Kumukubabaw lagi sa isip ang 'yong kabuuan
Kumitid nang husto ang ikid ng utak
Nagmistulang basag na pakakak
Halos 'di ko na maharap ang realidad
Lumulutang sa sariling grabidad.
Tinatuan mo ang kakaba-kabang dibdib
Ng rosas na binusangsang ng maraming tinik
Tumutusak, walang tigil sa kahahaplit
Hanggang sa umibis ang puting dugo
At sa harap ng anino'y naglaho.
Naligaw ako sa kasukalan ng gubat
Naisip ko na ikaw'y tila isang alamat
Na sa aking isipan ay 'di makatkat
Nakipaghabulan ako sa libay at salindayaw
Hbang sa gitna ng ulan ay sumasayaw
Bawat butil ng tubig kinaulayaw
Hanggang sa ako'y tukain ng tangkaybiga
Bumasag sa diwang mayroong tagubana.
Kay sarap sanang sumabay sa pandayon
Ng nagkukundayang mga dahon
Habang ang isipa'ynaglilimayon
Ngunit ni walang matanggap na himaton
Bagama't presensya mo'y ssumasampilong.
Sadyang kay hirap mabatubalani
Nalulusaw ako sa hugis ng 'yong labi
'Di matingkala ang ganitong pagkasi
Walang damarang humaharang sa araw
Magkahalong init at lamig ang umiibabaw
Nayada Sabo, sa ganda mo, mata'y naduduling
Nawawala sa sandali ng pagkahumaling...
No comments:
Post a Comment