Wednesday, March 5, 2008

Showbiz at Lipunan


Kung mahilig ka sa showbiz o sa mga artista ay mabuting basahin mo ang libro ni Boy Villasanta na pinamagatang EXPOSE Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas. Sa librong ito ay ibinabahagi niya ang kanyang tatlumpung taong karanasan sa mundo ng showbiz. Kaya't kabisado na niya ang bawat himaymay at pinakagulugod nito. Ang librong ito ay nagsisilbing legacy niya o pamana sa naturang industriya.

Si Villasanta o mas kilala sa tawag na Tito Boy ng mga malalapit sa kanya ay isa sa mga nagsimula ng movie reporting sa telibisyon (TV Patrol). Kasabayan siya nina Angelique Lazo, Mario Dumawal at Lhar Santiago. Bukod sa pagiging magaling na showbiz tv reporter siya rin ay isang mahusay na editor, host sa mga radio program na pang-showbiz., stage director at iba pa.

Sadyang napakainam basahin ng libro ni Villasanta dahil mayroon itong haplos ng kasaysayan sa paglilimbag ng iba't ibang uri ng babasahin sa Pilipinas. Siyempre kabilang na rin ang kasaysayan ng telibisyon, diyaryo at radyo. Hinimay din niyang mabuti ang sitwasyon ng mga artista mula noon hanggang ngayon. Para bang inililipad ka sa nakaraan tapos bigla ka niyang ibabalik sa kasalukuyan. Maging ang pinagmulan ng mga movie press organization at award giving body sa atin ay kanya ring inilahad.

Para kay Villasanta ang tsismis ay 'di lang basta sabi-sabi dahil ito ay may butil ng katotohanan. Kumbaga kapag may usok ay may apoy at hindi maituturing na intriga lamang gaya ng naging palasak na kahulugan nito. Ipinaliwanag pa nga niya na ang pinagmulan ng salitang tsimis at kung paano nagbago ang kahulugan nito sa paglipas ng panahon. Kung minsan nga ang tsismis pa ang pinagmumulan ng isang lihetimong balita. Samantalang ang mga artista para sa kanya ay hindi lang basta produktong ibinebenta bagkus ito ay tinitingnan niyang hindi iba sa atin.Marunong din silang magmahal, magalit, matuwa, malungkot atbp. Hindi sila hiwalay sa lipunan bagkus ay repliksyon lamang ng marami sa atin.Halimbawa si Bentong, isang probinsyano ay nagpaalila para matupad lang ang kanyang kinalalagyan ngayon. Halimbawa uli, si Nora Aunor, noong wala pa siya, ang mundo ng showbiz ay pinaghaharian ng mestiso at mestisa. Subali't binasag niya ang kalakarang ito. Ang masa sa kanya ang nagluklok sa pagiging superstar dahil nakikita nila ang kanilang sarili sa kanya na mayroon lamang ordinaryong hitsura.

Para kay Villasanta ang showbiz ay may bahid pulitikal at hindi ito hiwalay sa isa't isa. Totoo nga naman dahil ang mga pulitiko ay ginagamit ang showbiz para isulong ang kanilang karera sa pulitika. Gayundin naman ang mga artista ay ginagawing bentahe ang pagiging arrtista para makapasok sa pulitika. Binigyan din niya ng katuturan na ang showbiz ay hindi lang pang-aliwan kundi ito rin ay instrumento sa paghubog sa isipan ng mamamayan. Katulad noong panahon ni Lino Brocka na ang pinapaksa ng kanyang mga pelikula ay patungkol sa kung ano'ng lipunan mayroon tayo.

Isa lang ang sigurado ko sa librong ito, na kapag binasa ng iba ay pihong mag-iiba ang papanaw nila sa showbiz.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...