumuluha
Hayop man na walang isip at 'di makaunawa
Ito ay kalikasan nila kaya't nagagawa
Buwaya silang 'di dapat itulad sa masama.
Ngunit ang 'sang taong buwaya na nambibiktima
Hayok na hayok tila yata walang pagkasawa
Araw-araw sila'y ating nakakasalamuha
Sa biglang malas 'di malalaman sa pagmumukha.
Kaya't sa mas masahol pa sa b'waya ang ugali
Magbagong buhay ka't ibahin ang dating gawi
Baka lusubin ng buwayang 'di makapagtimpi
At sa mundo ay tatanghalin din na isang sawi.
Ang mga buwaya na sa tula ko'y nagsipag-ahon
Ay simbolismo ng mga aping nagrebolusyon
Mamatay man sa dusa ay magreresureksyon
Gaganti sila at sa lupa kayo ay ibabaon!
No comments:
Post a Comment