Tuesday, March 18, 2008

Ibon at Tuyong Dahon

"Huwag kang lumipad na parang ibon
Baka bumagsak ka na tuyong dahon."

Lipad ng lipad tila walang pagkapagal
Kayat tumutubong pakpak halos matanggal
Lahat sa paligid ay ibig mong matawid
Inaring maiksing daan ang himpapawid.

Huwag kang magpanggap na isang agila
Gayung batang kapos sa dunong, 'sang mulala
Hanggang ngayon diway nakakulong sa hawla
Inililipad ka sa taas ng akala.

Huwag mong sasaklawan ang lahat ng bagay
Baka malasap lang ay pait ng tagumpay
Maraming nalalaglag sa pagtutumayog
Kahalintulad moy marupok na bantayog.

Ibig makipagtagisan gayung sugatan
Di mo mapaglanggas lalim ng baluntukan
Mistula ka na lamang ibong nakadapa
Animoy lasing, lugmok sa pagkasugapa.

Kulay ng kalawakan di lalaging bughaw
Kayat pinto ng kalangitan di matanaw
Minsan nagmamaramot din ang Haring Araw
Ipinagdadamot init ng pag-ulayaw.

Masdan mo at sa lupa may tuyong dahon
Sa pagbagsak mo may sasabihing himaton
Marupok mong katawan sa ganyan din hahantong
Sa tayog ng lipad sasapitin ay kabaong!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...